Kabanata 1

25.5K 419 9
                                    

ELLY

Napaunat ako nang bangon sa may duyan namin nang makaidlip ako ro'n. Matinding sikat ng araw ang bumungad sa akin kaya nakaramdam ako ng bahagyang pagkahilo, halos buong araw pala ako naglinis ng bahay namin. Hindi ko alam kung bakit ako linis nang linis, para ngang wala na akong alikabok na nakukuha kanina pero todo pa rin ako sa paglilinis ng buong bahay. Maliban kasi na kami lang ang nakatira sa may kalakihang bahay ni Liam na iniregalo sa amin nila Ma'am Kendall at Sir Harold noong kasal namin ay araw-araw din akong naglilinis dito kaya masasabi kong pati ipis ay mahihiya nang manirahan dito.


At saka, lagi akong walang magawa rito sa bahay kapag naiiwan na akong mag-isa, ginagawa ko na lang tuloy pangpalipas ng oras ang paglilinis. Kaya kanina nang umalis si Liam ay nilibang ko na lang ang sarili ko sa paglalampaso at pagpupunas sa buong paligid.


Dalawang araw na ang nakararaan mula nang magalit siya sa akin, mula rin nang araw na iyon ay tila ba wala na siyang balak pang kausapin ako. Napaisip tuloy ako kung paano siya susuyuin. Oo nga't alam kong malamig na ang trato niya sa akin, subalit iba kasi itong ngayon. Siya na ang lahat gumagawa ng kailangan niya, wala itong inuutos sa akin kaya tila ba napa-praning na ako kakaisip. Hindi na lang niya ako diretsuhin para alam ko kung ano bang nagawa kong mali, hindi ko rin maintindihan kung bakit siya nagalit noong araw na iyon ng sobra, e. Isang beses lang naman akong nagkamali... I mean dalawa, late ako nagising at muntik ko na siyang masabayan sa pagkain niya.


Hindi naman kasi siya nagagalit sa akin noon kapag naglilinis ako ng kwarto niya e, kaya hindi ko alam kung bakit sobra ang galit niya sa akin nung nakaraang araw. Siguro nga ay ayaw niya akong makitang umiiyak. Ibig sabihin ba nun na nag-aalala siya sa akin? O baka naman kasi ay naiirita siya sa akin kaya nagalit siya sa pagluha ko noong nakaraan? Haaay! Ewan ko ba.


Alam ko na. Lutuan ko kaya siya ng banana cake? Dati ay sabay kaming nagbe-bake sa bahay nila kapag may free time ako sa trabaho ko, e. Favorite niya ang banana cake na ginagawa naman lagi dati, sa dalawang taon na nagdaan ay hindi pa ulit ako nakatitikim ng banana cake. Sigurado akong nakatitikim siya niyon kapag naisin niya dahil marami siyang pera. Hindi katulad ko, dahil wala naman akong trabaho ay wala rin akong pera pambili ng banana cake o kung ano pa man ang maisipan kong luho.


Kaya baka pwede akong magbake ngayon. Sakto at palagi kaming may extra cash dito sa bahay para sa groceries na ako rin naman ang bumibili. Baka pwede ako makabili ng ingredients ng banana cake para masorpresa siya kahit papaano. Pero hindi ko alam kung magugustuhan niya ba kapag nagawa ko na. Huli kasing kain namin ng banana cake na gawa ko ay siya pa ang best friend ko at wala pa kaming problemang dalawa. Ayaw ko namang masayang ang gagawin ko kung baliwalain niya lang din ito, ngunit 'yon lang ang naiisip kong paraan para kahit papaano ay muli niya akong kibuin.


"Okay lang, Elly!" sagot ko sa sarili ko nang makapasok na ako sa kwarto niya para kuhanin sa kabinet niya ang box kung saan nakalagay ang weekly budget para sa groceries namin. Wala naman akong problema sa pera dahil sapat naman ang ibinibigay ni Liam kada linggo, nag-iiwan siya ng fifteen thousand tuwing linggo sa akin.


Hindi niya kinukuha ang tira nito kaya kahit papaano ay nakakapag-tago ako ng isang libo linggo-linggo, iniipon ko iyon sa aking piggy bank. Alam ko naman na alam niyang kinukuha ko ang sobra dahil hindi ko naman tinatapon ang resibo kaya nakikita niya ang ginagastos ko sa bawat oras na namimili ako, nagpapasalamat na lang din ako dahil 'di niya ako sinusumbatan tungkol doon.

The Broken WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon