Hemira III 2 - Kanilang Pangako
~Tagapagsalaysay~
"Nahahangal ka na ba Sueret?! Bakit mo isinigaw sa harap ng mga tagaTeban na si Hemira ang tunay na nagmamay-ari sa regnum? Ano ang iyong naging patunay at basehan sa kahangalan mong iyon?! Naroroon pa man din ang prinsesa at ang mahal na hari!" gitil na sigaw ni Remus kay Sueret. Nanlalaki pa ang mga butas ng ilong nito at namumula ang mukha sa labis na galit.
Nasa labas sila ng silid ng hari at kanina pa niya tinatalakan si Sueret dahil sa sinabi nito sa bayan ng Teban tungkol kay Hemira at sa regnum. Hindi nila kasama ang hari dahil inihatid muna nito si Ceres sa silid nito dahil paniguradong labis na nabigla ang prinsesa sa ibinunyag ni Sueret.
Seryoso lamang ang pinuno ng mga maheya. "Kung hindi mo lamang sana ako pinigilan sa Teban ay nasabi ko na ang mga detalye ng katotohanang aking natuklasan Remus. Isa pa'y ang bayang iyon ang nararapat na pinakamakaalam dahil iyon ang pinakanasalakay sa lahat ng bayan dito sa ating kaharian. Marami sa kanila ang nakasaksi sa ilang beses nang pagsalakay sa atin at kung malalaman lamang sana nila ang katotohanan sa kapangyarihang regnum ay hindi na nila ibubunton ang kanilang poot kay Hem-prinsesa Hemira."
Nanlaki naman ang mga mata ni Remus na tila luluwa na iyon sa hindi pagkapaniwala. "A-anong tawag mo kay Hemira? Prinsesa?!" Napatawa ito na tila nang-uuyam. "Tinakasan ka na talaga ng iyong bait sa iyong lubos na pagnanais na sa iyo mapunta ang pabor ng hari!"
Hindi naman nabago ang seryosong ekspresyon ni Sueret. "Batid mo sa ating dalawa kung sino ang pinakanagnanais na mabalingan ng atensyon ng hari."
Mas lalo namang puminta ang pagkapika sa mukha nito.
"Ginoo, mawalang galang na po ngunit maaari ko ba kayong makausap?" tanong ng isang babae kaya napatingin sila roon.
Ang binibining si Pamela iyon na kasama ni Sueret sa pagbalik nito sa palasyo at may hawak itong mansanas na puro kagat na.
"Sino ka naman upang basta-basta na lamang makisingit sa aming usapan?" masungit na tanong ni Remus dito.
Yumuko naman ito nang kaunti sa kaniya sabay kagat sa mansanas na hawak nito. Inangat na rin kaagad nito ang tingin. "Ako po shi Pamela at isha po akong tagapagbili ng pinakalumang mga libro sha kaharian." Ngumunguya pa ito at nagtatalsikan pa ang ilang piraso ng mansanas na nginunguya nito sa kaniya.
Naasiwa naman siya dahil doon at mayroon pang tumalsik sa kaniyang pisngi na maliit na piraso. Nandidiri niya namang pinitik paalis iyon sa kaniyang mukha. "Isa kang binibini ngunit hindi ba naituro sa iyo na huwag kang magsasalita na mayroong laman ang iyong bibig? Mukha ka pa namang galing sa isang mataas na pamilya!" sermon niya rito.
Patuloy lamang ito sa pagkain sa prutas na hawak nito na tila walang narinig.
Binalingan siyang muli ni Sueret. "Sa kaniya ko nakuha ang katapusang pahina ng kwentong 'Alamat ng Regnum' at iyon ang naging basehan ko upang sabihin sa bayan ng Teban na si Hemira ang tunay na nagmamay-ari ng kapangyarihang iyon," wika nito at ipinakita pa sa kaniya ang papel na hawak.
Nangunot naman ang kaniyang noo at kukunin na sana iyon mula rito ngunit narinig nila ang isang papalapit na yabag. Napatingin silang tatlo sa pinanggagalingan niyon at nasilayan nila ang paparating na si haring Herman.
Agad naman silang napayuko miski na si Pamela.
"Magusap-usap tayo sa loob," anito na seryosong-seryoso ang tinig.
Pinagbuksan naman ito ni Sueret ng pinto at pumasok na ito sa silid.
Nagsisimula nang pumintig ang puso ni Remus sa kaba at pumasok na rin siya ngunit si Sueret nama'y walang mababakas na kahit anong emosyon sa mukha. Pumasok na rin ito kasunod si Pamela na hindi pa rin tumitigil sa pagkain.
BINABASA MO ANG
Hemira, Huling Yugto [VOLUME 3]
AdventurePUBLISHED UNDER DREAME Huling Yugto ang libro na ito ng Hemira. Ang unang libro ay Hemira, Anim na mga kasamahan. Ang pangalawa naman, Hemira, Kadiliman. Click n'yo na lang 'yung pen name ko para makapunta kayo sa profile ko at hanapin doon ang u...