Isang araw na ang lumipas matapos kong magpagupit sa Blumentritt. Nakalimutan ko na kung talagang ganito lang ang pakiramdam ng maiksi ang buhok, ngunit pakiramdam ko ay gumaan nang husto ang dinadala ng leeg ko dahil dito. Ngunit hindi ko pa rin maiiwasang maramdaman ang bigat ng kapaligiran dahil sa nalalabing oras bago dumating dito sa Pilipinas si Tito Art.
Kasalukuyan kaming nasa paliparan upang abangan ang pagdating ng aming tiyo mula sa bansang Mexico kasama ang kanyang dalawang anak na sina Graciela at Artemio III. Huwag mo nang tanungin sa akin kung ano ang ugali ni Graciela dahil baka mapagkamalan mo pa akong naglalarawan ng isang demonyo. Si Artemio III naman, o mas kilala sa palayaw niyang Tim, eh pawang tahimik lang, kaya hindi ko rin siya masyadong nakausap noong huli silang nagbakasyon dito sa Pilipinas.
"Jay, nasaan ang Kuya mo?" tanong sa akin ni Mama nang nagsidatingan na ang mga pasahero galing Mexico.
"Nasa labas po 'ata, nagyoyosi na naman," sagot ko.
"Tawagin mo na siya, Jay, at paparating na ang Tito Art niyo," utos sa akin ni Papa.
Lumabas ako sa lobby ng paliparan at nakita ko si Kuya Chuck sa tabi ng isang poste ng ilaw na naninigarilyo. Habang nakatalikod siya, tahimik ko siyang nilapitan saka ko hinablot sa bunganga niya ang sigarilyo, sabay kong hinithit ito.
"Jay, humithit ka nga ng sarili mong sigarilyo!" bulalas ni Kuya Chuck nang agawin ko sa kanya ang sigarilyo niya.
"Kuya, alam mo naman na bawal ang manigarilyo sa loob, at kapag hihintayin ko pang maubos mo ang isa, aabutin na tayo ng siyam-siyam dito," sagot ko sa kanya. "Tinatawag na tayo ni Papa kaya kailangan na nating ubusin ito."
"Tsk! Kahit kailan talaga ayaw mong magsayang ng kahit ano," himutok ni Kuya.
"Kuya, madali na lang ang magparehistro ng baril ngayon," sabad ko. "Kung sakaling malaman mo na nagsayang ako ng kahit ano, barilin mo ako agad sa ulo dahil panigurado, hindi ako 'yun."
Minadali na naming ubusin ang isang stick ng sigarilyo na sinimulan ni Kuya Chuck saka na kami dali-daling bumalik sa lobby upang salubungin ang aming hinihintay na Tito.
Pagbalik namin sa loob, nakita na namin ang aming hinihintay: isang lalaki na malaki ang pangangatawan, kulay-kapeng buhok, at mukhang nasasaraduhan ng bigote at balbas ang yumayakap kay Papa. Hinding-hindi ko makakalimutan ang balbasaradong mukha ni Tito Art na sa tingin ko ay nagpapakulo na ulit sa dugo ni Kuya Chuck ngayon. Mayroon siyang kasamang isang dalaga na ilang taon ang tanda sa akin: kulay kape rin ang kanyang mahaba at medyo kulot na buhok, medyo patulis ang kanyang mukha, at may suot siyang napakalaking sombrero na para bang kagagaling lang niya sa Hawaii. Ipupusta ko ang kaluluwa ko na ito ang aking pinsan na si Graciela na sobrang sarap itulak sa bangin kung sakali. Nasa isang tabi naman ang isang binata na mas bata lang sa akin ng ilang taon: kulot ang kanyang itim na buhok, malaki ang kanyang mga itim na mata, manipis ang kanyang bibig, at may suot siyang itim at makapal na jacket. Halatang hindi pa rin nagbabago ang aking isa pang pinsan na si Artemio III dahil nakatayo lang siya sa likuran ng kanyang ama at ate at walang imik na tumitingin kina Mama at Papa.
"Ah, nandito rin pala kayo!" bati sa amin ni Tito Art nang nakita niya kami. Inabot niya ang kanyang kamay kay Kuya Chuck upang kamayan ito.
"Opo, Tito," sagot ni Kuya Chuck nang inabot niya ang kamay ni Tito Art ngunit agad din niya itong binitawan. "Kumuha muna ako ng special leave ngayong araw upang makasama ako dito."
"Ah, mabuti naman kung ganon," pagpapatuloy ni Tito Art bago siya lumingon sa akin. "At ikaw naman, akala ko may pasok ka ngayon."
"Sembreak po namin ngayon, Tito," agad kong sinagot si Tito Art, sabay abot sa kanyang kamay habang tumingin ako nang diretso sa kanyang itim na mga mata. "Hindi pa ako abala ngayon kaya sinamantala ko na ang sumama dito upang salubungin kayo."
![](https://img.wattpad.com/cover/62989639-288-k425445.jpg)
YOU ARE READING
Super Zone-Out Zone 2: Nakatali Kasi Tulad ng Buhay Ko Ngayon
FantasySi Ramon ay isang estudyante ng medisina na mayroong abilidad na pumasok sa kahit anong kwentong naisin niya. Ang nakapagtataka, dati na siyang napunta sa ibang dimensyon nang walang binabasang kahit ano. Akala niya ay hindi na ito mauulit, ngunit n...