"Maraming salamat sa paggawa nito para sa akin, Juan Ramon," sabi ni Maria habang naghanda siya ng mga plato sa hapag-kainan.
Binabatil ko ang mga itlog na aking hinaluan ng maliliit na piraso ng kamatis habang sumagot ako nang, "Hindi mo na kailangang magpasalamat sa akin, Maria. Marami na kayong nagawa ni Juan para sa akin. At saka tawagin mo na lang akong Ramon. Ganyan din ang tawag sa akin ng ibang tao. Mas maiksi na at hindi pa masyadong nakakalito kung ihahambing mo pa kay Juan."
Bahagyang tumawa si Maria sa sinabi ko. Maya-maya, nagsabi siyang, "Matanong ko lang, sino pala si Alana?"
Medyo natigilan ako sa ginagawa ko nang nalaman kong narinig pala ako ni Maria nang ibinulong ko ang pangalan ni Alana kagabi. Ibinuhos ko na lang ang binatil kong itlog at kamatis sa naghihintay na palayok at sumagot nang, "Isa siyang babaeng nakilala ko sa isang panaginip nito-nito lang."
Ayaw kong magsinungaling kay Maria, hindi lang dahil isa siyang diwata at baka maaaring maramdaman niya ang aking 'di-tapat na damdamin, ngunit dahil na rin hindi ako ang tipo ng tao na madalas magsinungaling. Ngunit hindi ko rin alam kung maaari kong sabihin sa kanya ang tungkol sa kwintas ni Lolo Pancho kaya ganon na lang ang sinabi ko.
"Hindi naging maganda ang unang araw na nagkakilala kami, ngunit habang tumagal, nahulog din kami sa isa't isa at isang araw, nag-isang-dibdib kami," kwento ko. "Iyon na siguro ang pinakamasayang pangyayari sa buhay ko."
"Maaari ko bang tanungin kung ano ang nangyari pagkatapos nun?" ani Maria.
Humarap ako sa kanya at binigyan siya ng isang malungkot na ngiti. "Bigla akong nagising."
Napangiti si Maria dito. Saglit siyang nag-isip saka niya sinabing, "Wala kang dapat ipag-alala, Ramon. Balang araw, makakahanap ka rin ng isang babae na karapat-dapat sa iyo."
Huminga na lang ako nang malalim at sumagot nang, "Salamat, Maria."
Natapos ko na rin ang aking niluluto at ihinain ko na ito sa hapag-kainan. Kahit siguro mga nakatira sa ibaba ng bundok, maaamoy nila ang aking niluto dahil sa bango nito.
"Hindi ko alam na may angking galing ka rin pala sa pagluluto, Ramon," sabi ni Maria.
Napakamot ako sa likod ng leeg ko dahil sa sinabi niya na nagpapula nang konti sa pisngi ko. "Ahaha! Kahit papaano, gumagawa pa rin naman ako ng mga gawaing-bahay hangga't kaya ko."
Nagsimula na kaming kumain ngunit hindi namin maikakaila sa isa't isa na mayroong bumabagabag sa isip namin.
Hindi ako nakatiis pagkatapos ng ilang minuto ng katahimikan na nababasag lamang ng mga huni ng ibon na nanggagaling sa labas ng kubo kaya nauna akong magsalita sa aming dalawa. "Dapat yata pinilit kong mag-agahan muna dito si Juan. Hindi ko hinihiling na mayroong mangyaring kung ano, ngunit kanina pang hindi maganda ang nararamdaman ko. Ewan ko lang kung bakit, ngunit pakiramdam ko, mayroong hindi magandang mangyayari sa ibaba."
"Pareho tayo ng nararamdaman, Ramon," sagot ni Maria. "Ngunit sana, hindi nga mangyari ang kinatatakutan natin."
"Kung sabagay, hindi ko rin naman alam kung ano dapat ang ikatakot natin," tugon ko matapos ang ilang segundo at naisip kong walang silbing mag-isip ng ikakabagabag ng isip namin kung sakaling hindi naman talaga ito mangyayari. "Masyado lang siguro akong nag-iisip nitong mga nakaraang araw kaya ganito."
"Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit ka makakapag-isip nang ganyan nitong mga nakaraang araw?" tanong ni Maria, halatang gusto niyang iwaglit sa isip niya ang nararamdamang pagkailang.
"Para sabihin ko sa'yo ang totoo, Maria, isa akong estudyante ng medisina," hinga ko pagkatapos kong nguyain ang kinakain kong itlog na hindi ko pala nalagyan ng asin habang piniprito ko pa lang. "Alam mo naman siguro ang hirap na dinadanas ng isang estudyante ng medisina kaya ewan ko na lang kung nasa tama pa ang paggana ng aking utak."
YOU ARE READING
Super Zone-Out Zone 2: Nakatali Kasi Tulad ng Buhay Ko Ngayon
FantasySi Ramon ay isang estudyante ng medisina na mayroong abilidad na pumasok sa kahit anong kwentong naisin niya. Ang nakapagtataka, dati na siyang napunta sa ibang dimensyon nang walang binabasang kahit ano. Akala niya ay hindi na ito mauulit, ngunit n...