Mabilis na binaybay ni Rey ang mga kalye patungong San Marcos. Ilang barangay din ang layo nito mula sa San Agustin. Sakay pa din siya ng kaniyang lumang bisekletang walang preno, na ilang ulit na ding ipinaalala ni Tony na dapat lagyan niya.
Ramdam ni Rey ang pagkakahati ng hangin sa mga kawalan na binabangga niya habang nagbibisikleta. Mas maigi iyon upang hindi siya lubos na mag-alala sa kasalukuyang kalagayan ng matalik na kaibigan. Kakagaling niya lang Maynila para sa isang bakasyon. Wala sa kahit anong hinala niya na manunumbalik ang dating sumpa kay Tony, ang pakikibabag sa ilusyon na hinuhulma ng isipan. Ang huli nilang pagkikita bago siya tumungo sa Maynila ay nagi pang isang serye ng inuman.
Tulad ng dati. Ginebra para sa matatapang. Para sa nagpapakalango sa alak upang matakasan ang takot at hiya. At mabitawan ng walang kahirap-hirap ang mga pinakatatagong sikreto.
'Mahal mo pa din ba si Hiwaga?'
'Sa paraan sigurong 'di matatanto ng mundong ibabaw. '
'Nagpapakamakata kana naman. Tumama na ba ang sapi ni Ginebra?'
Napatigil si Tony at napa-isip kung sanhi ba ng kalasingan o matinong pag-iisip ang nabitawan niyang sagot. Mas pinili niyang manahimik.
'Eh ikaw ba kelan ka babalik dito? Magkakalat kana naman dun sa mga dinadayo mong comedy bars. Wala ka namang talento sa pagpapatawa. ' sabay tawa si Tony pagkatapos niyang insultohin ang kaibigan.
'Di rin naman ako gaano magtatagal. Try ko lang magperform ulit. Subok ng ibang materyal. ''Sige, maigi yan nang malaman mong 'di ka talaga para sa pagpapatawa. ' Tumawa ulit si Tony.
Alas nuwebe ang simula ng inuman.
Alas diyes ang simula ng biruan.
Alas onse ang simula ng pagdadrama.
Alas dose ng hating gabi ang uwian.
'Pano ba yan? Alis na ko. Balitaan na lang kita kung ano mangyayari sa'kin dun. '
'Kahit wag na. Uuwi kang luhaan sigurado. '
'Tsaka wag kana pala gaano mag-iisip ng mga kung ano-ano, sabagay ang hirap maiwasan. Pero subukan mo. Delikado kasing sa'n na naman mapunta yang mga kaweirdohan ng isipan mo. '
'Oo na. Oo na. May Olanzapine pa naman akong tira. Kung 'di umubra, edi kami ulit ni Pareng Ginebra ang maghaharap. '
Natatandaan ni Rey ang pag-aalala sa kaibigan nung gabing umalis siya doon sa bahay nina Tony. Ngayon, magbabalik siya para makumpirmang tumpak sa sitwasyon ang nararamdaman niyang mga pangamba.
'Tao po. ' habang kinakatok ang pintuan.
'Tao po.' mas nilakasan niya pa ang pagtatawag.
'Andiyan na, sino ba yan?' sumilip muna si Tatay Antonio mula sa bintana.
'Si Rey po. Dadalawin ko lang sana si Tony.
''Ah sige, ikaw pala yan. Pasok ka Kelan kapa dumating?'
'Kagabi lang po. Kay Kuya ko na nalaman ang nangyari kay Tony. '
'Matagal nang ganyan yang bata na yan. Magaling lang talagang magtago. Eh lagi ko naman yang kinakausap. Di naman masyadong nagsasalita. '
'Hayaan mo po at kakausapin ko na lang. '
'Sige na. 'kaw na lang pumasok sa kwarto niya at 'di naman yan lumalabas. Bahagyang binuksan ni Rey ang pintuan.
Sinilip muna kung gising ang kaibigan. Nakahiga pero baka 'di naman siguro tulog.
Pumasok na siya at naupo sa paanan ng kama.
Parang medyo nagising si Tony. Halata sa mukha na pilit inaaninag kung sino ang kasama niya sa kwarto.
'Kanina kapa ba gising?'
BINABASA MO ANG
Huling Dalaw
Misteri / ThrillerSino ang higit na mas nakakakilala sa sarili? Ang mundo sa labas ng materyal mong katawan? O ang maliit na nilalang na nagkukubli sa kaibuturan mo?