Natutulalang tinitigan ni Sam ang cellphone, bago nagpatuloy sa paglabas ng gate ng eskuwelahan. Alas otso na sila pinalabas dahil may activity next week kaya may naganap na meeting. Nanatili niyang hawak ang cellphone habang nag-aabang ng jeep.
Kanina kasi ay may tumawag sa kaniya. Nanalo raw siya ng birthday package! At mamyang alas dose ng hating-gabi gaganapin para salubong daw sa kaniyang kaarawan.
Akalain mo iyon!
Hanggang makasakay sa siksikang jeep ay hindi pa rin makapaniwala si Sam. Muntik na nga niyang makalimutang magbayad kung hindi pa siya kinalabit ng katabi para iabot ang bayad nito.
Para kasing may mali, kahit pa magandang balita iyon. Parang kinakabahan siya na hindi niya maintindihan.
Pagkabukas ng bahay ay napakunot-noo si Sam, madilim at walang tao. Dapat kasi narito na ang ina kanina pa. Sinilip niya ang bigasan bago inilapag ang bag sa lamesa. Nakatambay pa rin ang hugasan na kanina pa atang umaga. Madumi ang lapag na hindi ata nasayaran ng walis tambo sa maghapon.
Hinuhugasan na niya ang dalawang gatang na bigas sa kaldero nang mapaigtad sanhi nang pagtunog ng kaniyang cellphone. Ipinunas niya lang basta sa likod ng pantalon ang basang kanang kamay at kinuha ang cellphone sa ibabaw ng bag.
Nanay calling...
"'Nay, bakit..."
"Sam, huwag ka nang magsaing. May tumawag sa akin na nanalo ka raw ng birthday package! Narito ako ngayon. Susunduin ka riyan ng isang sasakyan dala na rin ang isusuot mo. Isasabay ka na papunta rito. Bongga anak ang birthday mo. Natupad na rin sa wakas ang matagal ko ng pangarap para sa kaarawan mo. Kahit isang birthday mo lang." Halatang garalgal na ang boses ng ina na parang pinipigilan lang ang pag-iyak.
Magsasalita sana si Sam pero biglang nawala ang ina sa kabilang linya. Kahit anong hello niya ay busy tone na ang kaniyang naririnig. Dinayal niya ang numero nito pero out of reach na.
Napapabuga na lang ng hangin si Sam dahil nangangamba siya para sa ina. Pabalik-balik siya at hindi mapakali. Bakit basta na lang naniwala ang ina sa mga ganoong balita? Paano kung modus pala iyon? Pero, ano naman ang mahihita sa kanila kung sakali? Hindi naman sila mayaman. Iba pa rin kasi ang kutob niya.
Naisipan niyang puntahan ang Tiyo Dan, wala kasi itong cellphone. Pero nasa biyahe nga pala ito at ang paalam ay magda-drive sa isang overnight swimming sa isang family outing papuntang Laguna.
Nais na niyang sumigaw sa sobrang pag-aalala sa ina. Ang tangi na lang niyang magagawa ngayon ay hintayin ang sinasabing sasakyang maghahatid sa kaniya sa kinaroroonan nito. Parang napakatagal ng bawat oras na dumaraan. Sa muling pagsulyap niya, ten thirty na.
Biglang nakaramdam ng pangangailangan ng banyo si Sam. Mabilis na tinungo niya ito at binuksan ang ilaw. Maghuhubad na sana siya ng pang-ibaba nang mapasulyap sa nakasarang drum ng tubig.
Nanlalaki ang matang dinampot ang bagay na nasa ibabaw niyon.
Ang wishlist!
Hindi na niya alintana kahit pa sumasakit na ang pantog basta malaman niya kung bakit narito ang notebook.
Paanong...
Kinakabahan siya dahil parang may hindi tama. Kaya pala iba ang kutob niya sa mga nangyayari ngayon. Agad siyang lumabas at inilapag ang notebook sa lamesa.
Sana mali ang naiisip niya.
***
Kasabay nang pagtulo ng luha ni Sam ang pagkatok ng sunud-sunod sa labas ng pinto. Mabilis niyang pinunasan ang luha at tinungo iyon. Isang lalaking nakaputi ang kaniyang nabungaran. Nakahanda na ang ngiti nito para kay Sam pero naglaho nang makitang naniningkit ang mga mata ng dalaga sa galit.
"Nasaan ang inay ko! Kailangang makita ko ang inay!"
Gulat ang reaksiyon ng lalaki na mukhang nasa trenta pataas ang edad nang mapagtaasan niya ng boses. Sobrang nalilito na kasi si Sam sa mga nangyayari!
"E, Ma'm... napag-utusan lang ho ako." Alanganin na nitong iabot ang may kahabaang kahon na bitbit nito. Marahil ang dapat na isusuot niya ang laman niyon. Pero, hindi man lang iyon pinagkaabalahan na kunin ni Sam, mas mahalaga ang buhay ng ina!
Hinablot ni Sam ang notebook sa lamesa at muling sumulyap sa orasan; quater to eleven na.
Masikip ang eskinitang kanilang nilabasan pero may pagmamadali ang bawat hakbang ni Sam. Walang minuto ang dapat masayang!
Halos pagkulumpunan ng mga tao ang limousine ng kanilang madatnan. Naririnig niya pa ang bulungan sa paligid pero wala siyang pakialam. Matapos na buksan ng lalaking hindi niya alam ang pangalan ang pinto ng sasakyan ay agad na pumasok sa loob si Sam.
"Ma'm, maaari po kayong magbihis diyan sa loob. Wala pong..."
"Hindi ako magbibihis. Pakibilisan na lang ang pagda-drive."
Hindi na umimik ang lalaki. Nanatili namang hindi mapakali si Sam. Naroong patuloy niyang tinatawagan ang cellphone number ng ina. At kahit ang babaeng nagsabing nanalo raw siya ay hindi na rin niya makontak.
"Malayo pa ba manong driver? Kailangan ko na kasing makita ang nanay ko." Saad ni Sam sa pagitan nang pagdayal sa cellphone.
Walang tugon mula sa driver. Pilit na kinakalma ni Sam ang sarili.
Nagsulat ang ina sa wishlist! At ang hindi niya maintindihan kung bakit tinanggap iyon ng wishlist kahit pa hindi naman para sa ina ang nasabing notebook?
Basta ang alam niya, hindi niya mapapayagang mangyari ang nais ng wishlist! Nanay na niya ang nakasalalay ngayon. Kung siya lang ay kaya niya pero ang kaniyang mahal na inay...
Napasulyap siya sa orasang nasa cellphone, alas onse kinse na! Malapit na ang itinakdang oras!
Gusto na ni Sam magwala sa loob ng sasakyan dahil pakiramdam niya ay wala siyang magawa. Sisigawan na sana niya ang driver ng biglang huminto ang sasakyan. Mabilis na kinapa niya ang handle kaso lang naka-lock.
Naiinis na hinintay niya ang driver. Nang ganap na mabuksan nito ang sasakyan, tinabig niya ang kamay nitong aalalay sana sa kaniya. Nagpalinga-linga siya at nasa isang kilalang hotel sila.
Tumakbo si Sam papasok habang tinatawag ang ina. Kailangan na niyang makita ito!
Wishlist 2:
Sam
2016
BINABASA MO ANG
Wishlist 2: SAM
HorrorTutuparin muli ng wishlist ang mga bagay na gugustuhin mong magkaroon. Subalit, gaya ni Rick kailangan sundin ni Sam ang mga utos para sa kaganapan nito. Kakayanin niya kaya o kaagad siyang susuko? Alamin sa pangalawang librong gugustuhin mo bang m...