Marahas na umihip ang simoy ng hangin sa aking mukha. Nakatingin ako ngayon sa araw na unti unti nang bumababa't naglalaho. Pinagmasdan ko ang paligid na tila ba nilalamon na ng dilim. Nawala na ang kapayapaang dala ng sinag ng araw at napalitan ng takot bunga ng kung anuman. Ang magagandang hampas ng dagat na nagpapangiti sa akin ay tila ba tumahimik at napuno ng misteryo. Tumayo ako nagsimulang maglakad. Hindi man kalmado't panatag, matapang na sinuong ang daan na walang kasiguraduhan kung saan o ano ang patutunguhan. Ganun pa man, sa dilim ako'y masaya. Nahanap ko ang tahanan na hindi makita dala ng liwanag.