Madalas si Tony mag-antay dito sa People's Mall, sa market na pinagigitnaan ng General Luna St. at Igualdad St.
Alas sais.
Sa eksaktong oras na yan alam niyang ilang segundo niyang mapagmamasdan ang mukha ng babaeng 'di niya sadyang mas lubos na kilalanin. Ng malayuan.
Sa baba ng hagyan lagi siyang pumipwesto. Kunwaring may kasama lang na inaantay. Tumitingin kuno sa cellphone at kunwaring magtetext kapag may nakakapansin sa pagkakatayo niya. Hindi niya gustong pinagtitinginan siya ng mga tao. Pero wala siyang magagawa kundi ang pansamantalang harapin ang kahinaang ito para lang makanakaw ng mga larawan ni Hiwaga.
Oo. Kinukunan niya ng litrato gamit ang mga mata niya at tsaka niya ipinadedevelop sa utak niya. Kayraming larawan. Madalas walang ekspresyon. Pero isa dito ang pinaka-paborito niya, ang larawang nakangiti si Hiwaga habang nakatingin sa kaniya.
Mula sa malayo, natanaw niya nang paparating ang dalaga. Bagamat magkakilala, mas pinipili ni Tony na mapagmasdan si Hiwaga ng 'di siya nito nakikita. Pinakatotoo raw ang tao kapag 'di ka nito kaharap. Walang ikinukubling sekreto. At dahil 'di ka kaharap, alam niyang 'di siya mahuhusgahan. Kaya ang lahat ng ngiti, ang lahat ng simangot o pigil na tawa ay nagiging totoo kapag nag-iisa.
Laging mag-isang naglalakad si Hiwaga papunta sa tricycle terminal ng Mabolo.
Ilang hakbang na lang at muling magkakalapit ng ilang metro ang distansiya ni Tony at ni Hiwaga. Panandaliang titigil ang oras. Subalit oras lang ni Tony ang titigil. Siya lang ang hihinto ng ilang segundo at mawawala sa ulirat habang tinititigan ang dalaga. Sa kabilang banda, patuloy sa paglalakad ang dalaga. Papalapit ng papalapit sa binatang nakatanga lang at kanina pang nakatingin sa direksyon niya.
Ilang dipang layo na lang. Andiyan na. Huli na para magtago si Tony.
'Oy! Sa'n ka papunta?' usisa ng dalaga na 'di naitago ang pigil na ngiti nung makita ang binata.
'Ah... Umm... Diyan..' pilit na bumibitaw ng dahilan kahit wala pa siyang naoorganisang pagsisinungaling sa utak niya, 'May hinihintay kasi ako.'
Ngumiti na lang muli ang dalaga na siyang pahiwatig na magpapatuloy na siya sa paglalakad. Ang totoo, wala lang siyang maitanong kaya naobliga siyang magkunwari na nag-uusisa.
Ba't nga kaya sila magtatanong ng kumusta sa t'wing magkakasalubong kayo at bago kapa man makasagot na okay ka lang, andun na sila't malayo na sa'yo? Ba't 'di pwedeng tumango na lang o ngumiti bilang tanda ng pagbati? Alam ni Tony na minsan may mga kilos ang tao na 'di maipaliwanag.
Unti-unti nang nilamon ng nagsisiksikan na mga tao si Hiwaga. Pero mula sa kung saan nakatayo si Tony, tanaw niya pa din ang pagkislap ng payneta ng dalaga. Isang kulay itim na aksesorya na hawig sa suklay. May mga mumunting diyamenteng nakadikit bilang palamuti. 'Di halatang peke.
'Di tulad sa kamatayan ng katawan kung saan lalapit ka sa liwanag, ang pagkakamatay ng pakiramdam ni Tony kay Hiwaga ay kaakibat ng paglayo niya sa liwanag. Nais sana ng binata na lubos na maipaintindi sa panlabas na mundo ang nadarama subalit alam niyang kakapusin siya sa mga salita. Sa madaling sabi, isang normal na taong umiibig si Tony. Ngunit, malayo sa pagiging pangkaraniwan ang likaw ng isipan niya sa t'wing makakaharap ang dalaga sa tagpuang si Tony lang naman ang nagpasya.
Alas siyete.
Naglakad na si Tony papunta sa Jeepney Terminal. Maingay pa din kahit lumipas na ang rush hour. May mga estudyante at mga empleyadong pauwi palang. Meron ding mga nagtitinda pa din sa bangketa na nagkukumahog sa pagpapaubos ng mga paninda nila. Tulad ng dati, nagpapatintero pa din ang mga tao sa kalsada kalaro ang paroon at paritong mga behikulo.
Sa lahat ng kaguluhang ito, nananatiling payapa si Tony sa paglalakad at kahit walang suot na earphones parang kusang nagkakaroon ng musika sa tenga niya. Ang boses ni Hiwaga. At kahit mabilis na nagsisikilos ang lahat, ang mundong kinabibilangan ngayon ni Tony ay bumabagal.
Umiikot sa kawalan.
Humahalik sa lupa.
Dumadampi sa aspaltadong kalsada.
At dumidilim.
'Basta po bigla na lang siyang natumba. Buti nga't nagkataon na papauwi na din kami ng Misis ko. Isinakay na po namin siya sa service at tsaka agad na dumiretso dito.'
'Salamat sa'yo, ako nang bahala na mag-contact sa kapamilya nitong binata. Pwede na siguro kayong umuwi ng misis mo at naabala na din kayo.'

BINABASA MO ANG
Huling Dalaw
Детектив / ТриллерSino ang higit na mas nakakakilala sa sarili? Ang mundo sa labas ng materyal mong katawan? O ang maliit na nilalang na nagkukubli sa kaibuturan mo?