Prologo III
Nakatagong katotohanan, nabuklat na lihim
Pagkatao at nakaraa'y kailangang tanggapin
Ngunit mga tao sa paligid, masama ang iniisip at tingin.
Kabutihan niya sa puso, kapayapaan lamang ang hinihiling
Mga kasamahan, ano mang mangyari'y hindi siya iiwan
Bunga ng pagkakaibigang labis niyang pinangalagaan
Ngunit hindi ipinapakita, sikretong puso niyang luhaan
Patatahanin, mga luhang buburahin, para sa kanya'y sila'y nariyan
Sa bagong misyon na nararapat gawin
Kapangyarihang taglay, kailangan muling buuin
Tanging paraa'y ang nagdungis, kailangang harapin
Kitilan ng buhay, kailangang paslangin
Mapagtatagumpayan kaya o sila'y mabibigo?
Naghihintay na sa kanila'y mas malaking dagok at gulo
Mas maraming tatangis, maraming tilamsik ng dugo
Sa huli, lahat ay kailangang gawin nang kabutiha'y hindi gumuho
Hemira III 1 - Bahagi ng Nakaraan
~Hemira~"Lola, nasaan po ba ang aking ama't ina? Bakit po hindi natin sila kasama? Iniwan po ba nila ako sa inyo dahil ayaw nila sa akin? Saka po, bakit tayo rito naninirahan sa liblib na kabundukang ito at hindi sa ibaba na maraming mga taong katulad natin at magagandang mga lugar?" sunod-sunod na tanong ko sa aking lola na si Lola Thelia. Nakasunod lamang ako sa kanya habang naglalakad siya at nagdidilig ng mga halamang pinagkahirapan naming itanim nitong nakaraang linggo lamang.
Naririto kami ngayon sa hardin ng aming bahay at napakaraming mga halaman ang napakaganda at marami na ring bunga.Tumigil siya sa kanyang ginagawa at humarap sa akin na may ngiti sa mga labi ngunit nababasa ko naman sa kanyang mga mata na tila nag-aalala siya para sa akin.
Yumukod siya nang kaunti upang mapantayan ang ako kahit papaano. "Apo, dito tayo nakatira sapagkat mas maganda ang lugar na ito kaysa sa ibaba. Makakapamuhay tayo nang tahimik dito at walang manggugulo sa atin. Tungkol naman sa iyong ama't ina. Hindi totoo na iniwan ka nila dahil nais nila."
Nausisa ako sa kanyang tinuran. "Ano po ba talaga ang dahilan kung bakit hindi natin sila kasama?"
Napahinga siya nang malalim at inilapag muna sa lupa ang hawak niyang pandilig saka hinawakan ako sa aking ulo. "Apo, sa tingin ko ay ito na ang tamang panahon na sabihin ko sa iyo ang mga bagay na kailangan mong malaman. Sampung taon ka na kaya paniguradong nagsisimula nang maglaro sa isipan mo ang mga tanong na iyan ngunit sa tingin ko ay dati mo pa iyan nais itanong ngunit ngayon ka lamang nagkalakas ng loob upang itanong iyan, tama ba?"
Tumango-tango naman ako.
Isang malalim na paghinga muli ang kanyang napakawalan. "Apo, ang totoo ay hindi ka nila iniwan dahil nais nila. Ako ang may gawa kung bakit..." Tila nahihirapan siyang sabihin ang mga susunod na salita na kailangang lumabas mula sa kanyang bibig. Napakuyom pa ang kanyang isang kamao.
"Ikaw po ang may gawa ng ano?" tanong kong muli.
Umiling-iling siya na tila nahihirapan talagang sabihin sa akin ang totoo at inalis na ang kamay sa aking ulo. "Hindi... Kalimutan mo na ang aking sinabing iyon." Umiwas na siya ng tingin sa akin.
BINABASA MO ANG
Hemira, Huling Yugto [VOLUME 3]
AdventurePUBLISHED UNDER DREAME Huling Yugto ang libro na ito ng Hemira. Ang unang libro ay Hemira, Anim na mga kasamahan. Ang pangalawa naman, Hemira, Kadiliman. Click n'yo na lang 'yung pen name ko para makapunta kayo sa profile ko at hanapin doon ang u...