Episode 17: Poke-Talk
Nagising si Tristan mula sa isang mahimbing na pagkaktulog. Hindi pa niya naiimulat ang mga mata ngunit nakaramdam na siya ng kakaiba. Hindi siya nakahiga sa kaniyang kama, bagkus ay tila naka-upo siya sa kung saan habang nakasandal ang likod.
Ang mas ipinagtaka pa niya ay ang mabigat na bagay na nakapatong sa kaniyang balikat. Naalarma ang binata at natauhan nang maalala ang mga nangyari kagabi.
‘Yung blackout. ‘Yung kulog at kidlat. Si Sakura.
Agad siyang napadilat at nakita si Sakura na nakasandal sa kaniyang balikat. Maamo ang mukha nito habang nahihimbing.
“Cute naman pala kapag tulog,” tipid na bulong ni Tristan habang pinagmamasdan ang dalaga.
Napatingin naman ang binata sa wall clock na nakasabit sa pader ng sala at nakitang alas siete y media na ng umaga. Maulan pa rin sa labas nang ipaling niya ang mga mata sa bintana.
Hahayaan na lang sana ni Tristan na matulog pa si Sakura sa kaniyang balikat ngunit nakita niya ang mama niya na pababa na sa hagdan. Nakasuot na ito ng unipormeng pamasok sa trabaho.
Naalerto naman ang binata. Kung hindi niya namalayan ang pagpatak ng oras, ibig sabihin ay nakita sila ng kaniyang ina na natutulog sa may sala – nang magkasama.
Nakakahiya.
Wala sa planong napatayo si Tristan patungo sa kinaroroonan ng ina kaya’t nagising na rin ang dalaga. Kinukusot-kusot pa nito ang mga mapupungay na mata.
“Ano, ma,” panimula ni Tristan nang makalapit ito sa ina na palabas na rin ng pinto.
Isang ngiti lang ang isinalubong nito sa anak. “O, anak! Wala pa rin daw kayong pasok dahil malakas pa rin daw ang ulan,” wika ni Tracy. Pinagmasdan nito ang anak na tila hindi maipaliwanag kung ano ang iniisip o nararamdaman, base sa ekspresyon ng mukha.
Napatingin naman si Tracy kay Sakura na nakaupo pa rin sa sofa bago ibalik ang tingin sa anak na tila namumula na ang mga pisngi. “May sakit ka ba?” tanong pa nito sabay hawak sa noo ni Tristan. “Wala naman. O, siya. Mauuna na ako. May pasok pa rin si mama,” paalam ni Tracy bago lumabas ng pinto.
Hindi na nagawa pang magpaliwanag ni Tristan sa ina – ni hindi niya alam kung ano ba ang iniisip nito tungkol sa kanila ng kaibgan niya. Pero wala na siyang nagawa, nakaalis na ito kaya’t minabuti niyang kalimutan na lang ang mga nangyari at saka siya naglakad pa tungo sa sala kung saan nakaupo pa rin si Sakura.
“Gusto mo bang kumain? Magluluto na ako ng almusal,” tanong ni Tristan kay Sakura na kasalukuyang may ka-chat sa cell phone nito.
“Mamaya na lang,” tugon nito. Agad na tumayo ang dalaga at nanaog pataas ng hagdan. “Maiwan na muna kita, may gagawin pa ako, e.”
Pinagmasdan lang ito ng binata habang naglalakad. Hindi tuloy maisip ni Tristan kung bakit ganoon ang biglang ikinilos ni Sakura. Kahit sabihin niyang weird ito, hindi sitya sanay na ganoon ang pakikitungo nito sa kaniya. Iniisip tuloy ni Tristan kung nainis ba ang kaibigan dahil nakatulog sila sa may upuan.
*****
MINABUTI ni Tristan na magluto na lamang sa kusina habang may kung anong ginagawa si Sakura sa itaas. Kung ayaw nga namang bumaba ng dalaga para sa almusal, ang pagkain at pupunta sa taas para sa kaniya. Breakfast in bed, ika nga.
“Sakura, almusal!” sigaw niya sa dalaga. Mabuti na lang at bukas ang pinto ng silid nito at hindi na niya kinailangang kumatok. Dire-diretsong naglakad ang binata patungo sa kinauupuan ni Sakura matapos nitong ilapag sa mesa ang hawak na tray na may lamang almusal.
BINABASA MO ANG
She's an Otaku [Completed]
RomanceNang umalis ang mga magulang ni Sakura para sa isang buniness trip sa America, napilitan ang dalaga na mag-transfer sa Augustus High School. Pansamantala rin siyang nanirahan sa tahanan ni Tracy Ildefonso, ang matalik na kaibigan ng kaniyang mama. D...