Pagbabalik

10 1 0
                                    

Magaspang ang pader. Sinalat niya ito ng kaniyang mga kamay. Parang mayroon itong buhay. Inilapit niya ang tenga niya dito upang mapakinggan kung meron itong tumitibok na puso. Wala. Nasa isipan niya pala ang buhay na inaakalang pagmamay-ari ng pader.

Walang katwiran ang maaari niyang maisip kung bakit nailugmok siya sa ganitong kalagayan. May malubhang sakit sa isip na kahit ang gamot ay 'di makatulong para maampat ang mga ligaw niyang hiraya. Parang sa isang iglap eh sa kaniya na umiinog ang mundo. Tumira siyang muli ng tranquilizer.

Matindi ang nagaganap na balitaktakan sa isipan niya. Noong una, isang tauhan pa lamang ang namumuhay sa kukote niya. Yun si Hiwaga. Subalit nitong mga nakaraang araw, parami ng parami ang mga estranghero na naliligaw sa mga guni-guni niya. May matandang babaeng gitata at nilalangaw ang humihingi ng saklolo. Merong aso na kumakahol dahil sa hindi siya nakikilala.

Parang mga durog-durog na bigas ang pawis niya sa t'wing tatangkain niyang lumabas ng bahay. Hindi naman mainit. Talagang umaatake lang ang mga pangamba niya. Hindi niya alam kung saan nagsisimula kaya napaka-imposible rin na makunan niya ng solusyon ang kasalukuyang suliranin. Hinahanap niya pa din ang ala-ala ni Hiwaga sa subconscious mind niya. Pinipilit iahon mula sa pagkalimot.

Nabulabog ng ingay ang bahay nila noong gabing iyon. Mula sa kwarto niya ang napakinggang pagkalabog. Dinig ito sa kabilang kwarto kung sa'n na andun ang Tatay niya. Kaya dali-dali itong bumalikwas mula sa pagkakahiga at kinatok ang kwarto niya.

Tatlong malalakas na katok na alam mong kinapalolooban ng pag-aalala.

'Tony! Tony! Tony!'

"Buksan mo ang pinto!'

Tatlong malalakas na katok na naman ang narinig ng wala nang malay na katawan sa loob.

Nakahandusay ang katawan ng binata sa loob ng matagpuan ito ng Tatay niya. Natimbuwang mula sa pagkakatayo at 'di malayo sa kung saan siya nakahiga ay na andun ang ilang piraso ng gamot na maaaring nilaklak niya upang ma-overdose. Diazepam. Pampatulog. Subalit sapat na para makapatay ng tao kapag napa-sobra ang inom nito.

Dali-dali siyang ihinatid sa malapit na ospital. Sa muli, magkandaloko-loko na naman ang kanyang Tatay sa sobrang pag-aalala.

Pero sa isipan ng binata, ,malayo na ang tinungo ng kaluluwa niya.

Isa siyang nabigante sa mundo ng tagpi-tagping mga alaala. Hinahanap niya ang mga larawan ni Hiwaga. Milyon na kulay ang andoon. Merong mga bagay na hindi niya pa napagmamasdan noong mga panahong saklaw pa siya ng materyal niyang katawan. 

Sa 'di kalayuan, nakakita siya ng mga muwebles na lumulutang. Meron itong imprenta ng larawan ni Hiwaga. Sinundan niya ito subalit mabilis itong napadpad sa alapaap. Sinubukan niyang lumipad subalit kumpara sa planeta niya, mas matindi ang hatak dito ng gravity. 

Tumakbo siya pabalik sa kung saan siya unang nagising. Doon eh merong malaking lobo. Hindi niya alam kung para saan. Pero nung makapa niya ang laseta sa bulsa niya, alam niyang maaaring niyang pigtasin mula sa pagkakatali ang lobo at lumipad din sa alapaap. Maabutan niya pa ang mga muwebles, sabi niya sa isipan niya.

Sa ilang segundong lumipas bago mabuo ang kaniyang pasya, parang bigla siyang binagabag ng duda. Mayroong hidwaang nagaganap sa kalooban niya. Pinipilit niyang ilagay sa rason ang mga pangyayaring ito subalit bigo siyang mabigyan ng paliwanag ang kabuohan ng hiwagang dinadanas niya. Kahit hindi drug user, alam niyang ganito ang epekto kapag tumira ka ng LSD.

Walang ano-ano, pinutol niya ang kalahati ng tali ng lobo at agad na ipinilipit ito sa kamay niya upang tangayin siya paitaas. Mabilis siyang umangat sa lupa ngunit ang sinusundan niya eh matagal nang naglaho sa kalangitan. Wala siyang paki-alam. Ipagpapatuloy niya pa din ang paglalakbay na ito. Isang daluhong sa mga kaulapan. Hinahawi niya ang kumpol ng cumulo-nimbus clouds upang maging sapat ang liwanag at makakita siya.

Maraming kordero ang nakasalubong niya. Lahat sila nakapila. Lumulundag upang maabot ang nasa kabila ng bakod. Natatandaan niya ang pangyayaring ito. Nagaganap ito sa t'wing nahihirapan siyang makatulog. At doon din sa puntong iyon, dinalaw siyang muli ng antok at 'di niya namalayang nakabitaw siya sa tali ng lobo. Nagpatihulog siya sa kawalan hanggang bumagsak sa isang kama sa ospital.

Pagkamulat niya ng mata niya, hawak ni hiwaga ang kamay niya. Samantalang sa kanan niya, andun ang Tatay niya nakangiti sa kaniya. Sa puntong yun, naramdaman niya ang dalisay na pagmamahal niya kay Hiwaga. Para bang ang pag-ibig at siya ay nagi na lamang iisa.

Subalit kapos pa din siya sa mga ebidensiya kung sa'n siya nagising.

Sa panaginip ba o sa mundong itinuturing nating totoo.

Ngunit ang tinig ni Hiwaga ang nagsabi, 

"Salamat sa pagbabalik."

Huling DalawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon