"Tim, bumili ako ng pritong manok nila, o," sabi ko kay Tim habang iniabot ko sa kanya ang isang kahon na naglalaman ng manok at kanin at umupo sa tapat niya. "Balita ko, masarap daw ang pritong manok nila dito. Sayang, sa Lilet Tsunin na lang sana kita dadalhin, kaso sarado pa 'yun ng mga ganitong oras. Masarap pa man din ang liempo nila doon."
"Ramon, 'diba kumain ka na kanina sa bahay?" ani Tim nang nakita niyang sinimulan kong buksan ang aking sariling kahon ng pritong manok.
"At kailan mo pa nagustuhan ang luto ng ate mo, aber?"
Saglit na natigilan si Tim sa sinabi ko, kaya bago pa man siya makapagsalita ulit, agad na akong nagtanong sa kanya. "Tim, ano pala 'yung gusto mong sabihin sa akin? Mukhang mahalaga 'yun, ah?"
Matagal na nagpalinga-linga si Tim, halatang hindi niya alam kung paano niya sasabihin ang gusto niyang sabihin. Pagkatapos ng ilang sandali, pautal siyang sumagot nang, "H-hindi ko pa talaga kayang s-sabihin it k-kaninuman."
Napahinga ako nang malalim sa sinabi niya. Naiintindihan ko naman siya dito. "Tim, walang problema sa akin kunghindi mo pa gusto o kayang sabihin sa akin o kaninuman. Naiintindihan kita."
Ibinuka ni Tim ang kanyang bibig upang magsalita ngunit walang mga salita ang lumabas dito.
"Isa pa, hindi mo kailangang pwersahin ang sarili mo na sabihin ito kaninuman," pagpapatuloy ko. "Mas maayos kapag bukas sa kalooban mo ang magsalita."
'Di kalaunan, napangiti na rin si Tim. "Maraming salamat, Ramon. Sa totoo lang, dapat noon ko pa lang naisipang lumapit sa'yo. Ewan ko ba, pero gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing nag-uusap tayo."
"Ano ka ba?" tawa ko. "Malaking hakbang na rin ang nagawa mo sa pagpapakita sa akin sa mga tattoo mo. Patingin nga ulit? Ang ganda ng pagkakagawa."
"Meron akong kaibigan sa Chiapas na nag-eensayo bilang isang tattoo artist, kaya libre ko nang naipagawa ito," sagit ni Tim habang pinapakita niya sa akin ang itim na disenyo sa kanyang mga braso.
"Nage-ensayo pa lang siya sa lagay na 'yan?" bulalas ko. "Sabihin mo sa kanya na ituloy niya ang ginagawa niya. Sigurado akong malayo ang mararating niya sa ganitong larangan."
Masaya naming kinain ang aming mga pritong manok dahil sa totoo lang, hindi kami naging kuntento sa agahan namin kanina na niluto ni Graciela. Maya-maya pa lang ay bumalik na kami sa kotse at tumuloy na sa pamantasan.
"Tim, salamat," mahina kong sinabi habang naghihintay kaming umalis ang dyip na nakaharang sa daanan namin.
"Para saan naman, Ramon?"ani Tim.
"Sa tiwala," simple kong sagot. "Alam kong hindi madali ang magbahagi ng saloobin sa iba kaya kahit papaano, masaya ako na malaki ang tiwala mo sa akin."
"Ako dapat ang magpasalamat sa'yo," ani Tim. "Buti nga at nandiyan ka upang makinig sa akin."
Matagal akong napangiti sa sinabi sa akin ni Tim habang nagmamaneho ako papuntang pamantasan. "Nitu-nito lang, panandalian ko ring naranasan ang maglihim sa pamilya at mga kaibigan ko, kaya kahit papaano, naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Alam ko kung gaano kahirap ang walang maaaring makinig sa'yo kaya lagi kong sinisiguradong handa akong makinig sa kahit sinuman na nangangailangan."
Saglit ulit kaming tumahimik habang ipinapasok ko sa pamantasan ang kotse bago ako ulit nagsalita. "Alam mo, Tim, marami dapat akong sabihin sa'yo, tulad ng 'hindi maganda ang pag-iisip sa mga di-magagandang bagay' o kung ano pang maaaring sabihin sa isang makalumang leksyon sa wastong pag-uugali, pero sa tingin ko, alam mo na rin ang mga bagay na ganon."
"Oo, alam ko na," sabi ni Tim. "Kailangan ko lang talaga ng sapat na oras at isang taong makikinig upang makapag-isip ako nang maayos. Sandali... kanino ka nga pala makikipagkita ngayong araw na ito?"
![](https://img.wattpad.com/cover/62989639-288-k425445.jpg)
YOU ARE READING
Super Zone-Out Zone 2: Nakatali Kasi Tulad ng Buhay Ko Ngayon
FantasíaSi Ramon ay isang estudyante ng medisina na mayroong abilidad na pumasok sa kahit anong kwentong naisin niya. Ang nakapagtataka, dati na siyang napunta sa ibang dimensyon nang walang binabasang kahit ano. Akala niya ay hindi na ito mauulit, ngunit n...