Kabanata Pito
Move Together
"ONE, two, three, four, five, six, seven, eight and bow."
Mabilis na kinalas ni Kimberly ang kamay niyang hawak ni Yvaniel at dumistansiya mula sa binata matapos mag-bow. Nagtungo na lamang siya sa bench at dinampot ang kanyang tuwalya at tubig. Ganoon ang ginagawa niya sa tuwing matatapos ang isang round ng sayaw. Agad-agad siyang bumibibitiw. Hanggang sayaw lang dapat ang ugnayan nila.
"I'll see you tomorrow, Yvaniel, Kimberly. Magpahinga na kayo. Bukas na ang Big Day. Bring home the bacon," ani Ms. Pelaez. Nakangiti ito, mukhang satisfied sa kinalabasan ng praktis ngayong araw.
"Yes, Coach," sabay nilang sagot.
"This is our last practice for this competition. Until next time," anito at tuluyan nang nagpaalam.
"Iyon ay kung may next time pa," naiiling na bulong ni Kimberly sa sarili. Isinalampak niya ang katawan sa bench. Pagod na pagod talaga siya. Puspusan ang paghahandang ginawala nila sa mga nakalipas na araw. Determinado silang magtagumpay. Lalong-lalo na si Kimberly, kailangan niyang mapatunayan na napili siya dahil mahusay siyang dancer, na mali ang paratang sa kanya ng marami sa fans ni Yvaniel.
Puspusan din ang effort na ginawa niya upang pakalmahin ang nagwawala niyang dibdib sa tuwing nadidikit sa asungot.
"Bakit, wala na bang next time?" bigla ay sabi ng binata. Nanlaki ang mga mata ni Kimberly. Narinig pala siya nito. Umupo rin ito sa bench, sa kanyang tabi mismo. Muli siyang dumistansiya, halos isiksik niya ang sarili sa dulo ng upuan kaya nga lang ay maiksi lang ang bench na iyon.
"Bakit ka ba layo nang layo? Paano kita maabot kung palagi kang dumidistansiya?" makahulugan nitong sabi kasabay ng malalim na buntong hininga.
"Ano 'kamo?" wala sa sarili niyang tanong bago pa napigil ang kanyang traydor na dila.
"Wala," iling nito. "Alam mo, Isabelle, marami pang next time. Siguradong mananalo tayo," nakingiti nitong sabi at tuluyan nang hindi sinagot ang tanong niya. Hindi mawari ni Kimberly kung bakit nakadama siya ng disappointment. Ayaw niyang bigyang kulay ang sinabi nito, baka nga nantitrip lang ito. Pero hindi niya mapigil ang sarili na bigyan iyon ng kahulugan.
Umiling siya. Mabuti pa ay kalimutan na niya ang narinig.
"Gaano ka kasigurado na mananalo tayo?" pagkuwan ay tanong niya.
"One hundred and one percent sure, Future Wife," hinarap siya nito. Pinilit niyang umiwas ng tingin ngunit nahuli nito ang mga mata niya kasabay ng paggagap nito sa kanyang kamay. Napapitlag siya sa hatid na pilantik ng palad na iyon.
Sinubukan niyang alisin ang kanyang kamay mula sa pagkakakulong ngunit hindi siya nito binitiwan. Maging ang mga mata nito ay hindi rin bumitiw, nanatili siyang bilanggo sa ilalim ng mga mata nito. Malamlam na tsokolate ang mga iyon nito na hindi niya mabasa kung ano ang gustong ipahiwatig.
Sinalubong niya ang mga mata nito at tinangkang sabayan ang intensidad ng bawat titig ngunit hindi siya nagtagumpay. Tila hinalukay nito ang kanyang kaluluwa, at nagawa siya nitong tangayin sa simpleng titig lang... nagawa siya nitong iligaw.
Kumalabog, kumalampag, nawindang at nayanig ang kanyang dibdib nang dahan-dahan nitong inangat ang kanyang kamay patungo sa labi nito at isa-isang halikan ang mga daliri. "I am partnered with the Dancing Queen, herself."
"Y-van-niel, tigi-lan mo 'yan..." nauutal niyang sabi. Pakiramdam niya ay nagbuhol-buhol ang kanyang dila at umangat ang kanyang puso na ngayon ay nakabara sa kanyang lalaluman. Hindi siya makahinga. Pa-ikot-ikot ang kakaibang pakiramdam sa kanyang sikmura. Nanginginig din ang kanyang mga kamay.
Ngunit imbes na tumigil ay hinalikan naman nito ang likod ng kanyang palad. "How can I not be sure that we'll win?" Hindi man lang humiwalay ang mga mata nito sa titigan habang humahalik sa kanyang kamay.
"Dance with me." Malalim at mababa ang timbre ng boses ng binata... tila marahang musika na nag-aanyaya, tila may kapangyarihang pasunurin ang bawat bahagi ng kanyang sistema.
"Dance with me," pag-uulit nito kasabay ng pag-angat sa kabila niyang kamay at iyon naman ang hinalikan.
Tuluyan nang nalusaw ang depensang itinayo niya at lumipad sa ibang dimensiyon ang ipinaglalaban niyang self-control. The moment his lips touched her skin every millimeters of her burned.
Tumayo ito at marahan siyang inalalayan na tumayo habang hawak pa rin ang pareho niyang kamay. Naka-angat ang sulok ng isa nitong labi.
Patuloy pa rin ang pag-alingawngaw ng tugtog na piyesa nila para sa contest. Naglandas ang isang kamay ni Yvaniel patungo sa kanyang baywang. Marahan itong gumalaw.
Unti-unting kumalma ang dibdib ni Kimberly. Funny how she felt comfortable yet uneasy, secure yet vulnerable in his arms.
Dinama niya ang musika nang hindi pumipikit. Sinasabayan ni Yvaniel ang bawat galaw niya at ganoon din siya sa bawat galaw nito. This time, she felt like she's sharing the dance floor with him. Hindi tulad ng mga nauna nilang sayaw na siya lamang ang sumusunod.
"Let's move together." Inikot siya nito. He bent her afterwards... iba na ang ginagawa nila kumpara sa dance routine para sa contest pero wala na siyang pakialam. Inangat niya ang isang binti at idinikit iyon sa bandang baywang ni Yvaniel.
Naglandas ang isang braso nito patungo sa likod ng kanyang hita at inangat siya nito. Tuluyan na siyang tinangay ng musika, ng bawat tunog na likha ng mabibigat nilang paghinga, ng bawat pintig ng kanyang dibdib.
Ipinulupot niya ang parehong kamay sa batok ni Yvaniel. Ngumiti ito sa kanya at lalong pinagdikit ang kanilang katawan. Kung saan-saan naman gumala ang isa nitong kamay ngunit hindi niya ito magawang sawayin. Hindi niya mautusan ang sarili.
Naramdaman na lamang niya na paikot-ikot sila ni Yvaniel sa dance floor. Naliliyo siya, hindi dahil sa bawat ikot kundi sa bawat haplos ng palad nito sa iba't-ibang bahagi ng kanyang balat. Panay ang pagdaloy ng nagliliyab na pakiramdam sa kanyang sistema.
Naramdaman na lamang niya ang paglapat ng kanyang likod sa dingding. Nakapulupot na ang pareho niyang binti sa likod ng hita ni Yvaniel.
"Isabelle..." nahihingal nitong sabi at isinubsob ang pisngi nito sa kanyang balikat. Pinagmasdan lang niya ang pagtaas-baba ng balikat nito kasabay ng mabibigat nitong paghinga.
"Yvan." Napalunok siya.
Nag-angat ito ng tingin at unti-unti ay inilapit nito ang mukha nito sa kanyang mukha, ramdam na niya sa kanyang pisngi ang init ng hininga nito. Gahibla na lamang ang layo nila sa isa't-isa. Panay ang pag-iingay ng mga tambol sa kanyang dibdib na iyon na lamang ang naririnig niya. Hindi na niya naririnig pa ang musika.
Lalo pa itong lumapit, nagbangga ang kanilang ilong... kasabay niyon ay naramdaman niya ang palad nito sa kanyang tiyan... sa loob ng kanyang blouse.
Natigilan siya. Nanlaki ang mga mata. Bigla ay nagbalik siya sa kanyang ulirat. Itinulak niya si Yvaniel at tumakbo palayo sa binata. Mabilis niyang dinampot ang mga gamit at lumabas na ng studio. Hindi na siya nag-abala pang tingnan ang reaksiyon nito. baka mawala na naman siya sa sarili sa oras na magtagpo ang kanilang mga mata.
"Isabelle!" paghabol nito sa kanya ngunit mas binilisan pa niya ang pagtakbo. Panay ang kanyang iling habang sapo ang kanyang dibdib.
BINABASA MO ANG
A Dance to Forever (Complete)
Short Story"I'm really serious, Miss. I'm pretty sure you look like her, bakit ba ayaw mong maniwala?" Malalim ang timbre ng boses ng lalaking nakita ni Kimberly sa hallway. Halos kilabutan siya sa narinig. Ngunit nilabanan niya ang kilabot na iyon. Muli niyan...