Wattpad Original
Mayroong 7 pang mga libreng parte

PROLOGUE

161K 2.2K 176
                                    

Balisang nilingon ni Dee-vyn ang kanyang nakababatang kapatid na abala sa pagkuha ng litrato sa graduation ceremony nila. Malapit na kasing tawagin ang kanyang pangalan ngunit hindi pa dumating ang kanyang ama kasama ang kanyang nakababatang kapatid na babae. Nais niya sanang makita siya ng kanyang ama habang tinatanggap niya ang kanyang diploma dahil gusto niyang maipagmalaki siya ng kanyang ama.

Nagkataon naman kasing nasa iisang araw ang graduation nila ng kanyang bunsong kapatid. Nang dahil dito, napagkasunduan nilang pupunta muna ang ama niya sa graduation ni Dee-Anne Sage, ang bunso niyang kapatid na Dessa ang palayaw at ang natatanging babae sa kanilang magkakapatid. Pagkatapos ng graduation ni Dessa, saka na dadalo ang kanyang ama sa graduation niya. Umaga naman kasi ang graduation ni Dessa sa elementarya, habang hapon naman ang sa kanya.

"Dee-vyn Serge Valderama," narinig niyang tinawag ang kanyang pangalan.

Bumuntonghininga muna siya saka bagsak-balikat na umakyat sa entablado. Agad namang pumwesto si Dee-lan, ang kanyang nakababatang kapatid, upang kuhanan siya ng litrato. Naging mahilig si Dee-lan sa photography kaya ipinangako niya sa kapatid na kung makakapasok siya sa trabahong pinag-apply-an niya, bibilhan niya ito ng camera.

Sa huling pagkakataon, nilibot ng kanyang mga mata ang kabuohan ng gymnasium bago siya nagsimulang maglakad upang tanggapin ang kanyang diploma. Umasa siyang masisilayan sana ng kanyang ama ang pagtanggap niya ng diploma ngunit nang humarap siya sa mga tao ay wala talagang bakas ng kanyang ama ang nando'n.

"Congratulations sa atin, pare." Tinapik siya sa balikat ng kanyang best friend na si Cairo. "Wala pa rin ba?" tanong nito nang mapansin ang pagtaas ng kanyang leeg upang libutin ng kanyang paningin ang gymnasium.

"Wala pa nga, eh," sagot niya. "Ikaw? Nasaan ang mga magulang mo?"

"Tch!" Halatang naiinis ang kaibigan. "Andun sila sa graduation ng prinsesa nila."

"Ngayon din pala ang graduation ni Chyler?" Napatingin siya sa kaibigan.

"Hoy, pare," pagbabanta ng kaibigan. "Alam kong patay na patay sa 'yo ang kapatid ko pero patapusin mo muna 'yon sa pag-aaral."

"Ibang klase ka ring magbanta, ah!" saad niya. "Parang sigurado kang kami ang magkakatuluyan ng kapatid mo."

"Kahit maldita 'yon at sobrang spoiled, mahal ko 'yon," ani Cairo. "Saka, alam kong aalagaan mo kapatid ko kaya boto na ako sa 'yo."

"Grabe ka, pare." Natawa siya. "Hindi mo man lang ako papahirapan?"

"Hindi na," walang emosyong saad ni Cairo. "Spoiled 'yong kapatid ko. She gets what she wants kaya baka ako pa ang mapapasama kung papahirapan kita."

"Seriously, pare." Sumeryoso siya. "Bata pa si Chyler. She is only twelve kaya posibleng magbabago ang isip niya kapag may makilala na siyang mga kaedad niya pagtungtong niya ng high school."

"Ibahin mo ang kapatid ko, pare." Tinapik ni Cairo ang balikat ni Dee-vyn. "Goal-oriented at matalino si Chyler. She even graduated as their class valedectorian. Kaya 'yong pangako mo sa kanya na pagtungtong niya ng eighteen ay liligawan mo siya, hindi niya 'yon makakalimutan."

"Yeah." Mahina siyang tumango. "Hihintayin ko rin naman siya."

"Kuya!" Namumutlang lumapit si Dee-lan.

"Ayan na pala ang kapatid mo," saad ni Cairo. "Mauna na ako sa'yo."

"Kuya, sina Papa!" Agad niyang ibinaling ang buong atensyon sa kapatid nang marinig niya ang sinabi nito. "'Yong sinakyang bus nina papa, naaksidente raw!"

"Ano?!" gulat niyang saad. "Kumusta na sila? Dinala na ba sila sa ospital?"

"Hindi ko alam pero narinig ko sa bali-balitang marami raw namatay. Dinala ang mga biktima sa kalapit na ospital," saad ni Dee-lan.

Hindi na siya kumibo bagkus ay agad niyang tinungo ang sakayan ng mga pasahero. May naisip siyang ospital na posibleng pagdalhan ng mga biktima ng aksidente kaya naisip niyang doon na sila tutungo.

_______________________________

"Siguraduhin n'yong patay sila!" utos ng kanilang pinuno.

Agad namang kumilos ang mga tauhan upang lapitan ang mga naghihingalong tao sa loob ng sasakyan.

BANG! BANG! Tig-iisang putok para sa mag-asawa.

"Godfather, paano po 'yong bata?" tanong ng isang tauhan.

"Huwag n'yo siyang saktan!" Agad nilang narinig si Godfather. "Ilabas n'yo siya sa sasakyan."

"Pero baka makilala niya kami," saad ng isang tauhan.

"Ako ang bahala sa kanya," saad ni Godfather kaya sinunod na lamang ng mga tauhan ang kanyang utos.

Dinala nila ang batang babae sa private clinic kung saan ito ginamot at pinapahinga. Hindi naman umalis sa tabi ng batang babae si Godfather. Hinintay niya ang paggising nito habang pinagmasdan niya ang maamo nitong mukha.

"S-Saan po ako?" tanong ng batang babae nang magising ito.

"Naaksidente ka, anak," saad ni Godfather.

"A-Anak?" naguguluhang nagtanong ang bata. "Ikaw po ba ang aking ama?"

Agad na nagtama ang tingin nila ng doktor bago siya nagsalita muli. "Magpahinga ka muna, anak. Kakausapin ko lang ang doktor mo."

"Tell me that she has an amnesia," agad na saad ni Godfather sa doktor.

"Hindi ko masasabi," saad ng doktor. "Posibleng dahil sa trauma, nagka-amnesia siya pero pwede namang short term memory loss lang at habang tumatagal, babalik din ang kanyang alaala."

"I want her to believe na ako ang ama niya," saad ni Godfather. "Do something para hindi bumalik ang memorya niya."

"We can do hypnotic therapy for that," suhestiyon ng doktor.

"Gawin mo at gamitin mo na lang din ang blue pill sa kanya," saad ni Godfather saka nilingon ang tauhan na naghihintay sa gilid. "Dalhin mo dito si Daegan Ross."

Ilang sandali pa ang lumipas bago bumalik ang kanyang mga tauhan kasama ang isang batang lalaki. Agad naman niya itong sinalubong ng yakap saka giniya patungo sa silid. Umiinom naman ng gamot ang batang babae nang pumasok sila.

"Kumusta ka na, anak?"

"O-Okay naman po," nauutal na sagot ng batang babae habang nakatingin sa batang lalaking kasama ni Godfather. "Siya po ba ang kapatid ko?"

"Hindi, anak." Ipinatong ni Godfather ang kamay sa balikat ng batang lalaki. "Siya si Daegan Ross. Siya ang ipinagkasundong magiging asawa mo. Daegan." Hinarap ni Godfather ang kasamang bata. "Siya si Semira Ernistine. Siya ang magiging kapares mo mula ngayon. Kayong dalawa ang mga anak ko na magiging tagapangalaga ng aking kaharian."

Naiilang man sa isa't isa, nagkangitian naman ang dalawang bata.

"Sabay kayong magsasanay kung paano pangangalagaan ang itinaguyod kong grupo. Sa tamang panahon, kayo ang magiging pinuno ng grupo kaya ngayon pa lang, tanggapin n'yo na ang bawat isa bilang asawa. Wala kayong ibang pagkakatiwalaan kundi ako lang at ang bawat isa."

The Kiss of Poison VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon