Kabanata 2: Ang Kanyang mga Manliligaw

39 0 0
                                    

Nakabalik ako sa kubo ni Maria habang sinusundan ko ang mga mabibigat na yapak sa lupa. Malayo pa lang ako sa kubo, dinig na dinig ko na ang mababang boses ng isang lalaki na sa tingin ko ay malaki ang pangangatawan.

Kakatok dapat ako sa pintuan ng kubo nang bumukas ito bago ko pa man ito makatok nang lubusan. Isang lalaki na matipuno ang katawan at nakadamit na pawang isang heneral ng isang hukbo ng mga sundalo and sumalubong sa akin.

Yumuko ako nang konti sa kanyang harapan at nagsabing, "Magandang hapon po, heneral."

Matagal akong tinitigan ng heneral na para bang gusto niyang butasin ang dibdib ko. "Hindi ako isang heneral, señor. Isa akong kapitan. Ngunit paano mo nalaman na isa akong pinuno ng hukbo?" medyo mabagsik niyang tanong sa akin.

Hindi na ako nasindak sa kanyang inasal dahil nasanay na ako sa ganitong ugali ni Manuel. Itinuro ko na lang ang tsapa sa kanyang dibdib at sinabing, "Sa pagkakaalam ko po, ganyan ang suot ng mga pinuno ng hukbong sandatahan na tulad ninyo, ginoo."

"Hrgh! Matalino kang bata ka... para sa isang – sandali, hindi ka isang indio, kung hindi ako nagkakamali," sabi niya. "Isa kang mestizo, tama ba ako, bata?"

Inikot ko lang ang aking mata at sinabing, "Tama po kayo na isa akong mestizo, ngunit hindi na po ako isang bata. Dalawampu't dalawang taong gulang na ako, ginoo."

Saka ko nakita si Maria sa loob ng kubo kaya lumingon ako sa kanya at ngumiti. "Maria, naihatid ko na si Mang Anselmo sa kanilang tahanan. Gusto nilang iparating sa iyo ang kanilang pasasalamat."

Ngumiti rin si Maria at tumugon, "Maraming salamat, Juan Ramon."

"Sino itong si Anselmo na sinasabi niya?" biglang tanong ng kapitan kay Maria nang hindi inililingon ang kanyang ulo.

"Wala, isa siyang mamamayan sa ibaba ng bundok na humingi ng luya kay Maria upang pagalingin ang karamdaman ng asawa niya," sabad ko bago pa man makapagsalita si Maria.

"Huwag kang sumabad sa usapan ng may usapan, bata," atungal ng kapitan na tumitig sa akin na para bang gusto na niya akong barilin.

"Wala naman itong pinagkaiba kung sakaling si Maria rin ang sasagot dahil alam kong nagsasabi ako ng totoo, tama ba ako o tama?" agad kong sagot nang hindi gumagalaw sa aking kinatatayuan.

Matagal akong tinitigan ulit ng kapitan na para bang hinihintay ang aking susunod na galaw. Nagkibit-balikat na lang ako na para bang sinabi ko sa kanyang, 'totoo naman 'diba?' saka ko ulit pinaikot ang aking mga mata.

Umikot na lang siya paharap kay Maria at nagsabing, "Binibining Maria, babalik na lang ako ulit sa ibang araw kapag wala nang gumagambala sa iyo. Maraming salamat sa iyong panahon."

"Maraming salamat din, Kapitan Lara," tugon ni Maria.

Bago makalabas ang kapitan sa kubo ni Maria, tumabi ako sa dadaanan niya at bahagyang yumuko ulit tulad ng ginawa ko kanina hanggang marinig kong malayo na ang kanyang mga yapak. Dito ko narinig si Maria na nagsabing, "Juan Ramon, hindi ko talaga makuha ang iyong ugali. Mapagmalasakit ka sa mga nangangailangan ngunit..."

Hindi niya natapos ang kanyang sinasabi dahil bigla siyang humalakhak nang bahagya. "Patawarin mo ako, Juan Ramon, ngunit ngayon lang ako nakakita ng isang taong tulad mo na kayang sagutin ang isang Kastilang tulad ni Kapitan Lara. Aaminin ko, akala ko rin ay kasing-ugali mo ang mga Kastila o mga mestizo, ngunit sa unang pagkakataon, nagkamali ako bilang hurado ng isang pagkatao."

Napakamot ako sa likod ng leeg ko at naramdaman kong namula ulit ako. "Um, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko..."

"Wala kang dapat sabihin, Juan Ramon," tugon ni Maria. "Sa kasamaang palad, hindi ko natapos ang pagsulsi sa iyong camisa dahil sa pagdating ni Kapitan Lara. Ipagpapatuloy ko pa lang ito ngayon."

Super Zone-Out Zone 2: Nakatali Kasi Tulad ng Buhay Ko NgayonWhere stories live. Discover now