"NANGAKO naman siyang hindi magsasabi sa'yo hangga't hindi ikaw ang unang lumalapit sa kaniya kaya hinayaan ko na lang. Siya man ang ama ng iyong anak ay labas na sa trabaho ko iyon. Pero..." pagpapatuloy ni Maximo sa pagkukuwento subalit hindi na gaanong marinig iyon ni Katrina.
Ang malamang alam na ni Julian na ito ang ama ni Junjun ay nagpasabog sa kaniyang iniingatang lihim na akala niya'y babaunin niya sa hukay. Ang masaklap lang, nagkunwari itong walang alam. Bakit? Bakit?!
"Pero noong isang araw, may dumating sa opisina ko at hinalungkat ang mga iniingatan kong impormasyon. Binalewala nila ang iba puwera ang sa'yo, Miss Katrina. Lahat nang may kaugnayan sa iyo ay kinuha nila. Lalong-lalo na ang DNA results copy na itinago ko."
Kailan mo pa nalaman na anak mo si Junjun, Julian? Kailan mo pa ako pina-ikot-ikot sa iyong mga daliri? Noon magpahanggang ngayon, patuloy mo akong sinasaktan, tumulo ang kaniyang luha.
"Hanggang sa lumitaw mismo ang nag-utos niyon, si Devon Skyke. Sinabi niya sa akin na babayaran niya ako sa mga impormasyong kinuha nila sa akin. Hindi ko tinanggap subalit inihagis niya sa mukha ko ang pera niya, Miss Trina. Nagpakatanggi-tanggi ako at pilit binabawi ang impormasyon mo pero...walang awa akong binubog ng mga tauhan niya."
Si Devon...dito niya nalaman ang tungkol sa anak ko. Ang lalaking iyon...
"Paumanhin talaga, Miss Trina. Hindi ko sinasadya. Hindi ko akalaing magkikita uli tayo sa ganitong sitwasyon. Paumanhin..."
Hindi niya alam kung sino ang pupuntahan, si Devon o si Julian? Pero handa na ba siyang harapin si Julian? Ang kasinungalingan nito? Ang pagta-traydor nito sa kaniya? At si Devon, ang walang katapusang galit ni Devon, paano niya iyon pahuhupain? Paano niya ito patitigilin sa maling akala nito?
Nakarating siya sa kanila na pagal ang katawan at isip. Agad siyang umakyat sa hagdan at pinuntahan ang silid ng anak. Wala na ito roon. Pagak siyang ngumiti sa sarili. Tanghali na nga naman, siguradong na kina Lucy ito at nilalaro ang baby nang mag-asawa na si Bambi, ang isang taong gulang na babaeng anak nina Lucy at nang asawa nito.
Nagdesisyon siyang pumunta kay Devon. Ayaw na niyang mag-isip pa. Ayaw na niyang patagalin pa ang lahat. Pagod na pagod na siya. Gusto na niyang makawala sa lahat ng mga ito. Ayaw na niyang manatiling nasasaktan at natatakot sa mga dumarating na araw. Ayaw na niyang labanan pa ang tadhanang ibinigay sa kaniya.
Nag-drive siya papunta sa mansiyon ng mga Skyke. Agad siyang pinapasok ng security dahil kilala na siya ng mga ito. Sinalubong siya ni yaya Milen at sinabing nasa silid nito si Devon. Doon siya dumiretso.
Narinig niya ang ingay ng bukas na tubig sa shower room, naliligo ito. Magulo ang kama at buong silid. Narinig niyang tumigil ang ingay ng tubig, tapos na itong maligo. Agad niyang nilapitan ang pinto noong banyo at mabilis iyong isinara. Mahigpit niyang hinawakan ang seradura ng pinto sakaling magpumilit itong buksan iyon.
"Devon, makinig ka sa akin!" sigaw niya.
Hindi ito umimik.
"Mahal na mahal kayo ni Howard. Walang ibang minahal ang daddy mo kung hindi ang mommy mo. Noong unang sabak ko sa club ay ang daddy mo ang naging una kong kliyente. Oo, binili niya ako pero walang nangyari sa amin. Nagkuwento lang sa akin, iyon lang!"
Walang umimik sa loob ng banyo. Siguro ay pinili na rin nitong pakinggan siya. Kaya naman mabilis siyang nagpatuloy.
"May sakit ang daddy mo, Devon. Nalaman niyang may cancer siya at nasa end stage na, wala ng lunas at tinaningan na ang buhay niya. Kaya natakot siya. Natakot sa sakit na maaari niyang maidulot sa iyong mommy. Ganoon niya kamahal ang mommy mo. Kaya siya umalis. Kaya niya kayo iniwan dahil ayaw niyang makita ninyo ang paghihirap niya. Ayaw niya kayong saktan."
BINABASA MO ANG
Betrayal 2: A Devil's Wrath
RomanceHe is DEVON SKYKE, a filthy rich bachelor who just came back in town with a mission--to find Trina, the seductress who lured his father and drove him to his death; who made his mother crazy and left him in agony and misery; who made his once happy f...