Alex's POV
Makinang ang buwan sa ibabaw ng karagatan. Makikita mo ang ganda ng kapaligiran kahit halos lahat ng ilaw sa resort ay nakapatay. Nakatitig lang ako sa dagat, pinagmamasdan ang mahinang pag-alon nito sa dalampasigan.
Malamig ang simoy ng hangin. Natural lamang iyon dahil malapit ako sa dagat, pero mas lumamig pa ang temperatura dahil Disyembre na. Kinailangan ko pang yakapin ang aking sarili para lang kahit papaano ay mapawi ang lamig na nararamdaman ko.
Napatingin ako sa iba pang kabahayang hindi kalayuan sa resort at napansin na napapalamutian na ang karamihan ng iba't ibang dekorasyong pamasko. Oo nga pala, limang araw na lang at magpapasko na.
Awtomatiko namang naalala ko si Ellaine. Sa lahat kasi ng okasyon, Pasko ang pinakapaborito niya. Malinaw pa sa aking kaisipan 'yong magaganda niyang ngiti tuwing umaga ng Kapaskuhan. Pupunta siya sa bahay tapos kakanta ng iba't ibang Christmas songs habang iwinawagayway ang medyas niya na punong-puno ng candies. Napangiti ako. Isa pa nga pala 'yon sa paborito niya sa Pasko, si Santa Claus. Mayroon pa ngang mga pagkakataon kung saan pipilitin niya akong huwag matulog sa bisperas ng Pasko para lamang hintayin ang matabang lalaki na may mahabang balbas. Ilang taon na rin naman 'yon, pero hanggang sa kanyang paglaki, gusting-gusto pa rin niya si Santa kahit alam na niyang ang mga magulang niya lamang ang nagbibigay ng candies at regalo sa kanya.
Umihip muli ang hangin at napagdesisyunan ko nang pumasok na lamang sa loob ng bahay. Magpapahinga pa lamang sana ako nang biglang tumunog ang telepono ko. Kinuha ko ito at nakita ang pangalan ni Ellaine na nagfa-flash. Agad kong sinagot ang tawag dahil napansin kong nakailang missed calls at texts na rin siya.
"El? Bakit ka tu-" napahinto ako sa sasabihin nang marinig ko ang pag-iyak niya sa kabilang linya. Sumikip ang dibdib ko, halos hindi ako makahinga nang marinig ko ang una niyang paghikbi.
Kinuha ko na agad ang susi ng kotse at dire-diretsong sumakay at pinaandar ito. Naka-loudspeaker na rin ang telepono ko para marinig kung ano man ang sasabihin ni Ellaine.
"Nasaan ka? Pupuntahan kita." Sabi ko na may finality sa boses.
Narinig ko naman siyang bumuntong hininga bago sambitin ang isang pamilyar na ospital. Bumilis lalo ang tibok ng puso ko. Anong nangyari? Okay lang ba siya? Nasaktan ba siya?
Pero ang lalong nagpakaba sa akin ay ang tanong na, anong nangyari kay Tommy?
Binilisan ko pa ang pagpapatakbo at makaraan lamang ang kalahating oras ay nakarating na 'ko sa dapat kong puntahan. Dumiretso ako sa nurse station at kaagada na nagtanong.
"Miss, may dinala ba ritong Ellaine Mercedes? Mga around 11pm siguro?" mabilis kong tanong.
"Iche-check ko po, Sir," tugon niya at may kung anong pinindot sa computer niya, "Wala po Sir eh. Although meron ditong Thomas Mercedes."
Thomas Mercedes.
Parang huminto ang ikot ng mundo pagkarinig ko ng pangalan niya. Ang anak ni El...
"Anong nangyari sa kanya? Nasa'n siya?" tanong ko at tinignan naman agad ng Nurse ang computer screen. Makalipas pa ang ilang segundo ay sinabi na niya sa'kin ang room number ni Tommy. Tinakbo ko muling paakyat ang kwarto niya, ni hindi na ko nakapaghintay pa sa elevator kaya't sa stairwell na ako dumaan.
Hindi ko alintana ang pagod na nararamdaman. Ang tanging nasa isip ko lamang sa mga oras na 'yon ay ang anak ni Ellaine na parang tunay na anak na rin ang turing ko.