Umalimpuyo nang muli ang musmos na liwanag
Hindi akalain na ito ay maglalagalag
Ang munting bagay na bumubuhay sakin, sa tuwina
Pagsabog ng bulkan ay siya nga itong ginagaya
Masayang isipin na ikaw ay may pakiramdam
Walang mas sasarap pa kung ito'y nasusuklian
At heto na nga, nabulag na sa katotohanan,
Balakid sa paligid ay wala nang pakialam
Kay gandang titigan ng bugso ng nararamdaman
Subalit parang ang labo, wala nang lilinaw pa
Mistulang araw na lulubog sa dalampasigan,
Ngunit uusbong muli sa bagong kinabukasan
Bulag sa kaisipang ako'y iyong sinisinta,
Palibhasa'y iyon ang iyong ipinadarama
Babad sa kaalamang tayo ay sa isa't isa
Mangyari man bukas ay puro ako 'bahala na'
Hindi malimutan ang 'yong malamyos na salita
Sa tuwing magbibitaw ng salitang nakakakaba
Tumagos ang damdaming yaon sa puso't isipan
Iyong turan sa akin ay ako ang mahalaga
Sa likod ng lahat ng matatamis na gunita,
Di naman makawala sa lungkot na nadarama
Sabi nga'y magkaakibat ang lungkot at ligaya
Sa lahat ng oras iyon ay tumatalab pala
Ang iyong ipinahihiwatig ay tunay nga ba?
At kung ang sagot mo ay 'oo', hanggang kailan naman?
Walang kasiguraduhan, at pagkakakilanlan
Parang nagtiwala sa bolong 'di ka matataga
Pag-ibig at paghanga, ano ang pagkakaiba?
Saktong kalagayan waring ako'y nalilito na
Yaong alam lang simula nung ako'y paslit pa lamang,
Ang pag-ibig ay dagat, ang paghanga ay lawa lang
Ang aking pagkagulumihanang natatamasa,
Maihahambing ko sa larangang matematika
Hindi mahalaga ang salita lamang, nais din naman ng gawa
Upos na kasagutan, ninanais nang sindihan
Sa kabila ng apoy na sumisira sa t'wina,
Hamak di alintana, tinungo pa ang lagusan
Tiwala'y mababakas hanggang ito'y malampasan,
Hanggang makamit ang tamis ng bunga ng santana
Dumating na ang araw na aking inaasahan;
Inasahan ngunit ang pagtanggap naman ay wala
Natapos na nga ang larong tayo ang nagsimula,
Ang wakas? Ikaw 'tong wagi, at ako ang talunan
Sabi na nga ba'y wala namang kasiguraduhan,
Tumungtong sa estadong wala ka nang pakialam
Heto ako naiwang lunod sa ideyang 'ikaw',
Tila nakulong sa kalangitang napakapanglaw
Sa lumipas na panahon, ako ang 'yong prinsesa,
Subalit ngayon iba na ang 'yong pinapantasya
Sa lumipas na panahon, ako ang 'yong 'pinaka',
Subalit ngayon kalagaya'y talagang wala na
Wala man lang tinuran na ikaw pala'y lilisan,
Nanatiling nakakapit sa'yong mga salita
Inaksaya ang panahon na dapat ay sakin lang,
Subalit ikaw nga ang isip-isip at alala
Oo nga pala, hindi ko kailangang masaktan,
Sa'tin ay wala naman pala akong karapatan
Hindi ba't walang pangalan, may nararamdaman lang?
Ngunit kung umasta, ay parang may paninindigan
Sa ngayo'y 'di pa rin alam, kung ano ba talaga,
Ang manipis na linyang nagbubukod sa dalawa
Paghanga at pagmamahal, anong pinagkaiba?
Sa'king naranasan, kasagutan ay 'di nalaman.
(c) chrisjdd
