Chapter 4

424 13 0
                                    

NAPANGITI ako nang matanaw ko si Calix na nakahiga sa ilalim ng puno na madalas niyang tinatambayan. May naka-cover na bukas na notebook o libro sa mukha niya. Nagpasya akong lapitan siya. Hindi na ako naiinis sa kanya sa mga sinabi niya sa akin kahapon dahil may possibility na hindi talaga totoo sa loob niya ang ginawa niya. Ang mga tulad niya ay sadyang matataas ang pride at hindi kahit kailan aamin na kailangan nila ng tulong, lalo na sa isang babaeng tulad ko.

Tumigil ako sa paanan ni Calix. Mukhang tulog siya dahil hindi niya naramdaman ang presence ko. Malaya ko tuloy siyang napagmasdan habang nakahiga siya sa damuhan at nakaunan sa mga palad niyang nakasalikop sa likod ng ulo niya. Kaya ako lumapit sa kanya ay para umpisahan ang aking plano.

Kagabi, bago ako matulog ay may naisip akong isang plano para kay Calix. Gagawa ako ng sarili kong gangster love story, hindi sa Wattpad o Booklat, kundi sa totoong buhay. Isang real-life gangster love story. Gagawa ako ng paraan para magka-crush din siya sa akin. Paiibigin ko ang isang gangster. Babaguhin ko siya. Aayusin ko ang buhay niya.

Siguro nga ay puwede akong mapagkamalang baliw sa naisip kong gawin. Pero wala nang mas bi-brilliant pa sa naisip ko. I will get the guy's heart and I will change him. Hindi tipikal na gangster love story ang naisip ko. At gagawin ko ang istoryang naisip ko sa tunay na buhay kaya unique.

Napatitig ako sa nakatakip sa mukha ni Calix. Hindi pala notebook iyon. Libro pala. Mukhang iyon ang librong binabasa niya noong nakita ko siya sa hideout ng Mercurial Gang.

The Little Prince. Antoine de Saint-Exupéry.

Kusang umangat ang kilay ko. Nagbabasa si Calix ng children's book? Hindi ang tipo niya ang nagbabasa ng isang librong pambata. Ang iniisip kong mga binabasa niya ay mga tipong tungkol sa karahasan at patayan.

Napangiti ako. Mukhang tama ako. Mukhang hindi talaga ganoon kasama si Calix. The fact na nagbabasa siya ng children's book, ibig sabihin ay mayroon siyang soft side. Kailangan kong tuklasin kung paano ko makikita ang soft side niya.

Biglang gumalaw si Calix at inalis niya ang libro sa mukha niya. Nagsalubong ang paningin namin. Kaagad na nagbanggaan ang mga kilay niya.

Nginitian ko siya at kumaway ako nang bahagya. "Hi!"

"Anong ginagawa mo rito?" paninita niya sa mapanganib na tono.

Ewan ko ba kung bakit wala na talaga akong maramdamang panganib sa kanya. Call it gut feeling. Feeling ko ay hindi niya ako kayang saktan kahit sinisindak niya ako.

"Naisip ko lang na baka bored ka at kailangan mo ng kausap."

Mukhang napantastikuhan siya sa sinabi ko. "Huh?"

Umupo ako sa tabi niya. "Sasamahan kita para hindi ka ma-bore."

Bigla siyang bumangon galing sa pagkakahiga. Nakaupo na rin siya, paharap sa akin. "What the hell?" Mukhang galit na siya. "Sinong nagbigay sa 'yo ng karapatan para lapitan ako rito?" asik niya.

"Bakit? Teritoryo mo rin ba ang ilalim ng punong ito? Teritoryo din ba ito ng Mercurial Gang? Hindi ba at school property ang spot na ito at ang punong iyan?" turo ko sa punong may makapal na trunk at malagong dahon at mga sanga. Hindi ko sure kung anong klaseng puno iyon. "Estudyante rin ako dito. Nagbabayad din ako ng tuition fee kaya may karapatan din ako na pumunta sa spot na ito."

Naningkit ang mga mata niya. "Hindi ka ba natatakot sa akin?"

"Bakit naman ako matatakot sa 'yo? Tao ka rin naman, 'di ba? Hindi ka naman lion o tigre o aswang. Hindi ka naman nangangain ng tao."

"Kahit sakaling nangangain ako ng tao, hindi kita kakainin."

"Dahil ba iniligtas ko ang buhay mo?" assuming na tanong ko.

"Dahil mukhang wala kang lasa," masungit na pakli niya.

Aray naman! Wala ba talaga akong kadating-dating sa kanya?

Tumayo na siya at nagtangkang iwan ako. Mabilis akong nakatayo at hinarang ko siya.

"Teka lang. Mag-usap muna tayo."

Pinandilatan niya ako. "Lumayo-layo ka sa akin kung ayaw mong masaktan."

"Hindi mo ako kayang saktan," confident na sabi ko.

"What made you think na hindi kita kayang saktan? Kilala mo ba kung sino ako?"

Tumango ako. "Alam kong ikaw si Calix Roque, ang lider ng Mercurial Gang. Alam kong may bad boy image ka at hobby mo ang mambugbog. Pero hindi mo ako kayang saktan dahil may utang na loob ka sa akin. Tinulungan kitang makawala sa mga bumubugbog sa 'yo."

"Talagang makulit ka, no? Talagang gusto mong ipagpilitan na iniligtas mo ang buhay ko."

"Dahil iyon ang totoo."

"Ang lakas ng loob mong sabihin na utang ko sa isang katulad mo ang pagkakaligtas ng buhay ko. Baka gusto mong malaman kung ilan na ang mga napatumba ko."

"Ilan?" curious na tanong ko.

Pinandilatan ako ni Calix. Napipikon na siguro siya dahil hindi ako natatakot sa kanya. Sa katunayan, parang gusto kong mapangiti habang nakatitig sa kanya. Ang cute-cute niya kahit nandidilat ang mga mata at naninigas ang mga panga niya.

"Pero siguro naman hindi ka pa nakapatay, 'di ba?" tanong ko kahit sigurado naman akong hindi kaya ng isang seventeen-year old guy ang gumawa ng ganoon kabigat na krimen.

"Paano kung sabihin ko sa 'yong nakapatay na 'ko?"

Nanlaki ang mga mata ko. Nakapatay na si Calix? Parang may nasilip akong kaunting triumph sa mga mata niya. Para bang iniisip niya na natakot niya ako sa sinabi niya. Puwes, hindi ako magpapakita ng takot. Kung magpapakita ako ng takot ay lalo niya akong sisindakin.

Ngumiti ako at pagkatapos ay umiling. "Hindi. Hindi ka pa nakakapatay ng tao. Siguro nga marami ka nang nabugbog at napatumba pero naniniwala ako na hindi mo kayang pumatay ng tao. Naniniwala ako na may kabutihan pa rin sa puso mo. Kabutihan na itinatago mo lang."

Parang bigla siyang natigilan. Na-move kaya siya sa katotohanang naniniwala ako na may taglay siyang kabutihan sa kabila ng bad boy image niya? Ang akala ko ay magpapasalamat siya sa akin dahil ako lang ang nag-iisang taong may ganoong perception tungkol sa kanya sa kabila ng lahat ng tao sa paligid ay iniisip na masamang tao siya. Pero bigla na lang siyang tumawa.

"Baliw," pakli niya at itinulak niya ako sa balikat para hawiin ako sa daan niya.

Muntik na akong mawalan ng balance at matumba sa ginawa niya. Napatingin ako sa balikat kong hinawakan niya. Itinulak niya ako. Imbes na magalit at napangiti pa ako. At least hindi masyadong mapuwersa ang panunulak niya, hindi katulad noong itinulak ni Reid si Mela. Napadapa si Mela at nasubsob ang mukha sa lupa. Hindi ako intensiyong saktan ni Calix. Gusto lang talaga niyang hawiin ako dahil ayaw ko siyang lubayan.

Tinanaw ko si Calix habang lumalakad siya palayo. Tutuklasin ko ang soft side ng pagkatao niya. Tutuklasin ko ang itinatago niyang kabutihan sa puso niya. Aayusin ko ang magulong buhay ng isang Calix Roque.

Aalis na sana ako pero nahagip ng mga mata ko ang librong nakatakip sa mukha ni Calix kanina. Naiwan niya ang book niya. Dinampot ko iyon sa damuhan. Bakit kaya niya binabasa ang librong ito? Alangan namang binabasa niya ito para gawan ng book report para sa English subject. Children's book ito. Hindi naman siya grade school student.

Sa totoo lang ay hindi ko pa nababasa ang librong ito. Alam ko ang librong ito pero hindi ko pa talaga nababasa ito at ni hindi ko alam kung ano ang istorya nito. Mabasa nga ito mamayang gabi.

Ibabalik ko rin ito kay Calix bukas pagkatapos kong basahin. Ang librong ito ang gagawin kong alibi para malapitan siya next time.

St. Catherine High 1: I Knew He Was Trouble By Heart Yngrid (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon