ANG PAMBIHIRANG SUNOG SA LUNGSOD NG PASAY
Brgy. 184, Maricaban. Nobyembre 24, 2013, nagmula ang isang malakas na pagsabog sa tirahan ng isang pamilya Orcollo. Silang pitong (7) nakatira doon ang tanging bilang ng yumao sa sakuna, dahilan para paghinalaang sinadya ang insidente. – Lathalain ni Ramon Silas
Mabilis ang mga pangyayari.
Mag-a-ala una ng madaling araw nang nabasag halos lahat ng bintana ng mga establisyamentong nakapaligid sa pinangyarihan ng pagsabog. Sabay-sabay na pumito ang sirena ng mga nakaparadang sasakyan kasabay ng pag-ungol ng mga galang aso. Agad namang rumesponde ang mga bumbero at wala pang isang oras nang matagumpay na naapula ang sunog.
Masuwerteng nakalikas ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa katabing apartment maliban na lamang sa dalawang umuupa rito. Dalawa sila, sina Rhoselyn Silvestre (43) at Isaac Arevalo (58), sa apat na nasugatan. Nagkataong silang apat din ay nagkaroon na rin minsan ng koneksyon sa maimpluwensiyang pamilyang kinasusuklaman ng marami.
Ang hindi matukoy na galit sa mga Orcollo ang una agad napansin ni Chief Insp. Vicente Borromeo, na nanguna sa pagsiyasat sa naging eksena. Mga tauhan din niya ang nagdala kina Silvestre, Arevalo, Dorina Guarin (36), at Tonyo Magsino (22) sa Pasay General Hospital. "Madalas diba kapag may sunog, may humagulgol? Dito, iba", panimula sa akin ni Insp. Borromeo, "Pagbalik ko pa lang ng hose sa trak, kita sa dilim yung ngipin ng mga tao doon. Nakatingin sila sa bahay ng mga biktima, ngumingiti. Yung iba, nakuha pang pumalakpak."
Kinaumagahan matapos mapatay ang sunog, inanyayahan kami sa midya na humingi ng impormasyon sa mga residente ng Brgy. 184. Tumugma naman ang sinabi ni Insp. Borromeo sa mga natanggap kong sagot tulad ng "Mabuti nga't mabubulok na rin sila sa wakas sa impyerno!" o 'di kaya'y "Hindi talaga magandang mabiktima ng sunog kasi naranasan ko na rin po naman iyan. Pero ngayon, dito ko lang po naransanang may ikabubuti rin pala ang masama." Ang maaanghang nilang salitang siyang nag-udyok sa akin upang tunghayan ko ang imbestigasyon.
Binubuo ang mga nabiktimang Orcollo ng mag-asawang sina Thaddeus (55) at Marjorie (53), ang bunso nilang si Marcus (22) at ang kuyang si Carlito (31) na asawa ni Sandra (29), at ang mga anak na sina Darius (10) at Megan (8). Inabot ng isang linggo bago may umako sa katawan nila sa morge, ang pinalayas nilang yaya na si Karen Mayote (59).
Sinamahan ko si Karen sa punerarya kung saan hiniling niyang ipa-cremate ang mga among hanggang huling hantungan ay pinagsilbihan niya. "Wala rin pong saysay kung kukuha pa 'ko ng ataol." Saglit siyang napabungisngis. "Mahilig kasi ako magbasa ng balita e nakaagaw sa'kin ng pansin yaong headline na may talpog na bahay sa Maricaban. Dios mio, nagkatotoo kutob ko! Sila nga ang binawian ng buhay." Sariling pera ang ginamit niya upang makarating sa Pasay.
Galing pa siyang Mindoro kung saan umuwi siya sa pamilya niya pagkatapos siyang palayasin. Tinanong ko kung ano'ng dahilan, sinabi niyang "Napagbintangan akong nagnakaw ng alahas ni Ma'am Marjorie." Bata pa lang daw sina Carlito at Marcus noong unang beses siyang nagtrabaho sa kanila. "Kahit labag sa loob ko, inisip ko na lang na inutusan lang nila akong mag-impake ng mga damit ko." Gamit ang panyo, napapunas siya ng pisnging pinatakan ng luha.
Bakit naman kaya walang ibang lumapit kundi si Karen? "Na-kontak ko na rin po yung iilang kamag-anak nila." Nang tanungin kung saan sila nakatira (sa pag-aakalang pwedeng nahirapan silang kunin ang katawan dahil wala sa bansa), sinundan ko ng bagong tanong matapos malamang sa Cavite lang pala nakatira ang kuya ni Thaddeus at ang pamilya nito: bakit hindi sila ang nagkusang kumuha? Nagkibit-balikat si Karen, "Baka hindi sila tumitingin sa tabloid."
Kinabukasan, binalikan ko ang punerarya. Kaharap ko si Karen na hawak ang perang inabot sa kanya ng kararating na mga Kabitenyong Orcollo. May pamasahe na siya pabalik ng Mindoro sa gabing iyon. Nang lapitan ko ang isa sa mga kamag-anak ay tumanggi silang makapanayam ako. Maaaring tulad din ng mga taga-Brgy. 184 ay may malalim din silang galit sa kanila.
BINABASA MO ANG
Tapos na (Deus Ex Makina)
Mistero / ThrillerMay mga pagkakataong naoobserbahan nating nilikha ng puwersang eksternal o ng sinomang diyos ng alinmang relihiyon ang ilang ganap sa buhay na tumutulak sa tadhana ng tao. Ito ang mga pangyayaring labas sa ating kontrol. Ito ang mga ganap na alam na...