This is the day. Ito na ang araw na pinangarap ko. Bata pa lang ako ay planado na ang kasal ko, kung saan gaganapin, kung anong oras, ang gown na susuotin ko, motif at theme. Lahat ng detalye ay matagal ko nang pinlano, ang lalaking pakakasalan ko na lang ang kulang.
Lahat ng tao na mahalaga sa akin ay narito. Ang mga magulang ko, ang mga kaibigan ko, at siyempre ang lalaking mahal ko.
Suot ang damit na pinangarap ko, ngayon ay naglalakad ako sa aisle, hawak ang isang bungkos ng puting rosas, papalapit sa altar. Umihip ang hangin na banayad na humaplos sa aking balat. Naririnig ko ang tugtog ng aming paboritong kanta kasabay ng alon sa dagat. Ito ang pangarap ko, ang ikasal sa dalampasigan habang papalubog ang araw.
Palapit ako nang palapit sa altar. Pinipigilan ko ang luha ko na kanina pa nangingilid. Sa altar ay nakatayo ang lalaking minahal ko ng maraming taon, inalayan ko ng aking puso at kaluluwa. Siya ay nakatayo, nakangiti at nakatingin sa akin ng buong pagsuyo.
Ilang hakbang na lamang ako papalapit sa lalaking aking pinangarap ay biglang nagbago ang kanta, napalitan ng paborito nilang kanta, kanta ng kanilang pagsinta.
Kasabay ng pag-ihip ng hangin, pag-alon ng dagat, pagngiti ng lahat ng mga bisita at pagtugtog ng kanta ay ang paglakad ng isa sa mga taong sobra kong minahal, ang taong kabiyak ng aking buhay.
Pumunta na ako sa aking upuan habang hinihintay ang aking kakambal na maglakad patungo sa altar, patungo sa lalaking minahal ko ng buong puso pero hindi napasakin.
Hinayaan kong maranasan ng kapatid ko ang pangarap ko, ang pangarap kong akin na siya ang umangkin.
