- vi -

379 21 1
                                    





Nang makarating sa pangalawang isla ang bata at paruparo ay hindi nila nahanap si Luna. Bagkus ay binati sila ng nakakapasong araw at tahimik na burol.

Sumilong ang dalawa sa isang puno na malamlam at hinintay ang gabi kung kailan lumamig ang hangin. Nakatulog ang dalawa nang wala talagang taong nagpakita.

Ngunit pagsapit ng hatinggabi ay narinig nila ang isang matamis na awit sa pampang.

Isang sirena ang kanilang natagpuan.

"Sino kayo at anong ginagawa niyo rito sa aking Isla?" tanong ng sirena.

"Hinahanap namin ang isang prinsesang nagngangalang Luna."

Umiling ang sirena. "Ah, siya'y aking preso sa ilalim ng dagat. Pagmamay-ari ko na ang babaeng iyon. Ano ang pakay niyo sa kanya?"

"Nais namin siyang palayain," sagot ng bata na umani ng tawa mula sa sirena.

"Hindi maaari. Kailangan ko ang mga binti ng babaeng iyon upang ariing sa'kin. Matagal ko nang pangarap na magkaroon ng mga paa. Kaya lang ay wala akong pamputol at ayokong madungisan ang aking mga kamay ng dugo."

Ngumiti ang bata. "Kung gayon, maaari bang makuha namin ang katawan ng Prinsesa pagkatapos mong makuha ang mga binti?"

"Payag ako, ngunit alas! Wala akong kagamitan."

Tumuro ang bata sa tuktok ng burol. "Mayroong lagari sa tuktok ng burol na iyon-- ngunit ako'y isang bata at hindi ko magawang kunin ito sa pagkakabaon sa lupa. Maaari mo bang kunin iyon nang maputol ko na ang binti ng prinsesa?"

Nang marinig ito ng agila na nakikinig sa isang puno ay agad itong lumipad upang i-sabotahe ang plano ng bata.

Agad ding gumapang ang sirena palayo sa pampang paakyat ng burol. Nang mawala ang sirena sa kanyang paningin, kinuha ng bata ang babasaging lalagyan ng paruparo at pinalaya siya.

"Dito ka lang, sisisirin ko ang prinsesa at ibabalik dito."

At iyon nga ang kanyang ginawa. Ginamit niya ang lalagyan upang makahinga at pagkatapos ng mahabang pagsisid ay natagpuan niya ang prinsesang puno ng lumot.

Magbubukang liwayway na nang makarating sila sa pampang. Suminghap si Luna at nabuhayan ng diwa.

Habang ang sirena naman ay walang kaalam-alam na nakarating sa tuktok kung saan nakita niya ang litong-lito na agila.

"Anong hinahanap mo?" tanong niya sa agila.

"Walang lagari rito," inis na sabi ng agila. "Isa lang itong malaking biro!"

Napuno ng galit ang sirena at akmang babalik na sa pampang nang tuluyang sumikat ang araw. Nasunog ang kanyang balat at naging bato.

At doon, sa tuktok ng burol, nanatiling nakatayo ang estatwa ng sirena habambuhay.


✥-------------------✥-------------------✥

✥-------------------✥-------------------✥

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Paraisla III: ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon