"Check," sinabi ko pagkatapos kong ilipat ang isa sa mga itim na piyesa upang subukang huliin ang hari ng aking katunggali.
Napangiti si Papa nang gawin ko ang galaw na iyon. "Jay, kahit kailan talaga, hindi ako magsasawang maging kalaro ka sa chess. Sayang lang at hindi ka nayayaya ni Marky na makipaglaro sa kanya sa garahe ng basketball o table tennis man lang."
"Ganito po talaga ang hilig ko, Papa, alam niyo na po 'yun," sagot ko habang hinihintay ko siyang maglipat ng piyesa niya. "Isa pa po, grabeng parusa ang dinanas ko sa judo, lalo na po kahapon."
Isang gabi na ang lumipas simula nang maaksidente ako sa dojo namin habang nagpe-presenta kaming dalawa ng aking kaklase sa PE na si Toby Magsangcay. Mabuti na lang at wala na akong nararamdamang kahit anong masakit sa akin ngayon kaya nagawa ko na ring sumama kina Mama, Papa, at Kuya sa simbahan kanina. Pero ganumpaman, mas gusto ko na lang na magkulong sa loob ng kwarto namin ni Kuya Chuck pagkatapos ng lahat ng dinanas ko ng mga nakaraang linggo. Sa dami ng mga araling hinarap ko noon, sa tingin ko ay karapat-dapat sa akin ngayon ang matulog na lang maghapon at magdamag.
Isa akong estudyante ng Medisina sa isang sikat at pristehiyosong pamantasan dito sa Maynila kaya maiintindihan mo na na marami talaga akong kailangang atupagin. Isang semestre na ang natapos namin kaya isang malaking milagro na nalagpasan ko pa ito nang hindi nasasabaw ang aking utak.
"Marahil tama ka, Jay," sinabi ni Papa. "Pero sa tingin ko ay kailangan mo nang samahan ang kuya mo doon sa baba. Hindi rin biro ang maglaro ng basketball nang mag-isa. Kahit panoorin mo lang siya, ayos na. Oo nga pala, checkmate."
Bigla akong napatingin sa chessboard nang narinig kong sinabi ni Papa ang kanyang huling sinabi. Doon ko nakita na napapaligiran na ng kaniyang dalawang kawal at reyna ang aking hari. Natalo ako sa aming laban sa chess. Ulit.
"Aah, Papa, ang galing niyo po talaga sa larong ito," pagkamangha ko. "Hindi ko na yata kayo matatalo habambuhay."
Humalakhak nang konti si Papa. "Bakit, kanino ka ba natuto sa larong ito? Sa akin 'diba?"
"Oo nga po," sabi ko. "Kung ganon po, tignan ko muna kung ano na ang ginagawa ni kuya sa baba."
"Sige. Hinay-hinay ka lang at baka mabinat ka," sabi ni Papa habang tumayo ako sa kinauupuan ko at lumabas ng pintuan ng aming apartment.
Bago ko pala makalimutan, ako si Juan Ramon Sereno. Tulad ng sinabi ko kanina, isa akong estudyante ng medisina sa isang sikat na pamantasan. Ang aking katunggali sa chess kanina ay ang aking ama, si Jose Alexis Sereno, isang abogado. Si Maria Carmela Sereno naman ang aming ina, na kung hindi ako nagkakamali ay nandoon sa kanilang kwarto ni Papa, tinatapos ang ilang mga forms para sa katapusan ng semestre. Pupuntahan ko ngayon ang aking nakatatandang kapatid na si Marcos Hector Sereno, o mas tinatawag kong Kuya Chuck dahil ayaw niyang tinatawag ko siyang Marky tulad nina Mama at Papa.
Tulad nga ng aking inaasahan, nadatnan ko si Kuya Chuck na pader ang kalaro sa table tennis.
"Kuya, kahit na anong pagsasanay pa ang gawin mo diyan, hinding hindi mo matatalo 'yang pader," bungad ko.
"Eh kung pwede ka nga lang maglaro ngayon, yayayain talaga dapat kita," sagot ni kuya. "Pero milagrong bumaba ka ngayon dito, ah. Anong nangyari sa taas?"
"Wala. Natalo lang ako ni Papa sa chess kanina. Na naman."
Suminghal si Kuya Chuck sa sinabi ko sa kanya. "Alam mo, alam kong magaling ka talaga sa chess, ngunit sa lahat ng taong pwede mong makalaro, si Papa siguro ang hinding hindi mo matatalo diyan. 'Diba sa kanya ka nga natuto sa larong iyan?"
YOU ARE READING
Super Zone-Out Zone 2: Nakatali Kasi Tulad ng Buhay Ko Ngayon
FantasySi Ramon ay isang estudyante ng medisina na mayroong abilidad na pumasok sa kahit anong kwentong naisin niya. Ang nakapagtataka, dati na siyang napunta sa ibang dimensyon nang walang binabasang kahit ano. Akala niya ay hindi na ito mauulit, ngunit n...