Hemira III 3 - Rebelasyon

2.8K 113 28
                                    

Hemira III 3 - Rebelasyon
~Tagapagsalaysay~

Nang matapos basahin ni Sueret ang laman ng papel na hawak niya ay namayani ang katahimikan sa kanilang apat.

Tanging ang matunog na pagnguya lamang ni Pamela ng mansanas ang maririnig sa loob ng silid kung nasaan sila.

"Kung ganoon ay totoo ang sinabi sa akin ng aking ama na ang buong regnum ang naipapasa sa aming lahi at hindi lamang ang kalahati niyon na Yang?" ngunot ang noong tanong ni Herman kina Sueret.

"Ganoon na nga po, kamahalan. Ang katapusan na ng kwento ang nagsaad niyon na ang pagmamay-ari ninyong mga Primum ay ang buong regnum," ani Sueret na walang mababakas na emosyon sa mukha.

Idinuro naman ni Remus ang papel na hawak niya. "Ngunit iyan ba talaga ang huling pahina ng librong iyon? Baka naman hindi tunay iyan at kung saan-saan mo lamang nakuha iyan," wika nito na may pagdududa.

Nagtaas naman ng kamay si Pamela kaya naagaw niya ang atensyon ni Remus pati na ni Herman. "Ako po ang makapagpapatunay na ang pahinang iyan ay bahagi ng librong iyon sapagkat ako ang nagmana ng aming taberna ng mga libro kung saan natagpuan iyan ni Ginoong Sueret,"

Napataas ang isang kilay sa kanya ni Remus. "Anong pagpapatunay naman ang iyong sinasabi?"

Ibinaba na niya ang kanyang kamay. "Ang mga libro po sa aming taberna ay pagkaluluma na at talaga namang pinagkaingatan ng aming lahi upang umabot sa henerasyong ito. Iyon po ang aming pinagkakakitaan at higit pa ay minamahal namin ang mga librong may historya at nakaraan. Halimbawa na ang pahinang iyan. Napakalaking katotohanan pala ang nasasaad diyan kaya naman lubos kong ipinagmamalaki ang aming lahi na pinanatiling nabubuhay ang pahinang iyan hanggang ngayon na mukhang malaking tulong ang naibigay sa inyo."

"Naniniwala ako sa iyo, binibini," sabi ni Herman kaya napabaling naman sa kanya ang tingin ng tatlo. "Ngunit ang labis kong ipinagtataka ay bakit na kay Hemira ang kapangyarihan ng regnum ganoong si Ceres naman ang aking anak. Isa pa'y nasaksihan natin kung paano lumabas mula kay Ceres ang dragon ng Yang kaya paanong nagkaganoon?" Napahawak pa siya sa kanyang baba at labis na napapaisip.

Halata namang hindi nagustuhan ni Remus na napapaisip siya nang ganoon. "Mahal na hari, baka naman po isang alamat lamang talaga ang kwentong iyan at walang katotohanan. Baka naman ang una nating nabuong mga pangyayari na si Hemira ang nakakamit sa kanyang henerasyon ng Yin at si prinsesa Ceres naman sa inyong henerasyon ng Yang ang totoo. Masyado nang malayo sa katotohanan ang lahat kapag inisip nating na kay Hemira talaga ang buong regnum. Hindi na kapani-paniwala iyon." Labis na pagtutol ang mahihimig sa tinig nito.

Tila natigilan naman si Herman at nanlaki ang mga matang napatingin kay Sueret.

Nangunot naman ang noo nito dahil sa bigla na lamang niyang pagkakaganoon.

"Bakit po, haring Herman?" tanong ni Sueret sa kanya.

"Ngayon na naalala ko, noong lumabas kay Ceres ang dragon ng Yang, naroroon si Hemira at nasa iisang pwesto lamang sila. Hindi kaya..." Hindi na nito tinuloy ang sasabihin at nanlalaki pa rin ang mga mata.

"Huwag mong sabihin kamahalan na iniisip mo talagang kay Hemira nagmula ang dragong iyon imbis na sa iyong prinsesa." hindi napigilang komento ni Remus.

Biglang mayroong kumatok kaya sabay-sabay silang napabaling ng tingin sa may malaking pintuan.

"Mahal na hari, isa po akong tagapagsilbi ng ating kaharian at nalaman ko pong naririto sa inyong silid si Ginoong Sueret. May napakahalagang bagay po akong nais sabihin sa kanya kaya po ako naglakas loob na kumatok sa inyong pintuan." magalang na wika ng isang lalaki mula sa labas niyon.

Hemira, Huling Yugto [VOLUME 3]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon