Kampana

917 5 4
                                    

Siguro, may mga bagay na talagang hindi nakalaan para sa atin.


Mabigat ang aking mga paa habang papalapit ako sayo. Tila pamilyar na sa akin ang ganitong pakiramdam. Naalala ko, ganito rin kabigat ang aking mga hakbang, limang taon na ang nakalipas, noong araw na maglakad ako papalayo sayo. Ngunit kung dati ay umiiyak ka, ngayo'y kitang-kita ko sa iyong mga mata kung gaano ka kasaya.


Dalawang taon lang, Claire. Mag-iipon lamang ako at pagkatapos ay babalikan kita upang kailanman ay hindi na tayo magkahiwalay pa.


Ipangako mong babalik ka, Kenneth. Ipangako mong ako lang. Ipangako mo, sapagkat ikaw lang sa puso ko. Ipangako mo, dahil maghihintay ako.


Pangako, mahal ko.


Marahan kong pinahid ang mga luhang namamalisbis sa iyong magandang mukha. Sa mga oras na iyon ay doon ko napatunayan kung gaano kita kamahal. Matinding sakit ang marahas na sumasakmal sa aking puso. Tila may kung anong patalim na tumatarak sa aking dibdib. Ngunit kailangan kong umalis. Upang sa gayo'y mabigyan kita ng isang mgandang buhay na tulad ng matagal ko ng pangarap. Upang sa gayon, sa aking pagbabalik ay magsasama na tayo habambuhay...


At ngayon nga'y bumalik na ako. Ngayon nga'y papalapit na ako sayo. Na hindi tulad noong huli kitang makita ng harapan, ngayon ay nakangiti ka. Nagniningning ang iyong mga mata. Tulad ng pagningning ng mga bituin sa kalangitan na magkasama nating pinapanood. Tulad ng pagkislap ng dagat sa tuwing tatama rito ang sinag ng papalubog nang araw. Masaya ka. Tulad noong mga araw na sinusundo kita o kaya'y sinusorpresa mo ako. Tulad noong mga araw na naghahabulan tayo sa tabing-dagat at pagkatapos ay matutumba sa buhanginan. Tulad noong mga araw na nakaangkas ka sa aking bisikleta at saka tayo makikipagkarerahan sa hangin. Tulad noong mga araw.


Ilang hakbang na lamang ang layo ko mula sayo nang bigla akong mapako sa aking kinatatayuan. Nais kong lumapit. Nais kitang yakapin at hagkan. Nais kong sabihing nakabalik na ako. Nais kong sabihing hindi na tayo magkakahiwalay pa. Ngunit hindi ako makagalaw. At hindi mo rin ako napapansin. Bigla akong napahawak sa aking dibdib. Ganitong-ganito ang pakiramdam noong iniwan kita. Alam ko sa aking sarili na mahal pa rin kita. Na kahit limang taon na ang nakalipas ay hindi nagbago ang aking nararamdaman. Tila tinutusok ang aking dibdib. Tila dinudurog ang aking puso. Oo, mas higit pa ang hapdi na nararanasan ko ngayon. At kung gaano kasakit ang pag-iyak mo noong umalis ako, ay ganitong sakit rin ang pagluha ko ngayon. Mas higit pa.


Bumalik na ako.


Dahil tutuparin ko ang aking pangako.


Kasalanan ko. Ang sabi ko ay dalawang taon lamang. Kasalanan ko. Dahil hindi ko kayang palampasin ang magandang oportunidad na natagpuan ko doon sa ibang bansa. Dahil naging malabis ang paghahangad ko na bigyan ka at ang mga magiging anak natin ng magandang buhay. Dahil hindi ko naisip na naiinip ka na pala sa paghihintay. Dahil hindi ko nahalata na sa tuwing kausap kita sa telepono, sa Skype, o sa Viber ay tinatabangan ka na pala ng loob. Dahil naging abala ako sa pangangarap para sa ating dalawa. Dahil binigo kita at sinira ko ang aking pangako. Kasalanan ko. Na umasa akong kahit magkalayo tayo ay laging magkarugtong ang ating mga puso. Na umasa akong kakapit ka. At nagtiwala akong maghihintay ka.


Gustong-gusto kitang lapitan. Gusto kong humingi ng tawad. Gusto kong humingi ng isa pang pagkakataon.


Hindi ko inaasahan na mapapatingin ka sa akin. Biglang nawala ang mga ngiti mo. Tila natigilan ka. Oo, hindi ko talaga ipinaalam sayo na uuwi ako dahil nais kong sorpresahin ka. Ewan ko pero parang nakita kong tumakas ang isang butil ng luha mula sa iyong mata. Siguro ay guni-guni ko lamang iyon. Ngumiti ka. At kasabay ng pagngiti mong iyon ay naramdaman kong tila nalulunod ako sa lahat ng mga masasayang alaala natin na iniingatan ko. Tila nalulunod ako sa lahat ng mga araw sa loob ng limang taon na tiniis kong hindi ka kasama. Tila nalulunod sa lahat ng mga oras na pinapanalangin kong sana ay bumilis upang mapadali ang aking pagbabalik.


Tumalikod na ako. Sapat na ang makita kita at makita mo ako. Mabigat ang aking mga paa habang naglalakad papalayo. Ganitong-ganito rin ang pakiramdam noong una akong lumisan. Hindi, mas mahirap ngayon. Dahil wala na akong pangako na binitawan at wala na ring pangako na dapat tuparin. Dahil sa aking pag-alis ay wala ng maghihintay sa aking pagbabalik. Dahil sa pagbuo ko ng mga pangarap ay wala na akong kasama.


Sana ay maging maligaya ka sa kanya higit pa sa naranasan mo sa piling ko. Sana ay ingatan ka niya ng higit pa sa pag-iingat ko.


Pinagpag ko ang mga butil ng bigas at mga talutot ng rosas ng sumabit sa aking damit. Sa kinatatayuan ko ngayon ay wala na akong ibang naririnig kundi ang pagkalampag ng kampana ng simbahan.


Siguro, may mga bagay na talagang hindi nakalaan para sa atin.


MonologoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon