Chapter IV #Gio's Turn

4.2K 122 1
                                    

"Okay. Basta ba maging mabait ka lang sa akin. Wala tayong magiging problema," nakangiti nang sabi ni Gio.

"Thank you," sabi niya na hindi makatingin sa binata.

"Itimpla mo na pala ako ng kape," nakangising utos ni Gio sa kanya.

"Ano?" nanlalaki ang mga matang tanong niya.

"Sabi ko itimpla mo na ako ng kape," dahan-dahang inulit nito ang sinabi.

"Ako ang magtitimpla ng kape mo?"

"Bakit ayaw mo ba? Sige pala. Uuwi na lang ako sa bahay ko. Tutal naman ayaw mo akong asikasuihin dito," anito na akmang bababa na ng hagdanan.

"Hindi! Ititimpla na kita," mabilis na sabi niya atsaka siya mabilis na pumunta sa kusina. Mabuti na lang at may laman pang mainit na tubig ang thermos kaya hindi na niya kinailangan pang magparingas ng kalan. Nangingiti naman si Gio habang pinagmamasdan siya na tila isang mabait na tupa na sunud-sunuran sa kanya.

"Ano'ng nginingiti-ngiti mo riyan?" kunot ang noong tanong ng dalaga nang mapasulyap sa kanya.

"Bakit masama ba'ng ngumiti? Pakibilisan naman ang bagal, eh." tila maangas na ipinatong pa ni Gio ang dalawang paa sa lamesita at sumandal sa sofa atsaka nito inunan ang magkabilang braso habang naghihintay.

"Ah ganon, ha? Mabagal pala ha."

Nangingiting dinagdagan niya nang dinagdagan ang asukal ng kapeng tinitimpla niya.

"Eto na po ang kape niyo kamahalan," aniya nang iabot sa binata ang tasa ng kape.

"Iyan ganyan. Susunod ka nang maayos," sabi nito sabay higop ng kape na agad din naman nitong naibuga sa sobrang tamis.

"Pasaway ka talaga! Bakit tinapunan mo 'to nang isang katerbang asukal?" madilim ang mukhang sabi ng binata habang pinupunasan ang nadumihang damit.

"Bakit? Hindi mo ba nagustuhan ang timpla ko? Ayaw mo ba ng sweet?" nangingiting sabi niya.

Pigil ang galit na nilapitan siya ng binata. Atsaka nito inilapit ang mukha sa kanya. Bahagya namang napaurong ang dalaga.

"Namumuro ka na sa akin, ha? Gusto mo ng sweet?" naniningkit ang mga matang tanong nito na noo'y nagbaba pa ng tingin sa mga labi niya atsaka muling tumingin sa kanya. Agad niya itong itinulak papalayo atsaka siya tumakbo papasok sa kuwarto. Napailing na lang si Gio habang pinupunasan ang gilid ng labi na nadampian ng asukal na nakadikit sa gilid ng baso.

Dahil sa takot na iwanan siyang mag-isa ng binata. Sinubukang magpakabait ni Cathy. Sinunod niya ang mga utos nito. Bumaba siya sa bahay at pumasok siya sa kulungan ng manok para kumuha ng itlog sa pugad na aalmusalin daw nila. Pero nang akmang dudukutin na niya ang itlog sa pugad, nagalit ang inahing manok at umakmang pupupugin siya. Kaya napatakbo siya palabas. Hindi na niya tuloy napansin ang nakaharang na kahoy sa hakbangan at napatid siya at napasubsob sa lupa. Madiin ang pagkakadapa niya na sumugat sa magkabilang tuhod niya pati na sa kanang siko niya. Agad namang napatakbo papalapit sa kanya ang binata. "Ano ba'ng ginagawa mo?" anito habang inaalalayan siya patayo.

"Bakit kasi hindi mo sinabi na magagalit 'yung nanay na manok?" nangingilid ang luhang sabi niya. Natawa naman si Gio. "Baka kasi hindi ka nag-paalam," natatawang sabi nito habang inaalalayan siya papalapit sa mahabang upuan na gawa sa kawayan malapit sa ilalim ng punong mangga.

"Dito ka lang. Ikukuha kita ng gamot," sabi nito atsaka siya iniwan. Mangiyak-ngiyak siya habang pinapagpag ang lupa na dumikit sa mga tuhod niya. Dumudugo na kasi ito.

Nang bumalik ang binata may dala na itong medicine kit at agad na nilinis ang sugat niya. "Hayan may peklat ka na tuloy," sabi pa nito.

"Kasalanan mo 'to, eh. Kung hindi mo ko inutusan na kumuha ng itlog. Hindi ako aawayin ng manok. At hindi rin ako madadapa," nakasimangot na sabi niya.

100 Days With Mr.ArrogantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon