NAAALALA mo pa ba, mahal ko? Nang mga panahong masaya tayong magkasama, magkapiling sa tabi ng isa't isa. Hindi tayo nawawalan ng oras sa ating relasyon 'pagkat sapat na ang dahilan na tayo'y nagmamahalan upang gumawa tayo ng oras na para sa ating dalawa lang. Mga masasayang alaala ang binabalikan ko, sa t'wing ika'y maaalala. Mga matatamis na sandali, nakapako lamang sa aking isipan.
"Mike, mag-date naman tayo, o," malambing na sabi ko sa 'yo. Ika-walong linggo na natin. Ang saya-saya!
"Ano ba, Xenia? Ano bang hindi mo maintindihan na busy ako?!"
Ngayon nga'y nagbago na ang lahat. Ilang taon na nga ba mula nang masira ang relasyon natin? Dalawa, tatlo? Oo, tama. Tatlong taon na, mahal ko. Tatlong taon na mula nang magmula sa iyong labi ang mga napakasakit na katagang, "hindi na kita mahal." Tanda ko pa lahat. At masakit pa rin iyon hanggang sa ngayon. Paano mo 'yun nagawa, Mike? Mahal na mahal kita. Alam kong wala ring kupas ang pagmamahal mo sa akin. Natutuwa nga ako kada biro mo rati. Alam kong nahihiya ka lang na sabihing mahal mo rin ako.
"I love you, mahal."
"Fuck. Shut up!"
Sa ngayon siguro ay natutulog ka na. Alas-tres na kasi ng madaling araw kaya't alam kong tulog ka na. Alam mo bang ayaw na ayaw ko ang gabi? Dahil hindi ko masisilayan sa loob ng ilang oras ang guwapo mong mukha. Ang matangos mong ilong, mga mapupulang labi, kayumangging balat at itim na itim na mga mata.
"Mike, handa na ako. Pumapayag na akong ibigay ang sarili ko sa 'yo."
"Good girl."
Sa bawat paglipas ng panaho'y mas matindi ang pag-aasam kong muli kang makasama. Tatlong taon ka nang paiba-iba ng nobya, baka naman gusto mong manatili na lamang sa tabi ko panghabangbuhay?
"Umalis ka na. Ayoko na sa 'yo. Hindi na kita mahal. Tapos na ako sa 'yo. 'Yung narinig mo? Totoo 'yun. Tinikman lang kita. Pinagsawaan."
Iyong si Gail, hindi ba't iniwan ka lang niya? Inilayo ko kasi siya sa 'yo. Pero, kahit pa, 'di ba? Dapat man lang, pinilit niyang makasama ka. E ang gaga, tinakot ko lang, dala ang isang matalas na punyal, nagtatakbo na at nangakong hindi na makikipag-usap pa sa 'yo! Huwag ka nang mag-alala. Pinarusahan ko na siya. Kinuha ko ang kaisa-isang bagay na maganda sa kaniya.
At ano? Si Freya? Isa pa 'yun! Kamuntik ko nang mabuhusan ng asido ang makapal na mukhang pudpod na sa make up, e! Sukat ba namang magtapang-tapangan pa? Aba, dapat ako lang ang matapang para sa 'yo, Mike! Nahirapan ako sa babaeng 'yun. Mahal ka raw? Pwe! Mas mahal kita kaya sa akin ka lang nararapat!
Naaalala mo pa ba? Noong gabi matapos mo akong hiwalayan? Tinanong kita kung anong gusto mong baguhin ko para lamang bumalik ka sa akin. Sabi mo pa, lahat! Naguluhan ako noon, mahal. Pero ngayon, alam ko na. Alam na alam.
"K-kaya kong magbago, Mike. Please, huwag mo 'kong iwan. B-buntis ako, Mike."
BINABASA MO ANG
Aking Layunin (A Mystery Thriller Stories)
Mystery / ThrillerMayroon ka bang nais mabago sa iyong buhay ngayong taon? Gusto mo ba itong magawa na walang balakid? Gagawin mo ba ang lahat kahit may mangyaring kabuktutan? Ito ang . . . Aking Layunin !