Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong sakit,
Sakit na hindi ko pagmamay-ari ngunit,
laging nagpapabigat ng aking mga dalahin
Nasasaktan ako para sa kanya, para sa iyo.
Na ang tanging naiisip ko lang ay ang kalagayan mo,
ang damdamin mo.
Isinasantabi ang akin, dahil alam ko
na mas malalim ang iyong mga sugat.
Dahil alam ko,
na mas nakamamatay ang iyong pagkalumbay.
Dahil alam ko,
na mas kaya ko pang mabuhay.
At sana malaman ko,
kung ano ba ang saloobin mo,
kung ano ang mga bagay na kumakatok sayo,
na hindi ka tinitigilan hanggang sa pagtulog mo,
sa panaginip mo.
Dahil alam ko,
na nakamamatay ang iyong pagkalumbay
na mas kaya ko pang mabuhay
Sana malaman mo,
na may taong naghihintay
para sa iyong pag-iyak, sa iyong mga lamat;
na may taong nandyan,
naghihintay,
sa iyong pagbubukas
Dahil alam ko,
na ako ay naghihintay,
upang makinig sa iyong pagkalumbay.