18

3K 158 15
                                    

PRINCE

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko nang sumama ako kay Papa para mamasyal sa Tarlac. Ang alam ko lang matagal ko nang kinalimutan na may mga magulang ako simula nung iwan nila ako kay Lola. Ang totoo niyan hindi ko na sila iniisip. Bahala sila sa buhay nilang maghanap ng ibang anak.


Hindi ko rin alam kung dahil ba sa posibilidad na baka makita ko rin si Plaridel kaya ako sumama. Sa mga sulat ni Plaridel, bahagya ko siyang nakilala. Una't sa lahat hindi siya maganda, cute lang. Pangalawa, masiyahin siya. Pangatlo, makulit. Pangapat, medyo sarcastic. At panglima, mababa ang self confidence at parating nagseself pity. Pasok na pasok siya sa kategorya ng mga taong desperada sa kaibigan. (at boyfriend)


Ang pinakalatest niyang sulat ay tungkol sa ate niya at doon sa Shane na mukhang anime na first love niya. Naisip kong baka mas mabilis niyang makukuha iyong sulat na ipapadala ko sakanya pag sumama ako sa Tarlac. Balak ko pa ngang itanong kay papa kung malapit lang ba yung address na iyon kaso baka bangasan ako kasi tumatanggap ako ng sulat mula sa isang taong hindi ko naman kilala.


Hindi naman sa mayaman kami at nanganganib ang pera at mga lupain namin, hindi naman kami mayaman. Pero kasi iba parin pag may nagpapadala sayo ng sulat na hindi mo naman kilala at hindi mo pa nakikita. Malay ko bang 80 years old na pala si Plaridel na may identity issues.


Bago pa kami umalis ni Papa papuntang Tarlac gumawa na ako ng sulat para maipadala kay Plaridel. Astig nga kasi, ngayon, isang sulatan lang. Wala ng kusot kusot pa ng papel na parang sa teleserye. Swabeng isang sulatan lang tapos na. Kahit mukhang kinalaykay ng manok iyong penmanship ko.


Dear Plaridel,

Ayos naman ako. Kung susumahin mo lahat ng nangyari sa akin simula nung sumulat ka e, oo okay naman na ako. Sa totoo lang medyo nakakatulong sa pagkawindang ko sa buhay ang mga sulat mo. Wala naman akong pakialam kung hindi ka maganda. Para sa akin hindi lang naman sa ganda ng isang tao nababase ang pagkakaibigan. Oo, tama ang pagkakabasa mo. Tingin ko talaga magkaibigan na tayo.


Alam mo, swerte si Shane. Swerte siya dahil naiimagine mo siya sa mga lugar kung saan humihinto ang mundo, animated na umiihip ang hangin at biglang nagiging cherry blossoms ang mga mangga. Swerte siya dahil kahit na kaluluwa lang niya e napupunta sa mga ganung scenario ng imagination.


Ang latest na imagination ko sa crush ko e kumakain lang kami ng fishballs sa may kanto. Inisip ko tuloy, ako kaya naiimaagine mo? Kung sakali man na gusto mo akong maimagine sa napakagandang scenery sa utak mo ay tutulungan kita. Kung umaasa kang katulad mo akong cute lang, well... Hindi. Sad to say Plaridel, pero kasi, gwapo ako. Maraming nagkakacrush sa akin (maliban sa crush kong si Kat-Kat na inagaw ng magaling kong kaibigan). Sikat ako at basketball player pa. Ganun talaga minsan, may mga taong nagigising na lang na parang nasalo na nila lahat ng kagwapuhang ibinigay ng Diyos. (ehem) At mayroon ding mga taong nagigising nalang na huli na pala ang lahat, katulad ni Unibrow na ikinukwento mo.


Isa lang ang masasabi ko tungkol doon sa tadhanang napasigaw ng "Timber" siguro nga hindi para sayo si Shane. Siguro may iba pang karapat-dapat para sa iyo at hindi mo pa sila nakikilala kasi wala namang ikinakasal na elementary student. Baka meron pero sobrang konti lang.


Sabi mo nga si Shane ang epitome ni Tamahome. Anime. Isang drawing na alam kong kayang kaya mong burahin o manipulahin para magmukhang iba. Usui ganun. Since mas kamukha ko naman si Usui. Pero alam mo yun, siguro sa simula palang sanayin mo na ang sarili mo na araw araw mong makikita ang akala mong tadhana mo na ibinigay pala ng tadhana sa iba.


Alam ko brutal. Alam ko masyadong prangka. Alam kong masakit isipin na hinding hindi na talaga kayo possible ni Shane, pero lahat ng iyan lilipas rin. Pustahan tayo makakahanap ka rin ng iba.


Oo nga pala. Kanina sa art class pinagdrawing din kami ng teacher namin. Napuri rin ako. Iyong drawing ko? Isang babaeng pilit itinatayo iyong cherry blossom na nachainsaw ng tadhana.


May nakasulat pa sa ilalim ng paper ko na "astig" instead of stars. (pambata yung stars e.)


-Kung Sino Man Ako.


Maaga kaming umalis ni Papa sa Maynila papuntang Tarlac, bulsa bulsa ko parin iyong sulat ko para kay Plaridel. Desidido talaga akong ibigay yun sakanya. Promise talaga susulatan ko na siya! Magiging magkaibigan kami at tutulungan ko siyang tumaas ang self confidence niya.


Nang makarating kami sa Tarlac, nanlumo ako kasi ang laki pala. Paano ko naman hahanapin si Plaridel dito. Pati nakalimutan ko iyong mga sulat niya sa akin kaya hindi ko alam kung anong address ko ipapadala iyon sa post office. Tapos hindi ko pa alam kung ano iyong pangalan niya, wala. Lahat ng pinaglaanan kong oras para sumulat sa kanya e nabalewala narin.


Talino mo kasi Prince! Gwapo ka na nga, ang talino mo pa. Paano mo niyan mababayaran lahat ng mga sakripisyong ginawa para sa iyo ni Plaridel?


Kasalukuyan kong sinisipa ang sarili ko sa isip ko nang may marinig akong dalawang babaeng parang mistulang nagsisigawan sa bahay nila.


"Hoy! Lindsey saan ka nanaman pupunta??!" sigaw ng isang babaeng sobrang ganda. As in ang ganda niya. Kung hindi lang siya mukhang high school student e malamang nagpakilala na ako.


"Ipapadala ko lang itong sulat ko!" sigaw naman nung batang kausap niya. Hindi ko na siya tinignan kasi hanggang ngayon starstruck parin ako sa ganda nung isang babaeng nagsasalita.


"Hindi ka pa ba nadala? Hindi ka na nga sinusulatan niyang si Prince Bookshop na yan, susulatan mo parin?"


Doon ako napatigil. Prince Bookshop? Unti unting parang lumiit ang mundo ko. Lumingon ako sa may sign kung saan ako bumaba galing sa kotse ni Papa. PLARIDEL CORNER.


Tumaas ang balahibo ko habang slow motion na nahanap ng mata ko iyong kausap ng magandang babaeng halos ilang hakbang lang ang layo mula sa akin.


"Okay lang Ate Lissy, malakas ang pakiramdam kong susulat rin siya."


At doon ko na siya nakita. Kayumanggi. Maliit. Medyo chubby. Malalaki at magaganda ang mga mata. Katamtaman ang tangos ng ilong. Maganda kung ngumiti at may dimples. Gulo-gulo, dikit-dikit at tikwas-tikwas ang buhok kasi parang ang tagal na niyang nakatayo sa araw.


Pinagmasdan ko siyang naglakad na may patalon talon pa na parang alam niyang kinabukasan susulat na nga sa wakas si Prince Bookshop.


Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Ang alam ko lang sa mga oras na iyon nakita ko ang hindi ko inaasahang makikita ko pala si Plaridel.


Teka.


Ano na kasi yung sinabi ng Ate Lissy niya na pangalan niya??


Linda?

Isang Milyong Sulat 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon