Chapter Twelve

186 17 11
                                    

Paaandarin na sana ni Daniel ang owner type jeep, nang biglang may maalala siya. "Nakalimutan natin ang katawan ni Fer."

"Oo nga pala," sabi ni Joella na nagtakip pa ng bibig sa pagkabigla. "Sandali lang, kukunin namin ni Venice."

"Hindi," pigil ni Daniel sa magkapatid. "Umupo lang kayo d'yan, kami ng kukuha ni Samuel."

"Sige, salamat," nakangiting wika ni Joella.

Inilahad ni Daniel ang kanyang palad sa harapan ni Joella.

Napaisip naman si Joella sa ginawa ni Daniel. "Sorry, hindi pa pwedeng hingin ang kamay ko."

Napatingala si Daniel, sabay ngiti at pikit. Napapangiting napapailing itong muling tumingin kay Joella. "Ibigay mo sa 'kin ang susi para mabuksan namin ang bahay."

Lihim na natawa si Venice. Siniko ito ni Joella at pinandilatan ng mga mata.

"Teka,  tanda ko hindi ko naman ni-lock ang pinto ng bahay," wika ni Joella habang nakatingin kay Daniel. 

 Haaay, Daniel, bakit ba ang gwapo mo? Nakaka-in-love ka talaga. Sabi ni Joella sa isip.

"Hindi naman ang pinto ng bahay ang tinutukoy ko, pinto ng puso ko. Nakulong na kasi sa 'yo."

"Ang corny mo, Daniel. Umalis na nga kayo ni Samuel."

"Pero aminin mo, ate, nagustuhan mo ang sinabi ni kuya Daniel," panunukso ni Venice.

"Isa ka pa," kinurot ni Joella sa tagiliran si Venice.

Tinawag ni Daniel si Joella.  Kinindatan ito ng binata.

"Kadiri!" naiinis na wika ni Joella.

"Kadiri, pero gusto mo," tukso na naman ni Venice.

Muling kinurot ni Joella sa tagiliran si Venice.

Ngingiti-ngiti lang na nagmamasid sa tatlo si Samuel. Wala siya sa mood magsalita kaya sa ngiti na lang niya idinadaan ang lahat.

Bumaba na ng sasakyan ang magkapatid. Nakangiting kumikislap ang mga matang  lumakad palayo si Daniel, kasama ang kapatid na si Samuel.


Binuksan ng magkapatid ang pinto ng bahay. Bumungad sa kanila ang kaluluwa ni Ilonah. Nakita nilang muli ang nanlilisik nitong mga mata, ang duguan nitong damit at ang matinding galit na nararamdaman ng dalaga.

Biglang sumulpot  sa likuran ni Ilonah ang iba't-ibang  mga kaluluwang gala.

Babaeng nakapangkasal,  nakabelo  at  walang mukha.

Lalaking walang pang-itaas, puno ng dugo ang katawan at nakakadena ang paa.

Lalaking hawak ang kanyang pugot na ulo.

Babaeng nakaitim na duguan ang mukha.

Babaeng bata na putla ang mukha at itim ang mga mata.

Batang lalaki na biyak ang ulo at tumutulo ang dugo.

"Talagang nagsama ka pa," inis na ngumiti si Daniel. " Kulang pa sila, mabibitin kami n'yan."

Tinitigan ng masama ni Ilonah si Daniel. "Tingnan natin kung saan pupulutin 'yang kayabangan mo."

Biglang naglaho sa likuran ni Ilonah ang babaeng nakaitim na duguan ang mukha, ang lalaking hawak ang kanyang pugot na ulo at ang batang babae na putla ang mukha at itim ang mga mata.

"Bakit mo binawasan ang iyong mga kampon?" mayabang na wika ni Daniel. " Nagsisimula na ba kayong matakot sa 'min ni Samuel?"

Malalakas na sigaw ang narinig ng magkapatid mula sa labas. Sumilip si Samuel sa bintana at pagkatapos ay muling tumingin sa kapatid. "Inaatake ng mga kaluluwang ligaw sina Venice at Joella."

Ganti Ng Kaluluwa Ni IlonahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon