PROLOGUE

3K 33 0
                                    


LUMARAWAN sa mukha ni Flan ang pagtataka nang rumehistro sa screen ng kanyang cellphone ang siyam na missed calls galing sa kaibigan niyang si Rogue. Dati itong secret agent sa Central Intelligence Agency ng America dalawang taon na ang nakaraan. Ito ang pinakamalapit sa kanya nang nagtatrabaho pa siya bilang Crime Investigator sa New York City Police District. Sa isang assignment sila noon nagkakilala dahil kabilang sila sa isang team ng close protection unit. Halos magkasabay silang nag-resign sa trabaho dahil pinili niyang bumalik sa Pilipinas samantalang si Rogue naman ay nag-asawa na.

Muling tumawag si Rogue at agad naman niyang sinagot, "Hello, pare? May problema ba?"

"Flan, I really need your help. May ginagawa ka ba ngayon?" bakas ang pag-aalala nito sa kabilang linya.

"Wala naman, bakit?" kunot noong tanong niya. Plano sana niyang bumisita sa kanyang gun shop dahil wala naman masyadong gagawin.

"Nagkaproblema sa personal protection specialist na kinuha ko na magbabantay sa kasal ng pinsan ko. Kailangan ko ng katulong dahil sa maraming banta sa buhay ng pamilya niya..." pahapyaw itong nagkuwento sa katayuan ng pinsan nito na nag-iisang anak pala ng isang bilyonaryo. Mamayang gabi na ang kasal nito at may ilang oras na lang siya para makapaghanda.

"Okay sige, walang problema. Tatawagan na lang kita 'pag nakarating na ako sa venue."

"Maraming salamat, pare. Ikaw lang talaga ang maaasahan ko, dito ko na lang sasabihin ang ilang personal na detalye tungkol sa pinsan ko. Ako na ang bahala sa entrance kahit wala kang invitation..." nag-usap sila ng kanilang magiging security plan at nagkasundo naman sila. Masaya ito dahil hindi niya tinanggihan sa pakiusap nito. Kilala naman kasi niya si Rogue at ito ang tipo ng taong hindi basta humihingi ng tulong kung kaya naman niyang mag-isa. Utang niya ang buhay sa kaibigan dahil minsan siyang napahamak sa isang misyon noong nasa trabaho pa siya. Kapwa sila na-ambush at akala niya noon ay katapusan na niya dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa kanyang katawan pero hindi siya nito pinabayaan at nakipaglaban ito sa mga nang-ambush sa kanila at dinala siya sa hospital.

Pinili ni Flan na gamitin ang paborito niyang sports bike na Ducati 156bhp XDiavel cruiser para mas mapabilis ang biyahe niya. Natitiyak niyang maiipit siya sa traffic. Mabuti na lang at hindi malayo ang condo na tinutuluyan niya sa venue. Isinuot na niya ang tuxedo para hindi siya makaagaw ng pansin sa kasal. Pinatungan na lang niya iyon ng itim na leather jacket.

Tinawagan ni Flan ang kaibigan nang mai-park na niya ang ginamit na motorsiklo. Nakakailang tawag na siya ngunit hindi ito sumasagot. Sinadya niyang makarating ng maaga para makapag-usap sila ni Rogue at maiplano ng maigi ang kanilang mga gagawin kung sakaling may hindi magandang mangyari.

Naging malikot ang mga mata ng binata nang marating ang mismong venue, isa iyong kilalang esklusibong hotel sa syudad ng Pasay. May mangilang-ngilan ng bisita ang naroon at abala na ang ilang mga staff sa pag-aayos ng mga bulaklak. Hinanap niya si Rogue ngunit bigo siyang makita ito sa loob. Pumunta na lang niya ang men's room para makapag-ayos siya ng sarili. Bahagyang nagulo ang ayos ng kanyang buhok dahil sa suot niyang helmet. Muli niyang tinawagan ang kaibigan pero hindi pa rin ito sumasagot. Gusto na tuloy niyang magduda na baka pinagtitripan lang siya nito.

Tumingin siya sa kanyang wristwatch habang palabas ng men's room. May kalahating oras pa bago magsimula ang kasal. Eksakto namang pagpihit niya nang maramdaman niyang may bumangga sa kanyang likod.

"Hey, what the---?!" tiningnan niya kung sino ito. Isang babae na parang nagmamadali at panay ang tingin nito mula sa likuran.

"I'm sorry, hindi kita napansin." apologetic na wika ng babae. Nakita niya ang kabuuan ng mukha nito, simple lang ang bahid ng make-up pero lutang na lutang ang taglay nitong ganda. She was tall dahil sa tangkad niyang five-eleven ay halos umaabot ang ulo nito sa tenga niya kahit hindi ito nakasuot ng sapatos na mataas ang takong.

"It's okay," bigla namang nagliwanag ang mukha ni Flan. Literal siyang natulala sa mukha ng babae. Parang may kung anong puwersa na nagmumula sa mga mata nito kaya hindi niya maiwasan na tumitig dito. Kulay asul ang mata nito at nasisiguro niyang hindi iyon contact lens. Kung hindi lang niya narinig na nagsalita ito ng tagalog kanina iisipin niyang hindi ito Filipina. Itim ang buhok nito na naka-french bun. Matangos ang ilong at manipis lang ang labi. Sigurado siyang mas lulutang pa ang ganda nito kung ngingiti ito. Sanay naman siyang makakita ng maganda pero parang nahihipnotismo siya sa babaeng ito. Nasisiguro niyang isa ito sa mga bisita sa kasal na dadaluhan niya. Bagama't nagtaka siya dahil nakasuot lang ito ng makapal na roba. Siguro ay may inasikaso lang ito at magbibihis na din naman.

"Excuse me..." nilagpasan siya nito dahil parang nagmamadali ito.

"Miss, wait!" hinabol niya ang babae ngunit mas binilisan naman nito ang mga hakbang. Hindi siya makakapayag na hindi makuha ang pangalan ng magandang babaeng ito. Hinawakan niya ito sa siko nang maabutan niya.

"Nagmamadali ako. Anong kailangan mo?" Muling naging malikot ang magandang mata ng babae.

"What is your name?" dahan-dahan niyang binitawan ang siko nito.

"Mona..." tipid itong ngumiti, "I really have to go," dagdag pa nito bago muling naglakad. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya ito sinundan. Masaya na siyang nalaman ang pangalan nito. Hahanapin na lang niya ito pagkatapos ng okasyon. Trabaho na muna ang aasikasuhin niya.

Muli niyang nilibot ang venue pati na rin ang hallway kung saan naroon ang mga silid na ginagamit ng mga bisita para makabisa niya ang lugar. Halos kalahating oras na ang lumipas ngunit hindi pa rin niya makita kung nasaan si Rogue. Nakahinga siya ng maluwag nang sagutin na nito ang tawag niya.

"Pare, pasensya ka na naiwan ko kasi ang cellphone ko sa kuwarto. Nandito na ako sa table forty-six magsisimula na kasal maya-maya. Halika na rito..." nagmadali niyang tinungo ang kinaroroonan ng kaibigan. Nakita niya itong nakaupo malapit sa center aisle. Tumayo ito nang makita siya.

"I'm really sorry for bothering you, alam kong busy ka." Nagkamayan silang dalawa.

"Ayos lang, kumusta ang security?" inikot niya ang mata. Halos kumpleto na ang mga bisita na panay galing sa mga may sinabing pamilya.

"Nai-deploy ko na." Marahas itong napabuntong hininga, "Nawawala kasi ang pinsan ko kanina,"

"I see, saan ba ang post ko?" tanong niya rito. Tiwala siyang may plano na ito.

"Dito na lang, we just have to keep our eyes to the bride at siguruhing ligtas siya."

Tumango si Flan. Ilang sandali pa ay narinig na niya ang malamyos na tugtugin para sa bridal entourage. Inalerto niya ang sarili at tahimik siyang nakikiramdam sa paligid.

Hinintay niyang lumabas ang bride. Bigla siyang natulala kung gaano ito kaganda. Bumagay rito ang mahabang traje de boda habang hawak ang isang bouquet ng puting rosas. Lihim na lang siyang napailing. Gusto niyang matawa sa sarili lalo na nang dumaan ito sa gawi niya. Bakit hindi? Ang babaeng iyon...ang pinsan ni Rogue...ang bride...walang iba kundi si Mona!

Screw you, Flan. Lagi ka na lang wrong timing! He let out a deep sigh. Muntik na siyang maniwala na totoo ang love at first sight!

nbewn55w362-oml�#����>

Dirt Riders Club 3: Flan Montealegre (PREVIEW ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon