Tierra Impeliz

67 3 0
                                    


2:30 na ng hapon nang dumating ang sinakyang banca sa kanilang bayan – ang municipio ng Waishnali. Eksaktong tatlong oras ang tinagal ng byahe dahil 11:30 sila umalis ng Mayas. Huling bumaba ng banca sina Raz at Aya dahil huli din silang nakapagbayad dahil may kaunting kabusy-han ang collector. Saglit silang nagpahinga at pagkatapos ay agad silang naghanap ng marerentahang banca papunta sa kanilang tinitirhang isla - ang Isla L'arca.

Ang bayan ng Waishnali ay isang maliit at di ganun pa ka-develop na bayan. Ito ay sa kadahilanang kurakot ang mga nagdaang namumuno rito at maging ang pamamalakad ay di kaaya-aya. Syempre, tulad ng mga di ganun ka- asensadong lugar, kumalat ang mga taong matatabil ang dila at mga taong mapang-husga sa kapwa na kung saan sila mismong mga mapang-husga at mapangmata ay sa katunayan ang pagkatao nila ang kahusga-husga. Para naman maibaling sa iba ang mga bagay na dapat sa kanila ay makikita at sila ang magmukhang malinis, gumagawa sila ng paraan para hindi sila ang maging centro ng usap-usapan. Palibhasa maliit na lugar lamang ito, mabilis talagang kumalat ang balita lalung lalo na ang tsismis na talaga namang nakakasira ng relasyon ng mga magkakaibigan at magkakamag-anak. Kaya't kung ikaw ay marupok, mahina at padalos-dalos - talo ka at magiging biktima. Iilan lamang ang mga ito sa mga negatibong bagay na talagang buhay na buhay at talamak sa bayan ng Waishnali. Pero para naman maging balanse, hindi naman lahat negatibo. May mga tao pa din namang mahalina at totoo sa kanilang pakikitungo. Pagdating naman sa likas na yaman, di padadaig ang Waishnali. At proud sila sa mga ito. Maraming mga magagandang beach na mayroong white sand at kasama na rito ang isla L'arca na ilan lamang sa mga islang nasasakupan ng Waishnali.

Ang isla L'arca ay napakagandang isla. Marami itong mga punongkahoy - namumunga man o hindi. Maganda ang baybay dagat nito na may puting buhanginan at mayaman sa mga lamang dagat. Ang mga coral ay nananatiling maganda at buhay na buhay kaya marami pa ring mga uri ng isda ang makikita at makukuha rito.

Mga simpleng nilalang lamang ang nakatira rito. Sila lang naman ang mga maharlikang engkanto o encantado kung tawagin na pinili ang maging mortal. Malaya nilang nagawa ito dahil karapatan din nila ito bilang maharlika at mababait naman silang lahat kaya pumayag na rin ang kanilang hari na si Bashnu. Ito ay sa kadahilanan na ring upang mapanatili ang kaligtasan ng kaharian at may mga tagapag bantay laban sa mga mapang-abusong tao at ibang mga elemento. Sa katunayan, ang grupo ni Ashnie ang pinakahuling binigyan ng basbas at karapatan upang maging mortal dahil ayaw na muling mabigo ni Haring Bashnu kagaya ng nangyari kay Azir at sa mga kasamahan nito.

Ang mga encantado ay naninirahan sa isang malawak at malaking kaharian na kung tawagin ay Tierra Impeliz na kung saan ay hindi ito nakikita at napupuntahan ng mga pangkaraniwang tao at ipinalalagay ngang ibang mundo ito. Ang Tierra Impeliz ay nahahati sa tatlong komunidad. Una na nga rito ang Shanteria. Ito ang komunidad kung saan nakatayo ang palasyo at dito naninirahan ang kanilang hari o mga dugong-bughaw. Sa Shanteria rin naninirahan ang pamilya ng mga kasapi ng konseho, mga kawal at naninilbihan ngunit hindi sa loob ng palasyo. Ang ikalawa ay ang Gatnaya at Girano ang tawag sa mga nasasakupan nito. Ang ikatlo ay tinatawag na Zakar at mga Razak ang tawag sa mga naninirahan dito.

Ang Shanteria ay kinabibilangan ng dalawang uri ng engkantado: ang mga Shanterian na kadugo ng hari at sila ang may karapatang magmana ng trono kung sakaling may mangyari man sa hari. Sila lamang ang mga diwata o mga engkantadong nagtataglay ng ibayong kakayahan na hindi magagawa ng iba- tulad na lamang ng mayroong may kayang magbago o manggaya ng wangis kapag nanaisin nila, mag-kontrol ng mga bagay o elemento ng kalikasan at ang paglaho at pagsulpot sa iba't iba at malalayong lugar. Ikalawang uri ay ang mga Saraya na kinabibilangan ng mga engkantadong may katungkulan sa palasyo. Ang mga taga Shanteria ay parehong malaya sa anumang naisin. Bagamat may iilan sa kanilang nagpasyang maging mortal ay maaari pa din silang pumasok sa kaharian. Mangilan-ngilan lamang ang mga may angking kakayahan sa mahika sapagkat ipinag-utos ni Haring Bashnu ang pagpapasara at pagpapatigil ng mga may kinalaman sa pagpapalawig at pagtuturo ng salamangka sa buong kaharian sapul nang pag-aaklas na ginawa ng mga Razak.

Ang mga taga Gatnaya o mga Girano ay binubuo ng mga payak na mamamayan at normal na manggagawa sa komunidad o sa lipunang kanilang kinabibilangan gaya ng mga magsasaka, panday, tagapagsanay o mga maestro. May karapatan din silang maging mortal ngunit dadaan pa sa masusing pagdesisyon ng mga konseho ng kaharian. Sila rin ay mababait at matatapat na engkantado. Iilan lamang sa kanilang grupo ang nagpapasyang maging mortal at kadalasan ay nangyayari lamang ito kapag aksidenteng nakita ang isang Girano ng taga lupa at agad itong nabighani at napusuan. Kapag ganito ang nangyari, sakripisyo ito para sa isang taga Gatnaya dahil kailangan nyang lisanin ang kaharian para lamang hindi matuklasan ng taga lupa ang kanyang pagiging engkantado at para na rin sa kapakanan ng taga lupa upang hindi matawag na sira-ulo o baliw. May mga mahika din silang ginagamit pero limitado lamang ito para sa pang araw-araw na gawain at para sa mga di inaasahang kalaban depende sa lawak ng naaral at natutunan sa panahong sila'y malaya pang sinasanay at natuturuan. Halimbawa nito ay ang pagpapalaho na parang bula para magtago at saka lamang aalis sa kinatatayuan o kinaroroonan kapag ginusto nila ngunit hindi maaaring sumulpot lamang bigla sa ibang lugar matapos nilang magpalaho di gaya ng nagagawa ng mga piling taga Shanteria. Si Andong ang unang Girano na naging mortal dahil sya ay umibig at inibig ng isang mortal. Si Andong ang pinakamatalik na kaibigan ni Ashnie at magkaklase sila sa pag-aaral ng salamangka sa Tierra Impeliz. Pareho silang nagkasundo sapagkat pareho silang maalam at magaling sa mahika.

Ang ikatlo naman ay tinatawag na mga Razak mula sa komunidad ng Zakar. Sila ang mga masasamang encanto na lubhang ikinalulungkot ng Haring Bashnu at ng ibang nasasakupan nito. Ang mga razak ay hindi sumusunod sa batas ng Hari at maging ng buong kaharian. Gumagawa sila ng kanilang sariling batas at may sarili ring kinikilalang hari. Sila ang mga nilalang na nananakit ng mga tao at sila rin ay lumalabas sa kaharian upang tumungo sa mundo ng mga tao. Sa katunayan sila ang mga engkantadong nagpamalas ng galing sa paggamit ng salamangka ngunit ginamit lamang sa kasamaan at kanilang ibinahagi sa mga taong nagnanais maging makapangyarihan.

Isla L'arcaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon