Gusto kong iiyak ang lahat ng sakit.
Nung gabing iyon ay bilog na bilog ang buwan ngunit nababalutan ito ng ulap. Ang ulap na nagbabadya ng ulan. Madilim ang kalangitan dahil walang mga bituin para magsilbing tanglaw sa dilim.
Nakaupo lang ako sa kama habang nakatingin sa bintana. Katatapos ko lang siyang tawagan.
Apat na araw mula ngayong gabi ang huli naming pag-uusap. Miss na miss ko na siya. Inakala ko na sa apat na araw ay matututunan ko nang tanggapin na wala talaga, pero hindi.
Alam ko pa rin ang boses niya na nagpapakaba sa dibdib ko, ang paghinga niya sa kabilang linya na nagpapabilis ng aking paghinga at ang pagtawag niya sa pangalan ko na yumayanig sa buo kong pagkatao.
Halo-halo ang naramdaman ko nang sinagot niya ang tawag, hindi ko alam kung ano bang dapat kong sabihin, maramdaman.
Hindi ko napigilang mapamura dahil sa bigat ng aking pakiramdam. Masakit na masaya, posible pala. Alam kong wala akong dapat asahan, na ang tanga ko kung maniniwala pa ako sa kanya ngunit hindi ko kaya. Hindi ko kayang pigilan ang puso ko na kahit ilang beses ko nang binulyawan ay hindi pa rin ako sinunod. Kahit na sinabi ko nang hindi man kailan siya pangangalagaan ng taong nais niyang bigyang atensyon ay para siyang makulit na bata na gusto pa rin sumubok.
Tanga, lahat ng nagmamahal ay tanga pero hindi ako.
Ayoko.