Ang Pagtatagpo

28 3 0
                                    


Habang kasalukuyang nagpapahinga si Arrel sa kulungan ay may naririnig syang mga ingay at kakaibang tunog na nanggagaling sa may labas ng kanyang piitan. Nakita nyang may mga puting liwanag ang umaatake sa mga razak na nagbabantay sa kulungan at tumitilapon ang mga kalaban sa oras na tamaan ng makapangyarihang liwanag. Pagkatapos nito ay may biglang lumapit sa kulunganang kinaroroonan ni Arrel na isang di kilalang nilalang at di nya makita ng maayos ang mukha nito. Tanging ang matangos na ilong lamang nito at labi ang kanyang natatanaw ng maayos at batid nyang lalaki ang kasarian nito.

"Maskatu!" sigaw ng lalaki habang nakatitig at nakaharap ang kanang kamay sa trangka ng kulungan at sinunod nyang inusal ang "hanashte" upang maalis o mahubad ang taling nakagapos kay Arrel na tila may taong kumakalag dito.

"Maraming salamat po sa pagligtas nyo sa akin. Ngunit bakit nyo po ako tinulungan? Sino po kayo?" tanong ni Arrel.

"Hindi muna iyan ang mahalaga sa ngayon. Ang importante ay nailigtas na kita at kailangan na nating makaalis sa masukal na lugar na ito."

Sinunod naman ni Arrel ang sinabi ng di kilalang nilalang at umalis na papalayo sa kulungan. Sa kanilang paglalakad sa loob ng kaharian ng mga razak ay biglang nasagi ng kanyang kasama ang isang halaman at bigla na lamang itong gumalaw at pumulupot sa kanyang paa. Nagulat sya sa pangyayari at nagpupumiglas sya. Habang patuloy naman syang gumagalaw ay mas lalung humihigpit ang pagkapulupot nito sa kanyang katawan at unti-unti itong pumupulupot paakyat sa kanyang leeg. Napansin naman ito ni Arrel kaya't sinubukan nyang tanggalin ang halamang-baging na bumabalot na sa katawan ng kasama. Hindi pa sya nakakalapit nang bigla na lamang din syang puluputan sa kanyang baywang at itinapon sa may sulok na puno rin ng halaman.

"Huwag kang gagalaw bata! Isipin mo lamang na natutulog ka sa halamanan pagka't ang mga halaman palang ito na nakapaligid sa atin ay umaatake kapag nagalaw o nabulabog ng sinumang hindi naninirahan sa lugar na ito!" babala ng lalaki.

Balak pa sanang magsalita ni Arrel ngunit hindi na nya ito ginawa. Maya-maya ay may biglang dumating na tatlong krana at susugurin na si Arrel upang lapain at higupin ang kanyang dugo at di nya napigilang hindi gumalaw. At sa kanyang paggalaw ay bigla syang pinuluputan ng halaman sa kanyang isang paa at inangat sya sa hangin. Sa madaling sabi ay nakabitin sya patiwarik at nakatingala sa kanya ang mga krana at tila gagawin syang katuwaan ng mga nilalang na ito.

"Tama ang nilalang na kasama mo batang salta! Dapat sana ay hindi ka gumalaw o nagpakita ng takot man at nakinig na lamang sa kanya. Hayan tuloy, nakalambitin ka na at may bagong pagpipyestahan ang aking mga krana!" sabat ni Azir na kararating lamang sa kinaroroonan ng dalawa.

"Eh kung ikaw kaya ang nasa kalagayan ko? Baka hindi lamang paggalaw ang ginawa mo at marahil ay kumaripas ka pa ng takbo! Baryado!!!"

"Ikaw ay tunay ngang matapang paslit at tila hindi mo alam ang sarili mong kahihinatnan. Tignan natin kung saan ka dadalhin ng katapangan mo!"

Hindi pa kumibo ang salamangkero at nag-iisip ng paraan upang makatakas. Batid nyang hindi magdadalawang-isip ang pinuno ng mga razak na sila'y saktan at pahirapan at hindi nga sya nagkamali sa naisip. Hindi man sila pinalapa sa mga krana ay pinahagupit naman sila sa mga makamandag at nakalalasong halaman at pinahigpitan ang pagkakapulupot sa kanila hanggang sa sila nga'y malason ng dagta at tuluyang manghina.

"Ano kaya ang mainam na gawin sa inyong dalawa? Papaslangin ko na ba kayo o gagawin ko nalang kayong tao-tauhan ko at maging kauri naming mga razak?" tanong ni Azir sa sarili habang pinagmamasdan at naglalakad-lakad sa kinaroroonan ng dalawa.

Sa pagninilay-nilay ni Azir ay napagpasyahan nyang painumin na lamang ng tubig ng pagkalimot ang dalawa at nang sa gayon ay magamit pa nya itong pain at panlaban sa mga sinumang nais syang labanan at higit sa lahat sa mga itinakdang tagapagligtas na magdadala ng katahimikan sa buong Tierra Impelez.

"Sa pamamagitan ng tubig na ito ay mawawala lahat ng alaala mo at di mo na magagamit ang kapangyarihang may kaugnayan sa balintataw." Habang binabanggit ni Azir ang mga katagang ito ay hawak-hawak na nya sa mukha si Arrel at pinilit na pinainom ang tubig sa halos wala ng malay na bata.

Walang magawa ang salamangkero kundi manahimik at mag-ipon ng konting lakas sa kabila ng kanyang hirap na kalagayan. At kahit na nanlulumo at nanlalabo na ang kanyang paningin ay nanatili syang kalmado at para na rin maisakatuparan ang planong kanina pa nya naiisip sa oras na lapitan sya ng pinuno ng mga razak.

Hindi batid at walang katiyakan ang salamangkero kung tunay ngang naapektuhan si Arrel at malalaman nya lamang ito sa oras na makagising ito kaya't idinadalangin nyang hindi ito tumalab sa salta. Pagkatapos na mapainom ni Azir si Arrel ay agad na din syang tumungo sa salamangkero na hanggang ngayon ay natatakpan pa rin ang mukha. Nilapitan na nya ito at upang mapainom nya ng maayos ay naisipang tanggalin ang sumasagabal sa mukha nito. Bigla syang natigilan nang makita ang hitsura ng salamangkero at tila nakita na nya ito. Habang iniisip kung saan nya ito nakita ay inilalapit na din nya ang itim na kupeta na naglalaman ng tubig ng pagkalimot sa bibig ng binata. Pinisil na nya ang pisngi ng salamangkero upang ibuhos ang tubig nang biglang may latigong kumapit at pumigil sa kanyang kamay. Tumilapon ang kupeta at natakpang muli ang mukha ng salamangkero. Kasabay ng pagkatago ng mukha ng salamangkero ay agad nyang tinitigan ang mga halamang nakapulupot sa kanila at hinanap ang ugat nito. Matapos masilayan at makita ang pinaka-ugat ay agad nyang inusal ang katagang "Proflamma!" at biglang umapoy ang halaman. Agad itong kumalat sa ibang parte nito at di naglaon ay pinakawalan sila. Muli nyang inusal ang "Lavare aweg!" habang nakatingin kay Azir at tumilapon papalayo ang pinuno ng mga razak sapagkat hindi nya namalayang maalam sa salamangka ang binata at hindi nya ito napaghandaan.

Agad na tinungo nina Sheia at Waguu si Arrel at inakay naman ni Shinx ang salamangkero na kasalukuyan na ring nanghihina matapos gamitin ang kanyang kapangyarihan. Hindi na sila nag-aksaya pa ng oras at ginamit na nga ni Sheia ang apparaggio upang makarating agad sa Shanteria.

Isla L'arcaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon