RED TAPE 20

1.7K 56 8
                                    

CHAPTER TWENTY

You are One with Us


MADILIM.

Tanging kadiliman lamang ang makikita sa buong paligid. Hindi magawang maaninag ni Alex kung ano ang nagtatago sa walang-hanggang kadilimang ito. Pakiramdam niya ay kakapusin siya ng hininga dahil sa pananakal ng kadilimang hindi niya mawari kung saan patungo.

"H-Hello? M-May tao ba d'yan?" marahan niyang sabi na tila umugong lang sa lugar kung nasaan siya.

Sinubukan niyang maglakad. Naramdaman niyang malamig ang sahig dahil sa walang saplot ang kanyang mga paa. Nakaiilang hakbang na siya pero pakiramdam niya ay hindi pa rin siya umuusad – nananatili pa rin siya sa lugar kung saan niya iminulat ang kanyang mga mata.

"Walang katapusang paglalakad," aniya sa sarili.

Panay ang lingon niya sa paligid, naghahanap ng maaaring puntahan upang makaalis. Pero ganoon pa rin, kadiliman lang ang kanyang nakikita. Saan nga ba siya patungo? Nasaan nga ba siya? Nasaan na ang kanyang mga kasamahan?

Pakiramdam niya ay nakakulong siya sa kanyang sarili. Isang taong nakulong sa pighati at galit na walang pagkakakilanlan. Hindi niya lubos na kilala ang sarili mula pagkabata. Basta ang alam niya, isang miserableng buhay ang mayroon siya.

"Sophia..." rinig niyang sabi sa 'di kalayuan. Pero tulad din ng kanyang pagtawag, umuugong lang ito. Hindi niya mahanap kung saang direksyon ito nanggagaling.

"Sophia..." rinig niya muling tawag sa pangalang hindi naman niya alam kung kanino.

Paulit-ulit ang pangalang iyon hanggang sa nakaririndi na dahil kasabay ang pag-uulit ay ang paglakas nito. Takip-takip niya ang kanyang tainga gamit ang mga kamay dahil sa ingay. Nagkakaskasan ang kanyang mga ngipin dahil sa nakakangili nitong sensasyon sa kanyang tainga.

"Tama na! Tama naaaa!" pagsusumamo niya hanggang sa mapaupo na siya dahil sa panghihina.

Ilang saglit lang ay biglang humina ang mga pagtawag. Nakaririndi na namang katahimikan ang nanaig sa buong paligid. Sinubukan niyang mag-angat ng ulo at natagpuan ng kanyang mga mata ang isang bata sa kanyang harapan.

Bitbit ng musmos na bata ang isang manika. Kung titingnan, nasa pagitan ng tatlo hanggang limang taon na ang bata. Inosenteng-inosente kung titingnan ang bata dahil sa awrang mayroon ito. Nakangiti ito sa kanya. Ngumiti rin siya bilang ganti.

"Ikaw ba si Sophia?" tanong niya.

Dahan-dahang tumango ang bata.

"Kanina pa may naghahanap sa 'yo. Baka nag-aalala na sila sa 'yo," aniya ngunit nanatiling nakatayo ang bata at pinagmamasdan siya.

Niyakap nito ang hawak na manika at saka marahang yumuko. "Dito na ako nakatira. Nakalimutan mo na ako. Ako si Sophia," saad nito na nagwalis sa kanyang mga ngiti.

"H-Hindi kita kilala. W-Wala akong kilalang Sophia," giit niya.

Umiling si Sophia at tila nagbabadya ang paparating na luha sa mga mata. "Ako si Sophia... Ako si Sophia! Ako si Sophia!" paulit-ulit nitong sabi habang humahakbang papalapit.

Naroroon na naman ang malalakas na sigaw at sinasabi ang mga salitang, "Ako si Sophia." Nakapanghihina ng tuhod ang ingay na iyon. Tila pinupunit nito ang kanyang tainga hanggang sa humiwalay sa kanyang ulo. Kahit anong gawin niyang pagtakip ay hindi naiibsan ang ingay. Umaalingawngaw ito hanggang sa kaibuturan ng kanyang kalamnan.

Red Tape (Book Two of Red Ribbon)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon