Yakap

7 0 0
                                    

"Kung makayakap ka naman, akala mo mawawala ako."

Lagi niyang sinasabi ang mga katagang ito sa tuwing yayakapin ko siya nang mahigpit.


Sana hindi na matapos ang gabi dahil alam ko na sa pagsikat ng araw ay kakailanganin na naman niyang umalis, kailangan na naman niya akong iwan.


Isang umaga ay nagising ako na nasa tabi ko pa rin siya.

Nakaunan siya sa mga braso ko at natatakpan pa rin ng kumot ang katawan niya. Yakap pa rin niya ako. Napatingin ako sa bintana at nakita ang araw na sikat na. Walang mapagsidlan ang tuwa ko dahil sa unang pagkakataon ay hindi niya ako iniwan kina-umagahan.
Hinaplos ko ang pisngi niyang mamula mula at hinalikan ang maputing balikat niya. Napakasaya ko.

Hinawi ko ang mga buhok na nakakalat sa mukha niya at saka hinalikan ko siya sa noo. Ibinulong ko sa kanya ang mga katagang kailanman ay di ko nasabi kahit pa sa mga panahong iisa kaming dalawa ay hindi ko nabanggit dahil sa takot na baka hindi niya matanggap.


"Mahal kita."

Pinagmasdan ko siya habang natutulog. Sobrang sikip ng dibdib ko dala ng sobrang galak. Maya maya'y gumalaw siya at dahan dahang iminulat ang kanyang mga mata. Nginitian niya ako. Tumugon naman ako.
Dahan dahan siyang umupo, maingat ang paghawak sa kumot na tanging tumatakip sa kanyang katawan. Hinaplos niya ang aking mukha at dinampi ang mga labi niya sa aking labi. Maya maya'y yumakap siya at sinabing,

"Mahal din kita."

Nagising ako dahil sa lakas ng tunog ng telepono, dali dali kong sinagot. Kasabay ng pagsasalita ng nasa kabilang linya ang pag-ihip ng malamig na hangin.
Binaba ko ang telepono at hinayaang pumatak ang mga luhang nagbabadya kasabay ng realisasyon na sarado ang lahat ng bintana at walang panggagalingan ang hangin.

Random ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon