Noong Araw Na Niyakap Ko si Mahal

357 5 0
                                    

Heto na naman ang kakaibang init. Ramdam ko na naman ang kakaibang sensasyong tila hindi nakasayad ang mga paa ko sa lupa. Nakiramdam ako. Dinig na dinig ko ang pagtibok ng iyong puso. Suminghap ako. Amoy na amoy ko ang pabango mong Lacoste.


Ito yung mga pagkakataong napakasaya ko. Na para bang wala ng ibang tao na nabubuhay sa mundo kundi tayong dalawa lang. Na para bang ang bawat pag-awit ng mga ibon ay para sa atin. Na para bang ang bawat bahaghari sa kalangitan ay tanda ng pagmamahal natin sa isa't isa. Na kahit ang bawat segundong dumaraan ay tila marathon sa sobrang bilis, ito yung mga panahong nararamdaman ko na kumpleto ang katauhan ko. At ngayon nga, sa tuwing kayakap kita, ay ramdam ko ang init na marahang-marahang humahaplos sa aking puso.


"Na-miss kita, Mahal," tumingala ako at humilig ng kaunti upang makita ang maamo mong mukha. Hindi ka sumagot at nginitian mo lamang ako. Bumalik ako sa dati kong pwesto at lalo pang pinagsiksikan ang aking sarili sa iyong katawan. Inilapat kong mabuti ang aking tainga sa bahagi ng iyong dibdib na katapat ng iyong puso. Naramdaman kong bumilis ang pagtibok nito. Naisip ko tuloy, kung may boses ba ang mga puso natin, pangalan ko kaya ang isinisigaw ng iyo? Na imbes na "Lub-dub, lub-dub" ang tunog nito ay mapapalitan ng "Sa-rah, Sa-rah" at ang akin naman ay magiging "E-ric, E-ric" kaya?


Tahimik lang tayong magkayakap. Ikaw, habang nakasandal sa puno ng mangga, at ako, nakabaluktot at tila tuko na nakakapit sayo. Biglang umihip ang hangin at napuwing ako. Napilitan tuloy ang isa kong kamay na bumitaw upang kusutin ang aking mata. Tumawa ka ng marahan. At kahit nakapikit ako ay nakikita ng aking isipan ang iyong nakatawang mukha at ang naniningkit mong mga mata. Ngunit bigla kang tumahimik. Kinusot-kusot ko ang dalawa kong mata. Pilit na ibinubuka. Pilit kitang inaaninag. "Mahal?" Gusto kong makasigurado na nariyan ka pa rin. Nag-unahan sa pagpatak ang iilang mga butil ng luha mula sa aking mga mata dahil sa buhanging pumasok sa mga ito. "Mahal?" Muli kitang tinawag. Sa pagkakataong ito ay hinawakan mo ang aking baba at marahang iniangat ang mukha upang mahipan mo ang mga nangangati kong mata.


Bigla akong nakaramdam ng takot. Na paano kung isang araw ay mapuwing ulit ako at pagmulat ko ay wala ka na. O di kaya naman ay matulog ako at kinabukasan ay di na kita makita. Isinubsob ko ang aking mukha sa iyong dibdib. Hindi ko na maramdaman ang init na tulad ng kanina. Pilit kong pinapakinggan ang tibok ng iyong puso. Wala. "Mahal..." Gumaralgal ang boses ko. Bigla kong naalala yung tawag mo kaninang umaga. "Sarah, may mahalaga akong sasabihin." Isang oras na mula ng magkita tayo pero hanggang ngayon ay wala ka pa ring sinasabi. Ano ba kasi ang sasabihin mo? May masakit ba sa'yo? May problema ka ba? Nag-away ba kayo ni Tito? Tanging mga iling lamang ang sagot mo. Ah, alam ko na! Magpapaliwanag ka ba tungkol dun sa kwento ng kaibigan kong si Theresa na kasama mo iyong bago ninyong trainee? Huwag kang mag-alala, Mahal, alam ko namang kaibigan mo lamang iyon.


Naramdaman ko ang iyong pagbuntong-hininga. Malalim. At naulit pa ito. Nagsimula kang magsalita. Ayaw kong makinig kaya't pumikit na lamang ako. Pilit kong sinasariwa sa aking isipan ang mga alaala nating pinakatatago ko sa kaibuturan ng aking puso. Yung araw na una tayong nagkita. Transferee ako noon sa pinapasukan mong kolehiyo at wala ni isang kakilala. Ngunit kinaibigan mo ako. Tinulungan. At minahal kita. Tanda mo pa ba, Mahal, noong binigyan mo ako ng rosas na pinitas mo mula sa bakuran ng inyong kapitbahay? Muntikan ko pa ngang mabitawan iyon dahil nahawakan ko yung tinik. Yung araw na sabay tayong gumraduate. Yung araw na natanggap ka sa inapplyan mong trabaho at nilibre mo ako ng siopao. Ikaw ang nagsilbi kong lakas ng loob noong mga panahong nare-reject ako ng mga inaapplyan kong kumpanya. At isang araw nga, umagang-umaga pa noon, ay nagmamadali akong pumunta sa bahay ninyo dahil nakatanggap ako ng job offer. Ang sarap balikan ng mga araw na iyon, Mahal. Maging yung mga araw na bigla ka na lang susulpot sa office namin para sorpresahin ako. At nitong nakaraan nga, kinuntsaba ko pa si Theresa para gawing espesyal ang iyong kaarawan. Ang saya-saya natin. Tatlong taon na tayong magkasama. At sa loob ng tatlong taon na ito ay napakarami na ng nahabi nating mga pangarap. Kaya't huwag mong sabihin ang mga salitang yan, Mahal. Alam kong naguguluhan ka lang.


Lalo kong hinigpitan ang pagkakayakap sayo. Lalo kong isinubsob ang aking mukha. Gusto kong iparamdam sa iyo na hindi ako bibitaw. Hinding-hindi kita bibitawan. Na kahit isang sako pa ng buhangin ang ipagpag sa aking mga mata ay hindi ko aalisin ang pagkakayakap ko sayo. Na kahit isang libong tinik pa ang nasa tangkay ng rosas na ibibigay mo sa akin ay hahawakan ko pa rin ito. Kakayanin ko. Ipaglalaban ko. Lahat titiisin ko basta huwag ka lang mawala.


Wala naman akong naintindihan ni isa sa mga salitang sinabi mo pero hindi ko pa rin mapigilan ang pagbagsak ng aking mga luha. Bawat patak na lumalandas sa aking pisngi ay parang blade na humihiwa sa aking puso. Pero yayakap pa rin ako sayo. Kagaya ng mahigpit na paghawak ko sa isang rosas na puno ng tinik na humihiwa sa aking palad. Kagaya ng pagpikit ko kapag napuwing ng isang sakong buhangin. Magmamanhid-manhiran ako. Magbubulag-bulagan. Sapagkat sapat na para sa akin ang mahawakan ko ang isa mong kamay. Sapagkat kuntento na ako sa iyong presensya. Na kahit wala ng init ay okay lang. Na kahit hindi na "Sa-rah, Sa-rah" ang tunog ng pagtibok ng puso mo ay papakinggan ko pa rin ito. Na kahit hindi na para sa atin ang awit ng mga ibon. Na kahit kumupas na ang mga kulay ng bahaghari sa kalangitan. Na kahit masakit ay masaya pa rin ako.


"Mahal, sabihin mong hindi mo ako iiwan."


Naramdaman kong kumilos ka upang abutin ang mga kamay kong nakakapit sa iyong likuran. Hinawakan mo ang mga ito at kinalas mula sa pagkakahugpong. Pinahid ng iyong mga daliri ang aking luha. Naramdaman kong dumampi ang iyong mga labi sa aking noo.


At saka ka tumayo.


MonologoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon