Sam 2

3.9K 214 33
                                    

"Sardinas na naman? Wala bang iniwan si Dan?" napalingon si Sam mula sa nilulutong ginisang sardinas sa kararating na ina. Payat ito at kababakasan nang hirap ang mukha. Sa edad nitong kuwarenta y singko, mukhang matanda pa ito sa kaniyang edad. Nais man niyang huwag na lang itong maglabada, no choice sila dahil napunta pa ito sa isang wala ring silbing lalaki.

Inilapag nito ang bag na luma sa lamesa at nagpunas ng mukha gamit ang bimpong lagi nitong dala bago naupo.

"Wala at inutang ko lang ito kay Aling Bining." Ibinalik niya ang atensiyon sa niluluto. Nang makitang puwede na ay pinatay nang tuluyan.

"Kahit kailan talaga naman. Asaan na naman iyon? Nasa inuman na naman siguro dahil birthday no'ng Cardo." Nagpapaypay na ito nang isang pirasong karton na nakuha siguro nito kung saan. Kasisira lang ng electricfan nila at walang pampaayos kaya tiis muna.

Hindi na nagkomento pa si Sam. Ganito lang naman ang ina, kung anu-ano ang sinasabi sa kinakasama pero hindi naman maiwan. Kaya kung dati e, nakikipagdebate pa siya rito, nanawa na siyang tuluyan.

Naghain na siya ng pagkain nila. Buti at umabot pa ang niluto niya dahil naghihingalo na ang super kalan. Ewan niya mamyang hapunan.

"Babalik ako roon pagkatapos kong kumain. Hindi pa tapos ang mga labada ko kay Mrs. Gomez. Huwag ka na munang maglakwatsa at malamang umaga na uuwi ang Tiyo Dan mo. Walang tatao rito." Saad ng kaniyang ina sa pagitan nang pagsubo.

Nanatiling tahimik na kumakain si Sam. Nais man niyang sabihin na wala namang mawawala rito sa bahay nila ay hindi na siya nagsalita. Wala naman kasi siyang pupuntahan. Si Shaira naman na taga-subdivision e, umalis na. Mula nang malason kasama ng mga barkada nito iniuwi ng magulang sa Cebu. Natakot na baka kung ano ang mangyari pa rito. Buti at naagapan sila at hindi natuluyan. Tanging ito lang naman ang yayamanin sa mga naging kaibigan niya. Ang iba, taga-rito lang din sa mabahong lugar nila.

Pagkatapos maghugas ng pinagkainan at ng mga nakatambak pa roon, agad siyang pumasok sa kuwarto. Wala siyang balak maglinis ng buong bahay kahit pa maliit lang iyon. Tutal naman madudumihan muli iyon sayang ang effort.

Naupo lang siya sa banig na nanatiling nakalatag sa lapag at sumandal sa dingding. Lagi niyang iniisip kung bakit napakamalas naman niya. Pero ang iba ay sagana sa buhay at hindi na kailangang maghirap pa na gaya niya.

Napalingon siya nang hawakan ng ina ang balikat niya.

"Alis na ako. Ito, nakabale ako ng isang daan. Bumili ka kahit isang kilong isda. Iprito mo nang hindi puro sardinas ang nangangamoy sa bahay."

Inabot ni Sam ang lukot na pera bago tumango sa ina.

"Isda? E, isda rin naman ang sardinas, nasa lata lang." nakasimangot na saad niya bago tumayo. Maliligo pa pala siya.

***

Nagto-tootbrush si Sam sa lababo nang makaramdam nang paghapdi. Kada ipapasok niya ang sipilyo sa bibig at natatamaan ang dila niya, parang may sugat doon kaya humahapdi. Pag dura niya sa lababo, medyo may malapot na dugo ang lumabas!

Natatarantang kinuha niya ang baso ng tubig at nagmumog. Tiniis niya ang hapding nararamdaman kada sumasayad ang tubig. Pagkadura niya ay nanatili ang malapot at medyo buong dugo.

Nalilitong pinunasan niya ang labi gamit ang likod ng palad. Nang mapasulyap sa sipilyo ay nabitawan niya iyon. Puno iyon ng pulang likido at parang may laman-laman na sumuksok doon.

Napapaatras siya at napapatakip sa sariling bibig. Mayamaya pa, parang may nalalasahan siya sa loob ng bibig. Dahan-dahan niyang ibinuka ang labi at inilabas ang dila. Marahan ang ginawa niyang paghawak dito at gayon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata ng sobrang sakit ang kaniyang naramdaman dahil may sumamang kaunting laman sa kaniyang daliri!

Mabilis niyang tinungo ang kuwarto at hinagilap ang salamin na nakasabit sa dingding. Nanginginig na kinuha ito at malapitang tiningnan ang sariling dila. Kahit nasasaktan, pilit niyang sinilip ang loob niyon partikular ang kaniyang dila. At kitang-kita niya kung paanong parang naagnas ang dila dahil unti-unting parang bumabagsak iyon. Nang dumura siya ay may laman ng kasama ang dugo kanina. Naisara niyang bigla ang bibig at napatulala.

Anong nangyayari sa kaniya?

Wishlist 2:
Sam
2016

Wishlist 2: SAMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon