Part 2 Chapter 6
Takbo.
Kailangang tumakbo nang mabilis.
Kailangan nila itong maabutan!
Kailangan nilang makuha si Willow kay Nezumi!
"Lily, manatili ka lang sa likod ko. Masyadong delikado," turan ni Seth sa asawang si Lily. "Babawiin ko si Willow kahit anong mangyari."
Tumango si Lily na nanatiling nakasunod kay Seth. "Mag-iingat ka."
Kahit na nagbibigay ng karagdagang dalawampung porsyento ang suot na bracelet ni Lily, hindi pa rin nila magawang makalapit nang tuluyan kay Nezumi. Malakas ang mga demonyong kagaya nito sa Astral Realm.
Sinugod ni Seth si Nezumi mula sa tagiliran, napahinto ito at mabilis naman siyang humarang sa harapan nito para hindi ito makatakas.
Muli siyang kumilos at sa pagkakataong 'yon ay harap-harapan na siyang sumugod. Subalit mabilis si Nezumi, agad siya nitong nahampas sa likod, bagsak siya sa lupa. Ipinadyak niya ang paa at palusob na tumalon para sana suntukin ito pero naging mabilis ang pagkilos nito at namalayan niya na lang na tumama na ang siko nito sa kanyang mukha.
Tila nayanig ang mundo ni Seth dahil sa lakas ng pwersa galing sa tira ni Nezumi gayunpaman hindi niya 'yon inalintana at muling sumugod.
Nagpalitan sila ng tira. Kaliwa't kanang suntok, taas babang sipa at mga tira sa tagiliran. Madalas siyang natatamaan ni Nezumi at lahat ng mga tira nito ay sumasagad sa kaibuturan ng kanyang katawan, ang masama pa wala sa mga tira niya ang nakakapagbigay ng pinsala rito, bukod doon isang kamay lang ang ginagamit nito dahil hawak nito ang anak niyang si Willow sa kabila.
Alam ni Seth na dehado siya sa laban pero hindi siya susuko hanggat hindi niya nababawi si Willow kahit buhay niya pa ang maging kapalit.
"Seth!" rinig niyang sigaw ni Lily sa may di kalayuan. Akmang lalapit ito pero mabilis niyang pinigilan.
Nahawakan ni Nezumi ang kanang paa ni Seth, mabilis niya itong hinatak palapit tapos ay sinaksak niya ito gamit ang matatalim na kuko sa sikmura. Halos lumuwa ang mga mata nito at napasuka na rin ng dugo, subalit hindi pa nakontento si Nezumi. Iniangat niya ang lantang katawan ni Seth, inihampas nang malakas sa lupa, kasunod no'n ay walang awang tinapakan.
Pakiramdam ni Lily bumagal ang pagtakbo ng oras at dahan-dahan niyang nakikita ang pag-angat ng paa ni Nezumi sa katawan ng kanyang halos wala ng buhay na asawa. Nabalot ng takot ang buong katawan niya, takot na dahilan para hindi siya makakilos kaagad.
Wala siyang nagawa nang unti-unting lumayo si Nezumi dala ang kanilang anak. Umiiyak siya sa asawa at lumuhod sa harapan nito.
Humihinga pa ito!
Ipinatong ni Lily ang dalawang kamay sa dibdib ni Seth at inusal ang healing mantra. "TADYATHA AUM BHAISHAJYE BHAISHAJYE MAHA BHAISHAJYE BHAISHAJYE SAMUDGATE SVAHA!"
Subalit walang ipinagbago ang kalagayan nito.
"H'wag kang bibitiw!" muling sinubukan ni Lily. "TADYATHA AUM BHAISHAJYE BHAISHAJYE MAHA BHAISHAJYE BHAISHAJYE SAMUDGATE SVAHA!!"
Pumatak ang isang luha mula sa mata ni Seth bago tuluyang huminto ang paghinga nito. Nanlamig ang buong katawan ni Lily pero hindi siya huminto.
"Tadyatha aum... t-tadyatha au—mm..." kahit anong gawin niyang pilit ay hindi niya makumpleto ang nais niyang sabihin. Tila isang malaking bato ang nakabara sa kanyang lalamunan, parang pinipiga ang kanyang puso at hindi niya matanggap ang katotohanan na wala na si Seth.
Patay na ang kanyang asawa.
------
Isinulat ni : @nowheregray
BINABASA MO ANG
Astral Chronicles
FantasySeal of Light - Book 2 Astral Chronicles(beta version) The Carriers of the Seal faces a new enemy. Past burdens are raised once again to every member of the team as they fought a new demon who was using Jimmy's body. Join Mat Adam and the rest of t...