Sam 1

5.1K 209 12
                                    

Pagbuhos ng isang malamig na basong tubig ang nakapagpabalikwas nang bangon kay Sam. Inis na nilingon niya pa ang lalaking may gawa niyon.

"Bakit ka ba nangbabasa?!" inis na bumangon si Sam at hinarap ang kinakasama ng ina. Kinuha ang kumot at basta na lang ipinunas sa mukha. Buti na lang at hindi inabot ang damit niya. Ah, nakakainis!

Hubad-baro pa ito at hindi man lang nahiya sa mala-burdado nitong katawan sa dami ng tattoo at malaking tiyan.

Umismid ito sa kaniya.

"Tanghali na, hindi ka pa bumabangon diyan? Ano, mahal na prinsesa, ipagluluto pa ba kita?" ibinato pa nito ang baso sa gilid bago lumabas ng kaniyang kuwarto. Buti na lang at hindi babasagin.

Ito ang dahilan kung bakit ayaw niyang nag-i-stay sa kanilang bahay. Siguro, dahil na rin sa pagmamahal niya sa kaniyang ina. O, wala lang talaga siyang mapupuntahan. Ayaw naman niyang basta na lang makisama sa kung sino. Siyempre, mas masarap pa rin iyong mahal mo at mayaman. Kaso lang, namatay na nga si Rick. Kaya balik na naman siya sa araw-araw na gaya ng ganito.

Basta na lang niyang iniwan ang higaan at lumabas na. Sumigaw na naman kasi ang buwiset na lalaking ito. Prenteng nakaupo sa hapag at talagang inaantay kung ano man ang ihahain niya. Hainan niya kaya ng lason?

"Bilisan mo at parating na rin ang nanay mo, pero wala pang pagkain." Binuklat nito ang diyaryo at nagbasa. Akala mo kung sinong mayaman kung makaasta!

Walang magawang tiningnan niya kung ano ang puwedeng makain. Walang laman ang bigasan at pati ang plastic na lalagyan ng mga de-latang sardinas. Naiinis na nasulyapan niya pa ang lalabong puno ng hugasin na isang linggo na atang nakatengga rito. Gaya ng mga nagkalat sa loob nang masikip at maliit nilang bahay. Nakakasuka na nga ang amoy, pati ang nakatira rito.

Malakas ang loob nitong si Dan dahil kaniya ang tinitirhan nilang bahay. Sampung taong gulang siya ng kunin sila nitong mag-ina. Akala naman niya ay makakaalis na sila sa mabahong lugar na kinalakhan, mas malala pa pala ang pinagdalhan nito sa kanila. Wala naman siyang magawa dahil maliit pa siya at sumusunod lang sa ina. Pero ngayong bente dos na siya, naisin man niyang umalis ay wala pa rin siyang pupuntahan. High school lang ang natapos niya na malamang ay mahirap maghanap ng trabaho. Ayaw naman niya iyong mahihirapan pa siya gaya ng saleslady o katulong kaya. Nag-aaplay siyang maging model pero wala pa ring tumatawag sa kaniya. Magtitiis na muna siya rito. Sa hayop na lalaking ito!

"Walang bigas at wala ring ulam. Anong..." napaigtad si Sam nang biglang hampasin nito nang malakas ang lamesa.

"Punyeta! Ano ba, pati ba naman 'yan e, problema ko pa!? Humanap ka nang paraan dahil gutom na gutom na ako!"

Nakakuyom ang kamaong lumabas ng bahay si Sam. Huminga siya ng ilang ulit habang naglalakad sa masikip na pasilyo papuntang labasan. Nagkalat ang maraming batang naglalaro sa daan; madudungis at mga walang damit. Ang mga ina naman ng mga ito ay kung hindi mga nagbi-bingo ay nagto-tong-its sa kahit saang sulok ng daraanan. Ang mga ama ay maaga pa lang nag-iinuman na. Mga nakahubad-baro at mababaho. Kahit saan ka tumingin ay tanging kahirapan at kabahuan lang ang iyong makikita. Wala pag-unlad kung dito ka mamumuhay. Kahit sa gabi ay nagkalat ang mga kadalagahan o kahit iyong mga batang ina na mga nakapustura at mga nagtatrabaho sa bar.

Wala naman siyang pakialam sa paligid niya. Ang tanging gusto niya lang mangyari e, makaalis doon kasama ng ina.

Palapit pa lang siya ay nakasimangot na si Aling Bining. Kung maaari nga lang na isarado nito ang tindahan pagkakita pa lang sa kaniya ay ginawa na siguro nito.

"O, Sam mangungutang ka ano? Naku, naman... wala pa nga sa kalahati ang ibinayad ninyo no'ng nakaraan tapos eto ka na naman? Asan ba kasi ang palamunin na lalaki ng iyong ina..."

Kung hindi lang kabastusan, kanina pa tinakpan ni Sam ang dalawang tainga o kaya sana pala ay dinala niya ang earphone. Para kung ganitong nagsisimula na naman ang matabang tinderang ito e, wala siyang maririnig. Kaso lang, ito na lang ang tanging nagpapautang sa kanila. Malayong kamag-anak kasi ito ni Dan iyon lang ganito muna ang nangyayari palagi. Sermon bago bigay.

"O, ayan na ang isang kilong bigas at dalawang sardinas. Sinamahan ko na rin ng mantika at sibuyas. Sana naman sa linggo e, mabayaran ninyo na ang napakahabang listahan ninyo para naman makabawi ako sa mga letseng utang." Tango lang ang tanging nagawa ni Sam bago nagmamadaling kinuha na ang mga inutang. Napakadaldal talaga nito!

Alam niyang ito ang nangunguna sa katsismisan sa lugar nila, lalo sa kanila dahil nga kamag-anak ng kinakasama ng ina.

Pagdating sa bahay, wala ang ama-amahan. Baka nayaya na naman sa labas para uminom. Buti naman para matahimik ang bahay kahit saglit lang. Agad niyang isinalang ang sinaing sa super kalan na nang buhatin niya ay malapit na ring mawalan ng gas.

Pumasok muna siya saglit sa kuwarto at naiinis na pinagsisipa ang mga nakakalat sa lapag. Kailan kaya magbabago ang buhay niya?

Bahagya pa siyang napasulyap sa lapag nang masipa ang bag ni Rick. Naalala na naman niya ang lalaki. Dinampot niya ito at binalak na ilagay sa kahon ng damitan niya. Kaso biglang nahulog ang notebook sa loob. Naiwan pala niyang bukas ito. Lumagpak itong nakabukas sa pahina kung saan nakalagay ang dapat niya raw gawin para sa katuparan ng kaniyang wishlist.

May napansin kasi siyang nakalagay sa ibabang bahagi nito na sa pagkakaalam niya e, wala naman doon kagabi.

Kapag hindi mo nagawa o sinunod sa takdang araw o oras ang utos, may mangyayaring hindi mo magugustuhan. Mag-ingat!

Medyo kinilabutan siya sa nabasa kaya kaagad niyang binasa muli ang utos. Napalunok siya ng ilang ulit bago napakunot-noo. Totoo kaya ito?

Pero paano niya ipapaliwanag ang mga biglang naglilitawang salita na wala naman no'ng una? Binuklat niya ang iba pang pahina subalit wala nang iba pang nakasulat.

Napaismid na basta niyang isinarado ang notebook at iniitsa sa ibabaw ng kahon ng mga damit. At natatarantang lumabas dahil amoy sunog na ang kaniyang sinaing!


Wishlist 2:
Sam
2016

Wishlist 2: SAMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon