- v -

427 27 5
                                    




Naglakbay ang matalinong bata kasama ng itim na paruparo tungo sa isang isla kung saan ipinadala si Prinsesa Dana.

Hindi nila alintana na nakasunod sa kanila ang espiyang agila ng ampon.

Nang makarating sila sa isla ay nakita nila ang kubang prinsesa-- malayong malayo sa matamis na imahe nito noon-- na nagbubungkal ng lupa.

Napansin ng bata ang isang bulaklak na nakausbong sa balat ng batok ng prinsesa. May bibig ito na puno ng matatalas na ngipin; ang kulay ng talulot ay lantang dilaw.

Nahintakutan ang paruparo sa loob ng kanyang lalagyan. "Ano iyon?"

"Ako ang tagabantay ng prinsesa," natatawang sagot ng bulaklak sa kanya na tila narinig ang kanyang bulong. "Kapag tumigil siya sa pagbubungkal ng lupa at pagtatanim ay kakainin ko ng buo ang kanyang ulo."

At doon na napagmasdan nang maayos ng bata-- ang bulaklak na iyon ay nakapaloob sa katawan ng prinsesa, sa kanyang gulugod, at ito ang dahilan kung bakit baluktot ang likod ni Dana.

Wala rin sa huwisyo ang prinsesa, bakante ang mga mata nito at tanging sa lupa lang ang tingin.

Tiningnan ng bata ang tuyong lupang binubungkal. "Ngunit nasaan ang mga bunga ng kanyang tinanim?"

"Walang bunga ang kanyang mga tinatanim," marahas na sagot ng bulaklak. "Kung meron man ay hindi ako natutuwa rito."

Nag-isip ang matalinong bata. "Nais ko siyang tulungan. Kung magagawa ba naming makapagtanim ng halaman na ikatutuwa mo ay palalayain mo na siya?"

Ipinakita ng bulaklak ang matatalas niyang ngipin. "Payag ako. Iyon ay kung magagawa niyo."

At tumawa nang tumawa ang bulaklak.

Pinakawalan ng bata ang itim na paruparo sa kanyang lalagyan. "Humayo ka at kumuha ng pinakamagandang binhi na ating itatanim."

At iyon nga ang ginawa nito.

Sumapit ang dapithapon at isang napakagandang binhi ang nakuha ng paruparo.

"Magaling," sabi ng bata at saka ito itinanim sa lupa, diniligan at dinasalan.

Nang lumubog ang araw ay napagpasiyahan nilang lahat na mamahinga sa isang kubo.

Iyon na ang nakitang pagkakataon ng agila. Agad siyang lumipad mula sa isang sanga, at gamit ng tuka ay ninakaw niya ang binhi sa ilalim ng lupa at ito'y nilunok.

Kinabukasan, nakita ng bata at ng bulaklak ang nahukay na lupa. Walang halaman na umusbong mula rito. "Paano? Wala kayong naging bunga! Hindi makakalaya ang prinsesang ito!"

Ngumiti ang matalinong bata. "Paumanhin, ngunit hindi ang binhing tinanim namin ang nais kong ipakita sa'yo."

"Ano ang ibig mong sabihin?" takang tanong ng bulaklak.

At doon, diniligan ng bata ang bulaklak na nasa batok ni Dana. Pagkatapos ay sumiil ng halik sa kanyang talulot.

Dahil rito ay nag-iba ang itsura ng bulaklak-- naging matingkad ang kulay niya at nawala ang kanyang mga nakakatakot ng ngipin.

Itinapat ng bata ang isang salamin sa bulaklak at nakita nito ang kanyang repleksyon.

"Iyan ang halamang bunga namin. Bunga mula sa pagmamahal," sabi ng bata. "Kayganda, hindi ba?"

Tumulo ang luha ng bulaklak at unti-unti siyang umalis sa pagkakapulupot sa likod ni Dana.

Nang mahawakan siya ng Prinsesa ay itinanim nito ang bulaklak sa lupa kung saan habambuhay itong mananatili roon.

"Salamat. Ako'y malaya na dahil sa iyo," ngiti ni Dana.

"Walang anuman. Ako'y ipinadala rito ng kapatid niyong si Para."

Nagsalita ang paruparo. "Ngunit para saan ang binhing itinanim natin?"

Bumulong ang bata sa kanya, napakahina.

". . . Nahuli ko na ang espiya."


✥-------------------✥-------------------✥

"✥-------------------✥-------------------✥

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Paraisla III: ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon