Iinat-inat na bumangon sa kama si Cathy at matamlay na naglakad palabas ng kuwarto. Nagpalinga-linga siya sa loob ng bahay pero hindi niya makita ang lola niya. Kaya bumaba siya para hanapin ito sa buong bakuran pero ang binatang si Gio lang ang naabutan niyang nagsisibak ng kahoy sa ibaba.
"Ano'ng ginagawa mo rito? Nasaan ang lola ko?" nakataas ang isang kilay na tanong niya.
"Kasama mo sa bahay. Hindi mo alam kung nasaan? Ganoon ba kahimbing ang tulog mo at natatakasan ka ng hindi mo alam?"
"Puwede ba? Tinatanong kita nang maayos. Nasaan ang lola ko?" kunot ang noong singhal niya rito.
Tumigil naman ito sa ginagawa at humarap sa kanya. "Bakit maayos naman ang sagot ko, ah? Nasa Manila si Lola kasama ni Ninong Mulong."
Napakunot ang noo niya. "Imposible 'yang sinasabi mo! Bakit hindi nila ko sinama o ginising man lang?"
"Kung hindi ka naniniwala. Eh, di hanapin mo." anito atsaka kinuha ang sinibak na kahoy at iniabot sa kanya.
"Aanhin ko 'to?" kunot ang noong tanong niya habang yapos ang punggos ng sinibak na kahoy na inabot sa kanya ng binata.
"Magluto ka ng pagkain mo. Balita ko magbabakasyon daw sa inyo ang lola mo at mukhang matatagalan bago siya bumalik," nakangisi pang sabi nito.
"Hindi ako naniniwala sa'yo. Hindi nila ko iiwanang mag-isa rito," asar na binagsak niya ang mga hawak na kahoy sa mismong paanan ng binata kaya napuruhan ang paa nito at nagtatarang ito sa sakit.
"Salbahe ka, ha! Sige tingnan natin kung balikan ka pa nila. Huwag na huwag kang hihingi ng tulong sa akin, ha?" madilim ang mukhang iniwan siya nito.
Naiwang nakaawang ang mga labi ng dalaga. "Hmp! Akala niya siguro maniniwala ako sa mga pinagsasabi niya," nakasimagot na bulong niya.
Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na pinagti-tripan lang siya ng binata at hindi totoo ang mga sinasabi nito. Kaya muli siyang umakyat ng bahay at doon niya na lang hinintay ang lola niya.
Mag-aalas dos na ng hapon pero hindi pa rin bumabalik ang lola niya. Halos nagwawala na rin ang mga alaga niya sa tiyan. Wala pa namang naiwang pagkain sa ref. Muli siyang bumaba at maluha-luhang pinulot niya isa-isa ang mga nagkalat na panggatong na ibinagsak niya kanina sa paa ng binata. At pagkatapos ay nagsimula na siyang magpaapoy. Pero halos maubos na niya ang posporo ay hindi niya pa rin mapaliyab ang kalan na gawa sa bato.
Mula sa kinatatayuan sa balcony ng kuwarto. Tanaw na tanaw ni Gio ang ginagawa ng dalaga. Maya't maya ang pagsindi nito ng posporo na agad din namang namamatay dala ng malakas na hangin. Napapailing na lang siya sa nakikitang paghihirap ng dalaga para lang makabuo ng apoy. Nakaramdam siya ng awa sa dalaga kaya nagmamadaling bumaba siya at kumuha ng pagkain sa kusina atsaka siya tumawid sa kabila.
"Oh," bungad niya habang iniaabot sa nakaupong dalaga ang tupperware ng kanin at ulam. Pawisan na ito at halos mapuno nang uling ang mukha. Marahil dahil sa kakapahid nito ng pawis habang pilit nagpapaliyab ng kalan. Saglit lang itong nagtaas ng paningin at muling nagpatuloy sa ginagawa.
"Look, huwag ka nang mag-inarte diyan, okay? Alam kong gutom na gutom ka na kanina pa. Kaya pwede ba kunin mo na 'to?" Kinuha niya ang kamay ng dalaga atsaka niya inabot dito ang pagkain niyang dala.
Pilit pinipigilan ng dalaga ang mga luhang nag-uunahang maglandas sa makinis niyang mukha. Pakiramdam niya kasi masyado siyang kinawawa. Agad niyang pinahid ang luha sa pisngi niya kaya mas lalo pang kumalat ang uling sa mukha niya. Bahagya namang napangiti ang binata.
"Anong tinatawa-tawa mo diyan?" angil niya rito.
"Sige na. Kainin mo na 'yan. Ibinilin ka sa akin ng daddy mo. Malalagot ako do'n kapag nagkasakit ka," nangingiting sabi nito atsaka siya sinabayan papunta sa bilog na mesa na nasa ilalim ng puno ng mangga.
BINABASA MO ANG
100 Days With Mr.Arrogant
RomanceMeet "Cathy" Catherine Iguico Roberto.Ang solong anak ng mga Roberto na ipinatapon sa probinsiya upang mailapit sa binatang si Gio. Meet "Gio" Gio Lamberto ang batang haciendero na magpapatino at magpapatibok ng puso ng dalaga.