Bakit Nalalaglag Ang Mga Tuyong Dahon?

586 6 2
                                    

Akala ko dahil bakasyon na ay pwedeng-pwede ng tanghaliin sa higaan. Pero nagkamali ako. Alas-sais pa lang ng umaga ay ginising na ako ni Inay upang magwalis sa aming bakuran. At heto nga ako, hawak ang bagong bili naming walis tingting at nakikipagtitigan sa mga tuyong dahong nakakalat sa lupa.


Badtrip naman! Bakit kasi hindi nyo pa ipaputol ang mga puno sa bakuran natin para wala ng nagkakalat ng mga tuyong dahon, reklamo ko kay Inay.


Puro ka reklamo pero kapag namumunga ang mga iyan ay tuwang-tuwa ka, sagot naman ni Inay habang nagpapatuka ng mga alaga niyang manok.


Hindi na ako kumibo at sinimulan na ang pagwawalis. Kung tutuusin ay hindi naman ganun kalaki ang aming bakuran. Pero habang tinititigan ko ang napakaraming mga tuyong dahon sa aking harapan, pakiramdam ko'y aabutin ako ng siyam-siyam bago makatapos. Napaisip tuloy ako. Bakit ba kasi nalalaglag ang mga tuyong dahon sa lupa?


Pumulot ako ng isang dahon at sinuri itong mabuti. Manilaw-nilaw at kulay brown ito. Medyo may kalambutan, siguro ay dahil sa magdamag intong nahamugan. Marupok at madaling mapunit. Kaiba talaga ang hitsura kumpara sa mga dahong nagkadugtong pa sa mga halaman at puno. Maya-maya'y napansin kong may dalawa o tatlong panibagong tuyong dahon na nalaglag mula sa punong guyabano. Pinulot ko ang isa at sinalat-salat ko. Medyo malutong naman ito. Napahigpit ang pagkakahawak ko rito kaya't may parte ito na nadurog.


Bakit nalalaglag ang mga tuyong dahon?


Tumalungko ako sa harapan ng punong guyabano at tinitigan ang mga berdeng dahon nito. Kapag may napansin akong dahon na gumalaw ay lalapitan ko ito upang malaman kung pano ito natatanggal mula sa sanga. Ilang sandali pa ay marahang umihip ang hangin. Ramdam ko ang napakalamig na simoy nito na humahaplos sa aking mukha. Napansin kong halos lahat ng mga dahon ay gumalaw. Na para bang nakikipagsayaw ang mga ito sa hangin. Na para bang may isang di nakikitang kamay na hinihila sila paalis sa sanga ng puno. Na para bang natutukso ang mga dahon na sumama upang makawala sa mahigpit na paghahawak sa kanila ng mga sanga.


Biglang bumalik sa dati ang paligid. Natahimik na muli ang mga dahon. Wala ni isang gumagalaw sa kanila. Nakaramdam ako ng awa para sa mga dahon. Para silang nakakulong sa puno ng guyabano at hindi maaaring umalis. Walang kalayaan. Kontrolado ang bawat kilos. Laging minamatyagan ang bawat galaw. Siguro ay nasasakal na sila. Siguro ay napakalungkot nila. Kaya pala kapag dumaraan ang hangin ay toto-bigay sila sa pag-indak sa saliw ng pag-ihip nito. Naalala ko tuloy noong nakaraang linggo nang tumakas ako sa bahay at sumama kay Alice sa sayawan sa kabilang barangay. Pakiramdam ko ng mga oras na iyon ay para akong isang ibon na unang beses na nakalipad sa himpapawid. Magdamag kaming nakipagsayawan. Lunod na lunod ako sa kaligayahan. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ako ng kalayaan. Kalayaang napakatagal ko ng inaasam. Kalayaang napakatagal ng ipinagkait sa akin. Kalayaang alam kong inaasam din ng mga dahong ito.


Umihip muli ang hangin. Sa pagkakataong ito ay mas malakas kaysa sa nauna. Ngunit marahan pa rin ang paghaplos nito sa aking mukha. Baliw na baliw ang mga dahon sa kaligayahan. Tila nagwawala ang mga ito habang nakikipag-ulayaw sa bawat hagod ng hanging nagdaraan. Napangiti ako. Ang sayang tingnan ng mga dahon. Buhay na buhay sila. Dinig ko rin ang kanilang mahinang paghalakhak na para bang pilit na pinipigilan sa takot na baka marinig sila ng puno at sila'y pagbawalan. Damang-dama ko ang kagustuhan ng bawat dahon na makalaya, na sumama sa hangin, na magpakasaya habang umiikot-ikot sa ere. Alam kong matagal na nilang pangarap ang makawala mula sa punong ito at hanapin sa ibang dako ang kanilang kapalaran. Alam kong kung mananatili pa sila sa ganitong uri ng nakakasakal na buhay ay habambuhay nila itong pagsisisihan. Alam kong kaya na nilang humayo. Alam kong may naghihintay sa kanila sa dako pa roon. Alam ko. Sapagkat ganyan din ang nararamdaman ko.


Nang tumigil ang hangin ay unti-unting natigilan ang lahat. At napansin ko ang isang dahon na dahan-dahang nalalaglag mula sa sanga. Humayo ka, Munting Dahon, at sundan mo ang landas na idinidikta ng iyong puso, ang sabi ko sa kanya. Hinintay ko na magpaikot-ikot siya sa ere at magpatuloy sa paglipad patungo sa daan ng kanyang mga pangarap. Hinintay ko na saluhin siya ng hangin na gaya noong una ay masayang nakikipaglaro sa kanya at sa mga kasama niyang dahon. Hinintay ko na marinig muli ang impit na paghalakhak niya dahil sa sobrang kaligayahan. Hinintay ko na makita kung gaano siya kasiglang umiindak sa bawat pagyapos ng hangin sa kanyang mukha.


Naghintay ako.


Ngunit, bakit hindi ito nagpapaikot-ikot? Bakit walang sumalo? Bakit wala akong marinig ni anumang tunog na nanggagaling sa kanya? Bakit tila wala itong kibo? Bakit tila patay na ito? Dahan-dahan. Pasuray-suray nang bahagya. Tahimik.


At tuluyan nang bumagsak ang dahon sa lupa.


Limang segundo bago ako nakagalaw mula sa aking pwesto. Nilapitan ko ang dahon at inilagay sa aking palad. Napansin kong hindi ito tulad ng ibang mga nalaglag na dahon. Halos berde pa ang kulay nito. May katigasan ngunit makinis ang tekstura. Sinubukan ko itong lamukusin gamit ang aking palad. Bahagyang nalukot ang mukha nito ngunit bumalik sa dating anyo at hindi tuluyang nasira. Tiningala ko iyong sanga kung saan dating nakakabit ang dahon. May mga iilan pang dahon na naiwan doon ngunit may bahagi ang sanga na hungkag na at bakante. Tiningnan kong muli ang dahon na nasa aking palad. Sa pangmalas ko ay para bang biglang gumaspang ang tekstura nito. Para bang ang kaninang berde pa niyang mukha ay unit-unti ng natuyo. Para bang ang kaninang malakas niyang katawan ay dahan-dahang naging marupok. O baka naman sa simula pa lang ay tuyo na talaga ito at mahina? Baka sa simula pa lang ay magaspang na talaga siya. Ito ba ang buhay na pinangarap mo, naitanong ko.


Bakit nga ba nalalaglag ang mga tuyong dahon? Dahil ba ito sa hangin? Dahil ba marupok ang mga tuyong dahon kaya't madali silang matangay? O di kaya nama'y nalalaglag ang mga ito dahil sila mismo ang bumibitiw? Dahil sa bugso ng emosyon kung kaya sila mismo ang nagpupumiglas?


Sayang, nagkamali ako. Akala ko noon, handa na ako. Akala ko, masaya. Nagpatangay ako. Naging marupok. Nagpumiglas. At saka bumitiw.


At kagaya ng dahong ito na nasa aking palad ay hindi na muling makakabalik sa punong aking pinanggalingan.


Nelia! Nelia! Lintek na batang ito, oo! Anong petsa na at ni hindi ka pa nakakapagsimulang magwalis, sigaw ni Inay na may dalang isang timba ng kaning-baboy.


Ay, napasarap pala ako sa pag-iimagine!


Magwawalis na po! Magwawalis na, sagot ko kay Inay at nagsimula na akong kumilos.


MonologoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon