Pinagpapasiyahan niya kung ito ba ang pinakaperpektong pagkakataon para ipaalam kay Tony ang katotohanan.
Nangangamba si Hiwaga. Baka ito lang ang maging sanhi ng panunumbalik ng karamdaman ng kaibigan.
Maka-ilang ulit nang nagtapat ito sa kaniya. Nagbibitaw ng mga salitang alam niyang una at huling beses na bibitawan ng binata. Maligoy ang pagkaka-ayos ng mga nais sabihin pero ang puno't dulo ng ipinahihiwatig ni Tony ay mahal siya nito.
Batid niyang sa mga oras na nag-iisa siyang naglalakad, lalo na pag gabi, na lagi itong nakasunod sa kaniya. Alam niya ito, matagal na. Okay lang din naman sa kaniya. Mas maigi nang sa mga oras na kinakailangan niya ng patnubay eh andun ang kaibigang palihim na nakasunod. Palihim, yun ang akala ni Tony.
Subalit, tulad ng mga kwentong ipinalalabas sa telebisyon, kaparis ng mga kwentong inilalathala sa mga libro, may iilang istoryang 'di mabibigyan ng magandang katapusan. Kailangang mamaalam ni Hiwaga.
Sa isipan lamang siya namumuhay.
Kinakatha ng magugulong hiraya ni Tony.
Sa diwa lamang siya malayang nakapamumuhay kasama ang mga magagandang pangarap ni Tony sa kaniya.
Hinulma siya sa alaala ng iba at 'di rin nga inakalang mapapa-ibig ang binata kahit lihis ito sa takbo ng realidad.
Kailangan niyang tuluyang maglaho at mag-tago sa pinakasulok-sulokan ng subconscious ng kawawang binata. Kailangan niyang magpalusaw sa mga maintenance nitong major tranquilizers at anti-depressants.
Kaya noong hapon na iyon, habang nasa sapi ng delusyon at ilusyon, isinulat ni Tony ang mga sinasaloob ng kinikilala niyang hiwaga. Ipinagpapaalam niya sa sarili niya ang tuluyang paglisan ng babae. Alam niyang nalalapit na din naman ang panahon ng kanilang pag-iibang landas.
Isa sa mga pinakamabigat na desisyon na kailangang bitawan ng binata. 'Paalam na. ' isinulat niya sa kapirasong papel at saka isinilid sa bulsa ng kaniyang polo. Nagtungo nga si Hiwaga sa kanilang tagpuan. Matagumpay naman nitong naiparating kay Tony ang pamamaalam.
Subalit sa bahay, matapos ang pamamaalam sa bawat isa, nangangamba ang binata sa nakuhang mensahe.
'Nandito lang ako' ang mga katagang nakasulat sa papel. Sa halip na 'Paalam na. '
BINABASA MO ANG
Huling Dalaw
Misterio / SuspensoSino ang higit na mas nakakakilala sa sarili? Ang mundo sa labas ng materyal mong katawan? O ang maliit na nilalang na nagkukubli sa kaibuturan mo?