Kabanata Walo- Huling Sayaw

930 29 0
                                    


Kabanata Walo

Huling Sayaw

"Anong nangyari sa iyo, Kimberly? Mali iyan, mali!" sermon niya sa sarili.

Isinandig niya ang kanyang likod sa isang poste nang mapagod na sa pagtakbo. Madilim na rin ang paligid dahil gabing-gabi na. Hindi na niya namalayan ang oras at kung gaano kalayo ang natakbo niya. Ang alam lang niya ay gusto niyang takasan si Yvaniel at takasan ang nararamdaman niya para sa binata.

"Ayan, lumalayo ka na naman. Hobby mo talaga na layuan ako, 'no?" mariin niyang ipinikit ang mga mata at pinakinggan ang yabag ng mga paang papalapit sa kanya.

"Tungkol sa nangyari kanina..."

"Kalimutan na lang natin iyon. Hindi maganda kung iisipin at pag-uusapan pa natin," mabilis niyang tugon bago pa nito matapos ang dapat sana'y sasabihin. "May event tayo bukas. Kailangan na nating magpahinga para kahit paano ay maayos naman ang huling sayaw natin," aniya. Pilit niyang pinatapang ang kanyang sarili ngunit maging siya ay nasaktan sa salitang binitiwan niya.

"Huling sayaw? Ganoon mo ba kagusto na matapos na ang lahat ng ito? Ayaw mo ba talagang makasayaw ako? Am I not good enough as a dance partner?" basag ang boses nitong sabi. Pinigil niya ang sarili na imulat ang kanyang mga mata.

"Yes, Yvan, you're not good enough. We're not good enough. Bakit ba ako pumayag na maging partner mo? Itong contest na ito. Itong sayaw na ito, hindi ko na alam kung para saan ba talaga ito. Hindi ko alam kung dapat pa ba tayong lumaban. Bakit ba tayo sumasayaw, Yvan? Bakit pakiramdam ko kapag gumagalaw tayong dalawa, ang dami kong nilalabag?" sunod-sunod niyang tanong. Nakagat niya ang ibabang labi upang pigilin ang muling pagbuka nito. Baka ang sumunod na salitang lalabas sa kanyang bibig ay kanyang pagsisihan.

"We're not good enough?" mapait nitong halakhak. "Hindi mo ba makita kung gaano katugma ang bawat galaw natin. We don't just move with the music, we rhyme with it. Huwag mo namang itapon ang ilang linggong pinagpaguran natin dahil naguguluhan ka. Dahil ako, Isabelle, hindi ako naguguluhan. Alam ko ang gusto ko. Gusto kong manalo. Gusto kong manalo tayo. Gusto kong maramdaman mo na may saysay itong ginagawa natin. Gusto kong maramdaman mo ang nararamdam ko," may diin ang pagbigkas ni Yvaniel ng bawat salita.

Huminga ito ng malalim. Dinig niya ang mabibigat nitong paghinga. "Pero lagi kang lumalayo. Lagi mong hinaharangan ang sarili mo. Paano mo mararamdaman?"

Naramdaman ni Kimberly ang pag-iinit ng kanyang mga mata. Sinubukan niyang pigilan ang pagtakas ng luha.

"Magpahinga ka na. May huling sayaw pa tayo bukas, 'di ba?"

Biglang tumahimik. Narinig na lamang niya ang mga hakbang na papalayo sa kanya. Binuksan niya ang kanyang mga mata, kasabay ng pagbubukas ng kanyang puso, ng pagtanggap sa totoo niyang nararamdaman.

Pinagmasdan lang niya ang papalayong pigura ni Yvaniel at tuluyan nang tumakas ang mga butil ng luha.

"PAALAM sa ating huling sayaw, may dulo pala ang langit..."

Malakas na ipinadyak ni Kimberly ang mga paa. Malakas din ang ingay na likha ng pagtama ng takong ng kanyang sapatos sa sahig. Batid niya ang paglingon ng mga kasama niya sa backstage sa kanyang direksiyon ngunit hindi niya binigyang pansin. Ikinunot niya ang noo, kung puwede lang na magreklamo ay nagawa na niya.

"Mali yata tayo ng piyesang napili," palatak ng binata sa kanyang tabi na lalong nagpakunot sa kanyang noo.

Huminga siya nang malalim. Umalingawngaw ang chorus ng kanta. Pilit itinuon ni Kimberly sa mga sumasayaw sa stage ng isang intermission number ang kanyang atensiyon.

A Dance to Forever (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon