Mabilis nilang narating ang bahay nina Vyn, hindi dahil walang traffic, kundi mabilis ngunit swabeng magmaneho si Vyn. Hindi rin sila nagkausap masyado dahil ayaw ni Vyn sa maingay na kausap. Lagi niyang pinapahinto si Semira sa tuwing magtatangka itong kausapin siya. Lingid sa kaalaman ni Vyn, minamanmanan ni Semira ang mga kilos niya tulad ng kung anong kamay ang madalas niyang ginagamit.
Ipinarada ni Vyn ang sasakyan sa isang apartment saka niya hinarap si Semira. "Tandaan mong hindi ka bisita sa bahay kaya tutulong ka sa mga gawain. Tatlo kaming magkakapatid at bawat isa sa amin ay may silid. Sa kapatid kong babae ka makikitulog tutal madaling araw naman 'yon lagi umuuwi," bilin niya.
"Eh, paano k—"
"At ayoko sa maingay lalong lalo na kapag gumagawa ako ng report kaya kung wala kang matinong sasabihin, manahimik ka na lang," saad ni Vyn.
"Eh, kasi—"
"Kaunti lang ang budget ng gobyerno para sa mga taong katulad mo kaya huwag kang mag-inarte," agad na pahabol ni Vyn.
"Ano kasi—"
"At oo nga pala, bawal din lumabas nang walang paalam," sabat ni Vyn.
"Wala akong pampalit na damit!" nagmamadaling isiningit ni Semira.
Bahagyang nahinto si Vyn nang marining niya ang reklamo ng kasama. "Bakit ngayon mo lang pinaalala?"
"Ayaw mo akong pagsalitain, eh," parang batang saad ni Semira.
"Aist." Bahagyang idiniin ni Vyn ang kanyang hinlalaki sa kanyang noo bago nagsalita. "Papabili na lang tayo sa kapatid ko. Lumabas ka na."
Sumunod na lang si Semira kay Vyn hanggang sa mapasok na nila ang loob ng apartment. Pinakilala siya kay Dessa, ang bunsong kapatid ni Vyn, na inakalang siya ang nobyang iniuwi ng kuya. Napansin niyang naasar si Vyn kaya balak niyang sabayan ang pang-aasar ni Dessa sa kapatid.
Parehong pumunta sa kusina ang magkapatid kaya nagkaroon siya ng pagkakataong libutin ng paningin ang buong apartment. Maliit lang ito ngunit malinis at kaunti lang ang gamit.
_______________________________
"Kuya!" saad ni Dessa nang marating nila ang kusina.
"Ano?" kunot-noo niyang tanong sa kapatid nang makita niya ang makabuluhang ngiti nito sa kanya.
"Ang tahimik mo kasi. Nagulat na lang ako, iniuwi mo na ang girlfriend mo," saad ni Dessa.
"Hindi ko girlfriend 'yon," nakasimangot na saad ni Vyn. "Naatasan lang akong bantayan siya."
"Fine." Napataas ang kamay ni Dessa na parang napa-surrender siya. "But seriously, Kuya, I like her."
"Hindi mo siya kilala," matabang na saad ni Vyn. "Ilang araw lang naman kami dito. 'Pag nakakita na ng safe house ang headquarters, lilipat kami kaagad."
"Kayo?" Pilyang ngumiti si Dessa. "Ibig sabihin, magsasama kayo sa iisang bahay?"
"Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano," saad ni Vyn. "Trabaho ko ang siguraduhing ligtas siya kaya ko siya sasamahan."
"Okay." Nagkibit-balikat si Dessa. "Sabi mo 'yan, eh."
"Dessa, ikaw na ang bumili ng mga gamit niya," saad ni Vyn. "Hindi ko naman alam kung ano ang mga kailangan niya saka tingin ko, magkapareho kayo ng size."
"Sige." Tumango si Dessa. "Ako na ang bahala pero tinatamad akong umalis ngayon kaya bukas na lang."
"Eh, ano ang susuotin niya ngayon?" tanong ni Vyn.
"May mga damit naman ako sa taas na pwede kong ipahiram sa kanya. Meron din akong mga undies na bagong bili. 'Yon na lang muna," saad ni Dessa.
"Uhm, sige," saad ni Vyn saka ininum ang tubig sa hawak na baso.
BINABASA MO ANG
The Kiss of Poison Venus
General FictionWhen two opposite lives intertwine--one being a moody frustrated policeman and the other a naughty virgin mob princess--sexual tension spikes up, conflicts arise, and dark secrets are revealed. How are they to deal if her mob prince fiance is waitin...
Wattpad Original
Mayroong 4 pang mga libreng parte