~~~Tagapagsalaysay~~~
Labis na hindi makapaniwala si Hemira dahil sa isiniwalat ni Devora sa kanya na ito at si Herman ang kanyang tunay na mga magulang.
Kung gaano kabigla-bigla para kina Herman ang tungkol sa bagay na iyon ay triple ang pagkabigla niyon sa kanya o mas higit pa.
Ni hindi magawang mahinuha ng kanyang isipan ang sinabi nito.
Miski na ang mga naroroon na mga mandirigma pati na ang mga lumabas kanina, mga kasamang tagapagsilbi ng reyna, sina Abun at Fedor, sina Eugene, Kirion at Serafina ay labis ding hindi makapaniwala sa narinig na sinabi ng reyna.
"N-ngunit ang sabi ng aking lola Thelia ay... patay na ang aking mga magulang..." nasabi na lamang niya.
"Hindi totoo iyon, Hemira... Narinig ko mula kina Herman ang lahat... Na sinabi niya lamang iyon upang protektahan ka ngunit sana'y maniwala ka na kami talaga ang iyong tunay na mga magulang. Ikaw ang aming prinsesa na matagal na nailayo sa amin..." umiiyak nitong sabi habang diretsong nakatingin sa kanyang mga mata.
"Hindi po ba't si prinsesa Ceres ang inyong prinses—"
Biglang mayroong pumasok muli at si Herman iyon na humahangos din. Napatingin siya rito at si Devora nama'y hindi naalis ang tingin sa kanya.
Nang makita sila nito ay halatang natanto na nito na nasabi na sa kanya ni Devora ang katotohanan.
Niyakap siyang muli ni Devora at muling umiyak habang siya'y yakap-yakap. "Patawad anak dahil wala kami sa mga oras na dumaranas ka ng paghihirap at pagdurusa... Hindi ko magawang maisip na ika'y nag-iisa lamang na hinarap ang ganoong mga pasakit sa buhay... Pinagmalupitan ka ng ibang mga tao at ginawaan ng masasama ngunit wala man lamang kaming nagawa sa mga bagay na iyon kahit kami pa'y mga hari at reyna... Kung alam lamang sana talaga namin... Kung batid lamang talaga sana namin ang katotohanan..." humikbi pa ito sa labis na mga emosyon na dinaramdam nito. "Patawad talaga, Hemira... Patawad, anak ko..." Humigpit ang yakap nito sa kanya na tila ayaw na siya nitong bitiwan pa.
Nakita niya na rin ang pangingilid ng luha ng hari na dumagdag pa sa mga bagong naranasan niya ngayong araw na hindi niya inaasahan.
Naglakad ito palapit sa kanila saka napaluhod din at sila'y niyakap na dalawa.
Hindi na siya nakaimik pa, bagkus ay unti-unti nang nangilid din ang kanyang mga luha na hindi niya nalalaman.
Kahit na hindi pa malinaw sa kanya ang lahat, ramdam na ramdam niya na ang pananabik sa kanya ng dalawang taong kayakap niya ngayon at kakaiba ang kanyang nararamdaman. Iba iyon mula sa nararamdaman niya mula sa kanyang mga kaibigan, mula kay Yohan at mula sa mga taong malalapit ang loob sa kanya.
Tila ba ang pakiramdam na iyon ay katulad ng nararamdaman niya sa kanyang Lola Thelia. Pangpamilya na napakatagal na panahon ding hindi nabuhay sa kanya simula nang pumanaw ito.
Dahil sa kanilang tagpong iyon ay nagsilabasan na ang lahat upang bigyan sila ng oras na tatlo para sa isa't isa.
Tuliro rin sina Eugene dahil sa mga nalaman.
"Si Hemira ang tunay na prinsesa ng Gemuria?" wala sa sariling tanong ni Kirion.
Ganoon din ang nababakas na tanong sa mukha ng iba pa.
Subalit dahil nakakumpol silang lahat sa labas ng silid na iyon at ang kanilang atensyon ay ang nangyayari sa loob, hindi nila napansin ang isang taong nakarinig din ng lahat ng bagay mula sa loob malapit lamang sa kanila.
Isang taong nabasag naman ang puso dahil sa naisiwalat na katotohanang iyon.
Si Ceres iyon at labis din siyang nabigla.
BINABASA MO ANG
Hemira, Huling Yugto [VOLUME 3]
AdventurePUBLISHED UNDER DREAME Huling Yugto ang libro na ito ng Hemira. Ang unang libro ay Hemira, Anim na mga kasamahan. Ang pangalawa naman, Hemira, Kadiliman. Click n'yo na lang 'yung pen name ko para makapunta kayo sa profile ko at hanapin doon ang u...