Hemira III 4 - Reyna Devora

2.7K 112 18
                                    

~~~Tagapagsalaysay~~~

Sunod-sunod na luha ang pumatak mula sa mga mata ni Herman matapos makita ang nilalaman ng alaala ni Devora. Nakatulala siya roon at hindi magawang makagalaw dahil tila napako na siya sa kanyang kinatatayuan.

Wala ring makaimik kina Sueret at Remus.

Labis na nakabibigla para sa kanilang lahat ang kanilang nalaman sapagkat lubos na hindi inaasahan iyon.

"Si Hemira talaga ang tunay na prinsesa? Ngunit..." Hindi na itinuloy ni Remus ang sasabihin kahit nais niya pa ring tumutol.

"Kaya pala... noong una kaming magkita ng batang iyon... Ang kanyang mga mata... Tila nananalamin ako sa kanyang mga mata dahil kaparehas iyon ng akin. Ni hindi ko rin makaya na ipapaslang siya bilang kaparusahan kahit na ipinilit mo sa akin iyon, Remus... Iyon pala ay... dahil siya ang tunay naming anak ni Devora... Lukso pala iyon ng dugo." wala sa sariling sabi ng hari.

Nabigla sila nang biglang bumukas ang pinto at napatingin silang lahat doon nang sabay-sabay.

Napasinghap sila miski na si Herman nang makita ang taong naroroon at nagbukas niyon.

May mga kasama itong mga babaeng tagapagsilbi at tila narinig nito ang lahat ng kanilang usapan kaya hindi na napigilan ang sarili at binuksan na ang pinto.

"D-Devora..." bigkas ni Herman ng pangalan ng taong iyon at dahil sa pagkabigla ay nabitawan niya ang hawak niyang alaala nito.

Nabasag iyon sa sahig at ang usok niyon ay pumunta rito hanggang sa pumasok iyon sa ulo nito.

Unti-unting nanlaki ang mga mata nito na tila mayroong nabatid na isang napakahalagang bagay at ilang sandali lamang ay nag-uunahan na ang mga luha nito na mangilid sa pisngi nito.

Nanlalaki ang mga mata nito. "Herman... A-ang ating prinsesa..." Tila hindi na ito makahinga sa labis na pagdagsa rito ng mga emosyon. "S-si Hemira... Siya ang..." Doon ay bigla na lamang itong napapikit at tinakasan ng malay saka napahiga sa sahig.

"Devora!/Mahal na reyna!" gimbal na sigaw nila at agad na nilapitan ito nang may pagkahangos.

Isinandal kaagad ito ni Herman sa kanyang dibdib at nilulukod na ng labis na pag-aalala ang kanyang dibdib. "Devora! Aking reyna! Gumising ka!" Tinapik niya nang mahina ang pisngi nito ngunit hindi ito nagmumulat.

Agad niyang tiningnan sila Remus.

"Remus! Magpadala kaagad kayo ng manggagamot sa kanyang silid kung saan ko siya dadalhin!" utos niya rito.

May pagkagulumi man ay mabilis itong tumango at lumabas kaagad ng silid na iyon upang tumawag ng manggagamot.

Binuhat niya na kaagad si Devora at dadalhin niya na ito sa silid nito. Nakasunod naman sa kanya ang mga nag-aalala ring sina Sueret at Pamela.

Ang tagapagsilbi nama'y naiwan na roon at tanging paghiling na lamang na walang masamang mangyari sa reyna ang nagawa nito.

*---***---*

Nang magising si Hemira at umupo mula sa pagkakahiga ay kaagad na napansin iyon ng nagbabantay sa kanyang si Fedor. Nasa may bintana lamang ito kanina at nagmumuni habang hinihintay na magising siya at ngayong nangyari na nga ay nanlaki ang mga mata nito at napasinghap pa habang nakatingin sa kanya.

Napatingin naman siya rito. "Fedor..." tawag niya rito. Doon niya rin natanto na siya'y nasa isang silid ng palasyo ng Gemuria dahil naririto ito.

Tila ba nakakita ito ng multo mula sa kanya dahil sa panlalaki ng mga mata nito kaya labis siyang nagtaka ngunit kaagad itong tumakbo papunta sa may pinto at nagmamadaling binuksan iyon. "Mga kasama! Nagising na si Heneral Hemira! Nagising na siya!" pagsisigaw nito mula sa labas na puno ng pananabik.

Hemira, Huling Yugto [VOLUME 3]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon