- 2 -

635 32 1
                                    




✥-------------------✥-------------------✥

e u f y

✥-------------------✥-------------------✥



"Ano sa tingin mo ang ginawa mo!?" tanong ni Pinunong Rowan, mahigpit akong hawak sa mga balikat. Nangilid ang luha ko sa takot, sa kaba, sa inis. Ginawa ko lang ang sa tingin ko'y tama pero-- "Hindi mo alam ang ginawa mo."

Hinarap niya ang mga dayuhan sa loob ng silid at pinalabas sila.

Tiningnan ko ang Hari na nakaupo sa sopa. Nakasulat sa kanyang mukha ang kabiguan.

"Patawad," bulong ko sa lahat. "Patawarin niyo ako."

Walang nagsalita sa kanilang tatlo. Sa labas ay rinig ko ang pagulit-ulit ng aking pangalan. Tila ba isa akong santo na kanilang tinatawag. Nangiwi ako.

"Binigyan mo sila ng pag-asa sa isang bagay na hindi mangyayari," pagod na wika ng Hari.

"Pero bakit? Bakit hindi iyon maaaring mangyari?" desperado kong tanong. "Hindi niyo po ba sila nakita? Naghihirap na ang inyong mga nasasakupan dahil sa mataas na buwis na inyong kinukuha!"

Matalim akong tiningnan ng Hari. "Wala kang nalalaman sa mga desisyon ko."

Umupo ako sa harap niya. "Kung ganon, sabihin niyo sa'kin." Tiningnan lang niya ako. "Pakiusap, Kamahalan. Nais kong tumulong at nais kong magamit ang lahat ng aking natutunan. Ayoko nang tumayo lang sa gilid at makinig na walang magawa."

Nagtinginan nang makahulugan ang Hari at Pinuno. Nang magsalita ang Hari ay may pag-aalangan sa kanyang boses. "Hindi ko alam kung may magagawa ang pagsasabi nito sa'yo, ngunit mapapagkatiwalaan ba kita?"

Yumuko ako. "Buong puso, Kamahalan."

Nagsimula siya. "Noong nagsisimulang muli ang palasyo, bumuo ako ng Konseho na pinangunahan ng ama-amahan kong si Val."

Naalala ko ang pangalang iyon sa mga libro ko ng kasaysayan. Siya ang unang Pinuno ng Konseho.

"At dahil malaki ang kailangang tulong upang maisaayos ang kaharian, nangutang kami sa Meriga--" ang dayuhang bansa sa Silangan na pinaggalingan ni amang Adam. "Isinaayos namin ang kaharian, at sa mabuting kalooban ng mga Merigan ay kinalimutan na nila ang aming utang para sa isang alyansa."

Saglit siyang tumigil.

". . .Ngunit lingid sa aming kaalaman, nilapitan na si Val ng Khragnas para sa isang delikadong proposisyon."

Khragnas. Ang dayuhang bansang isla sa Norte na kasapi ng mas malaking emperyo, ang emperyong Augustine. Sa Khragnas din nanggaling ang mga maiitim na dayuhan tulad ng kanina.

Kumunot ang noo ng Hari sa pag-alala. "Ang hiling na alyansa ng Meriga ay dahil sa tensyon sa pagitan nila at ng Khragnas. Natatakot ang mga Merigan na sakupin sila ng emperyo kaya iyon ang naging kapalit ng utang namin-- ang tulungan sila sa tsansang magdeklara ng digmaan ang Khragnas sa kanila."

Paraisla III: ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon