Kabanata Sampu
Pangarap
"MAY na-achieve ka na ba? Kanina ka pa d'yan."
Mula sa pagkakatulala sa kawalan ay nag-angat ng tingin si Kimberly. Nakatayo sa harap niya si Rhian, malalim ang kunot sa noo nito. Umiling siya bilang tugon sa tanong ng kaibigan. Kanina pa kasi wala sa kondisiyon ang kanyang utak. Pilitin man niyang magsulat para sa thesis ay wala siyang masulat-sulat. Sa huli ay natulala na lang siya.
"Alas dos na po. Matulog ka na kaya. Bukas mo na lang ituloy iyan pagkatapos ng rehearsal ninyo," nakahalukipkip nitong suhestiyon pagkatapos ay humikab.
Siya naman ngayon ang nangunot ang noo. "Anong rehearsal?"
"Hindi ka ba informed? Kalat na kalat na sa buong school ang Dance to Dance event. Hindi ko alam kung para saan iyon, basta ang narinig ko, kayo ni Yvaniel ang kasali, may approval daw iyon ni Sir Perez."
"Ano?" nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya akalain na pati ang Dance Royale ay madadawit. Lagot talaga si Yvaniel kapag nakita niya ito. Hinding-hindi siya sasali sa kalokohan nito.
"Hindi ko alam ang buong detalye basta sigurado ako na kayo talaga ang participants. And speaking of Yvaniel, hindi yata naliligaw dito ang future husband mo samantalang dati gabi-gabi nandito iyon," naiiling nitong sabi.
Kailangan ba talagang ipaalala ni Rhian na hindi nagpaparamdam si Yvaniel? Naiinis na nga siya dahil kahit anino man lang nito ay hindi niya makita. Siya naman ang may gusto nito. Dapat nga ay matuwa pa siya dahil sa wakas, wala nang distraction. Makapagfofocus na siya sa pag-aaral. Sinunod ng binata ang hiling niya na lubayan siya. Wala siyang karapatang magmukmok kung tuluyan na nga siyang iwan nito. Alam niyang makakabuti kung hindi na niya ito makikita kahit kailan.
Pero ngayon ay gusto na niya ulit makita ang asungot. May kasalanan na naman ito sa kanya. Siguradong ito ang gumawa ng paraan para mapilitan siyang sumali sa event na iyon.
"Manigas siya. Magsayaw siyang mag-isa!" inis niyang sabi at padarag na tumayo. Iniwan na lang niya sa mesa ang mga gamit. Tuluyan na siyang nawalan ng ganang gumawa ng thesis.
"I'M SORRY, Kimberly. Naka-oo na ako kay Natalia. Hindi ko na mababawi pa iyon."
Nanlaki ang mga mata niya matapos marinig ang pahayag ni Sir Perez. Inulit-ulit pa niya iyon sa kanyang isipan. Baka sakaling nagkamali lang siya ng dinig.
"It's just a friendly match. Besides, malaki ang maitutulong nito sa organization. Natalia offered to host workshops for the dance group including the high school department. Who knows, baka ilan sa mga estudyante ng eskuwelahan natin ang maging katulad niya," dagdag nito.
Inanilisa niya ang narinig. May punto ang dance coach ngunit kahit posibleng may magandang resulta ay bumabalik pa rin siya sa orihinal na tanong.
"Bakit naman ako, Sir?" Ayaw man niyang isipin na may kinalaman si Yvaniel ay hindi pa rin niya maiwasan na magduda lalo pa't ito ang may gustong maging partner siya.
"Natalia asked me to include our best dancer."
Umiling si Kimberly. Kung best dancer pala ang kailangan, dapat ay hindi siya ang napili. "Sir, marami pa pong mas magaling kaysa sa akin tulad ng mga senior dancer ng grupo. Hindi nga ako nanalo sa nakaraang contest. Ano po bang magiging laban ko sa mga nagsanay sa ibang bansa? Bukod dito sa school, hanggang barrio fiesta lang po ang skills ko," giit niya.
BINABASA MO ANG
A Dance to Forever (Complete)
Short Story"I'm really serious, Miss. I'm pretty sure you look like her, bakit ba ayaw mong maniwala?" Malalim ang timbre ng boses ng lalaking nakita ni Kimberly sa hallway. Halos kilabutan siya sa narinig. Ngunit nilabanan niya ang kilabot na iyon. Muli niyan...